Dekada ‘50: Himig ng pamayanang Lasalyano, muling nagtagpo sa entablado ng Animusika 2025

Kuha ni Betzaida Ventura

MAALAB NA GINUNITA sa Animusika 2025 ang ginintuang taon ng De La Salle University (DLSU) bilang tampok na kaganapan sa dalawang linggong selebrasyon ng taunang University Vision-Mission Week (UVMW) na ginanap sa Corazon Aquino Democratic Space (CADS) nitong Hunyo 20.

Naging makulay ang pagdiriwang ng naturang konsiyerto sa pagtataguyod ng UVMW Central Committee at sa suporta ng Office of the Vice President for Lasallian Mission (OVPLM). 

Indak ng konsiyerto

Naghatid-saya sa Animusika 2025 ang iba’t ibang kilalang alagad ng sining kabilang ang Ben and Ben, Cup of Joe, Orange and Lemons, ALLMO$T, KAIA, Popstar Bench, dwta, at Demi. Bukod pa rito, nagpamalas din ng talento si JetNekko, kampeon ng Lasallian Showtime 2025, at ang bandang Chicharon, kampeon ng Battle of the Bands 2025.

Inihandog ng OVPLM ngayong taon ang pagpapatala ng libreng tiket sa lahat ng Lasalyanong nais dumalo sa Animusika 2025. Nilimitahan lamang sa 1,000 estudyante ang maaaring makapasok sa CADS upang matiyak ang kaayusan ng pagtitipon at maiwasan ang anumang klaseng insidente.

Kaugnay nito, binigyang-priyoridad sa pamimigay ng libreng tiket ang mga Lasalyanong nakilahok sa Gunita Fest na isinagawa isang linggo bago ang konsiyerto. Nagtayo naman ng mga alternatibong panonooran sa ibang bahagi ng Pamantasan para sa mga estudyanteng bigong makakuha ng tiket.

Handog ng OVPIA

Inilahad ni University Student Government (USG) Vice President for Internal Affairs Josel Bautista na naging mabusisi ang kanilang paghahanda para sa Animusika ngayong taon. Bahagi ng kanilang naging preparasyon ang pagpili ng mga banda, pangangalap ng pinansyal na pangangailangan para sa konsiyerto, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang opisina ng Pamantasan.

Ibinida rin niya ang matibay na partnership sa mga kompanya at libreng panonood ng Animusika para sa mga Lasalyano bilang inobasyon ng taunang konsiyerto. Isinalaysay niyang nakatuon ang layuning ito sa pagbibigay ng inklusibong karanasan para sa mga estudyante at sa pagbibigay-halaga sa ika-50 anibersayo ng DLSU. 

Binigyang-linaw naman ni Bautista ang ilang mga agam-agam na bumalot sa Animusika tulad ng limitadong akses sa programa. Isinalaysay niyang nagmula ang direktibang ito sa Office of the Vice President for Administration para isaalang-alang ang kaligtasan ng mga Lasalyano at maiwasan ang mga insidente tulad ng stampede. Sa kabila nito, sinubukan ng pangkat ni Bautista na taasan ang bilang ng slots sa pamamagitan ng pagsumite  pagpapakita sa administrasyon ng iba’t ibang layout plan at mas pinatibay na hakbang sa seguridad at crowd management.  

Ipinaliwanag din niya na naantala ang anunsiyo ng rehistrasyon sa social media ng DLSU UVMW dahil sa pagsasaayos ng kanilang publication material. 

Gayunpaman, tinalakay rin ni Bautista ang kaniyang pagnanais na baguhin ang lokasyon ng pagdarausan ng Animusika para sa susunod na taon. Isiniwalat niyang ikinonsidera ng kanilang tanggapan na idaos ang konsiyerto sa Rizal Memorial Stadium at SM Mall of Asia Arena. Subalit, itinuro niyang magiging malaking hadlang dito ang lohistikal na aspekto nito. 

Bukod pa rito, iminungkahi ni Bautista ang pagsanib-puwersa ng Animusika sa Archela Music Festival na isinasagawa sa kampus ng Laguna. “Makapaglalaan tayo ng mas malaking espasyo hindi lamang [para] sa mga kapuwa [nating] Lasalyano, kundi pati na rin sa ating mga kaibigan at kasama sa labas ng ating institusyon,” aniya.

Diwa ng mga Lasalyano

Labis na pananabik ang ibinahagi ni Errol Aguas, ID 123 mula BS Business Management, nang malaman ang listahan ng mga OPM icon at bandang nagbigay-sigla sa taunang konsiyerto. Ipinaabot din ni Aguas ang kaniyang pasasalamat sa mga nag-organisa ng Animusika dahil sa maayos na crowd management at ang inisyatibang mamigay ng tubig sa mga Lasalyanong nauuhaw sa kalagitnaan ng kasiyahan.

Naging makabuluhan naman para kay Fionna Dasal, ID 122 mula BS Marketing Management, ang  una at huling pagkakataon niyang makadalo sa naturang konsiyerto. Pahayag niya, “Hindi lang siya concert kundi isa rin itong paalala kung gaano kasigla at kabuo ang pamayanang Lasalyano.”

Binigyang-diin naman ni Paulene Zulueta, ID 122 mula BS Psychology, na naging patunay ang Animusika sa holistic education na inaalok ng Pamantasan sa paraang hinuhubog din nito ang iba’t ibang talento ng mga estudyante. Dagdag niya, sa programang ito, nabigyan din ng pagkakataon na magkaisa ang mga estudyante at isapuso ang diwa ng pagiging Lasalyano mula sa paglilingkod hanggang sa pakikipagkapuwa. 

Ipinaabot naman ni Bautista ang kaniyang pasasalamat sa pamayanang Lasalyano sa pagtangkilik sa UVMW 2025 mula sa mga isinagawang programa, aktibidad, at bazaar. Binigyang-pugay rin niya ang mga kapuwa niyang Lasalyano dahil nagbunga ang kanilang kalahating-taong preparasyon sa pagdiriwang ng isang selebrasyong isinabuhay ang temang “Gunita.”

“Sa huli, ang Gunita ay tungkol [sa] pagpupugay sa nakaraan, pagsasaya sa ngayon, at patuloy na pagpapabuti para bukas,” paalala niya.