Green Archers, bumuwelta ng panalo kontra Fighting Maroons

Kuha ni Josh Velasco

DINALUHONG ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang sandatahan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 76–75, sa ikalawang sagupaan ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Tournament best-of-three finals series sa SM Mall of Asia Arena, Disyembre 11.

Bumida sa talaan si back-to-back Most Valuable Player Kevin Quiambao matapos magpasiklab ng 22 puntos, dalawang assist, at isang block. Mainit na opensa naman ang ipinamalas ni Mythical Five member Mike Phillips nang pumoste ng double-double output na 18 puntos, 12 rebound, dalawang steal, at isang assist. Sa kabilang banda, nanguna sa kampanya ng mga taga-Diliman si Kapitan JD Cagulangan na pumorsiyento ng 16 na puntos, pitong rebound, at limang assist. 

Nanalasa sa loob ng paint si DLSU big man Phillips sa pagbubukas ng unang yugto, 4–6. Sinamantala rin ng Taft-based squad ang magkakasunod na turnover ng Fighting Maroons upang isukbit ang kanilang unang bentahe sa kuwarter, 12–11. Tangan ang hangaring umangat mula sa oposisyon, patuloy na gumawa ng ingay sa loob ng paint si Phillips matapos humirit ng isang floater, 20–13. Sinelyuhan na ni Green Archer Jcee Macalalag ang kalamangan sa bisa ng second-chance point, 28–22.

Binasag ng tres ni UP shooting guard Reyland Torres ang nagyeyelong talaan sa pagpatak ng ika-7:39 na marka sa ikalawang kuwarter, 25–28. Nagpakitang-gilas naman ng 360 layup si DLSU veteran Raven Gonzales, 35–30, na agad sinundan ng floater shot ni point guard Macalalag upang dakipin ang pitong puntos na kalamangan para sa Green Archers, 37–30. Sa kabila nito, namuhunan ang Fighting Maroons sa free throw line halaw sa anim na magkakasunod na marka, 37–36. Kumabig pa si Gonzales ng tirada sa loob ng paint mula sa handog na pasa ni EJ Gollena at itinaas ang bentahe ng mga taga-Taft, 39–36.

Pinaandar nina Green Archer Gollena at Henry Agunanne ang second half nang rumatsada ng midrange jumper at putback, 43–36. Sumandigan naman ang Diliman-based squad sa mga tirada nina Gerry Abadiano at court general Cagulangan na nagpatabla sa talaan, 43–all. Pagdako ng 5:33 marka, inilabas ng kort si Gollena bunsod ng ipinataw sa kaniyang unsportsmanlike foul mula sa inindang pagtama ni Fighting Maroon Torres. Sinuklian ito ng 2/2 free throw ni small forward Macalalag, 50–47. Nagawa pang makipaggitgitan ni DLSU center Gonzales gamit ang dalawang floater, ngunit nanaig ang Diliman mainstays sa pangunguna ni Cagulangan na nagpakawala ng tres sa huling apat na segundo ng ikatlong kuwarter, 54–62. 

Bitbit ang momentum, sinalubong ng nagbabagang perimeter jump shot ni Harold Alarcon ang huling yugto, 55–64. Binuhay naman ni Quiambao ang dilaab ng mga manunudla gamit ang tres sa 6:26 na marka, 63–67, na ginatungan pa ni Macalalag sa labas ng arko pagdako sa 4:53 ng orasan, 66–71. Tumikada ng reverse layup si Lopez, 66–73, subalit nagising ang diwa ng Berde at Puting koponan kasunod ng pagpukol ng isa sa loob ni Phillips at dalawa sa labas ng arko ni Quiambao upang angkinin ang bentahe sa huling 1:30 segundo ng laban. Bumira pa si Quentin Millora-Brown, 74–75, ngunit mabilis na nakaganti si Phillips gamit ang pangwakas na floater bago maglipana ang mga mintis na tirada ng magkabilang koponan sa huling 50 segundo ng engkuwentro, 76–75.

Dala ang misyong depensahan ang korona, ibinahagi ni big man Phillips sa Ang Pahayagang Plaridel ang babaunin ng pangkat sa kanilang pag-entrada sa huling bakbakan ng torneo. Pagbibigay-lalim niya, “Trust—that’s the word—our teammates and all our coaches. That’s the thing that kind of rings out. In those moments where nothing’s going through, we just trust each other.”

Tinalakay naman ni DLSU Head Coach Topex Robinson sa UAAP Media na naging susi sa kanilang tagumpay ang malinaw na gampanin ng bawat manlalaro sa loob ng kort. Pinahalagahan niyang hindi inggit ang nananalaytay sa dugo ng mga miyembro ng koponan para sa kanilang go-to players na sina Quiambao at Phillips. Bagkus, nakahanda silang rumesponde sa tawag ng mga tagapagsanay.

Kasunod ng matagumpay na pagpantay sa serye, susubukan ng Green Archers na panatilihin ang kampeonato sa Taft sa winner-take-all game kontra Fighting Maroons sa ika-5:30 n.h. sa Linggo, Disyembre 15.

Mga Iskor: 

DLSU 76 — Quiambao 22, Phillips 18, Gollena 9, Macalalag 9, Gonzales 8, Austria 5, David 3, Agunanne 2, Marasigan 0, Ramiro 0, Rubico 0.

UP 75 — Cagulangan 16, Lopez 16, Abadiano 16, Millora-Brown 11, Torres 5, Alarcon 5, Torculas 2, Ududo 2, Stevens 2, Felicilda 0, Bayla 0, Fortea 0.

Quarter scores: 28–22, 39–36, 54–62, 76–75.