
PINAPUSYAW ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang dilaab ng Adamson University Soaring Falcons, 25–20, 27–25, 24–26, 25–15, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 23.
Itinanghal na Player of the Game si opposite hitter Rui Ventura matapos pumukol ng 19 na marka mula sa 17 atake at dalawang block upang pangunahan ang kampanya ng Taft mainstays.
Namayani naman para sa Soaring Falcons si opposite attacker Jude Aguilar na umukit ng 17 puntos mula sa 16 na atake at isang block.
Naging matumal ang umpisa ng laban para sa Taft-based squad bunsod ng magkasunod na atake ng taga-San Marcelino na si Marc Paulino, 0–2, hanggang sa magsalansan ng mga tirada si Ventura na nagbigay-alab sa laro bago selyuhan ni middle blocker Jamiel Rodriguez ang unang set, 25–20.
Sa kabila ng makulimlim na simula sa ikalawang set, unti-unting nasilayan ng Taft-based squad ang sinag sa mga atake ni open hitter Noel Kampton, 24–all, na ginatungan pa ng panapos na atake ni DLSU rookie Chris Hernandez mula sa regalo ng mga palkon, 27–25.
Agarang nakabuwelo ang mga nakaberde sa ikatlong yugto sa bisa ng mga tirada nina playmaker Eco Adajar, Ventura, at Kampton, 21–19, ngunit rumatsada ng mga suwabeng atake ang mga taga-San Marcelino na sina Team Captain John Gay at Aguilar na sinundan pa ng unforced error mula sa DLSU upang ipamigay ang set, 24–26.
Gayunpaman, naging mainit ang simula ng mga manunudla bunsod ng magkakasunod na atake ni middle blocker Eric Layug sa pagbubukas ng ikaapat na set, 5–1, nagsilbing agapay ni Layug ang mga atake ni Kampton at Ventura upang selyuhan ang kanilang ikasiyam na panalo, 25–17.
“Mag-recover muna kami tomorrow, then ang game plan lang namin, maging 100 percent ready lang kami all the time. ‘Yung mindfulness and ‘yung mental namin dapat okay palagi,” pagbabahagi ni DLSU veteran Kampton hinggil sa pagsasara sa elimination round.
Tangan ang 9-4 panalo-talo kartada, muling masusubok ang tikas ng Berde at Puting hanay kontra top-seeded Far Eastern University Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum sa ika-11:00 n.u. ngayong Sabado, Abril 26.