
Nakapulupot pa ako sa leeg ng lasing kong amo nang marinig ang pagdaan ng treng hudyat ng panibagong araw matapos ang buong gabing pagwawalwal. Nakabibilib din naman ang kaniyang time management dahil kaya niyang mag-inom hanggang madaling araw kahit may pasok kinaumagahan. Sumikat na ang araw ngunit yakap-yakap pa rin niya ang unang hindi ko alam kailan pa huling nalabhan. Sa aking obserbasyon, isa lang ang masasabi ko—dugyot at maasim ang aking amo.
Napilitan siyang bumangon dahil umikot ang kaniyang bituka at kinailangang sumuka sa inidoro. Siya lang naman ang uminom pero bakit kasama ako hanggang sa pagsusuka niya? Pagkalabas ng banyo, humarap siya sa salamin at sinabi, “Hindi na ako iinom.” Kita ko naman ang determinasyon sa kaniyang mga mata, ngunit alam kong wala itong patutunguhan. Sa tagal naming magkasama, mababakas ang kaniyang mga karanasan sa aking telang hinihiling kong malabhan na.
Bago ang kadungisan
Isang simpleng tela na lamang siguro ako sa paningin niya ngayon, ngunit minsan din akong naging makabuluhan. Mahalagang simbolo ang isang katulad ko—isang sagisag na nagmula sa prestihiyosong pamantasan ang nagsusuot sa akin. Tila alahas pa nga ang turing sa akin noong una niya akong matanggap. Tinuring pa akong fashion statement dahil maaari raw akong gamitin upang ipangalandakang Lasalyano na siya sa wakas.
Subalit, normal na yata ang pagbabago ng trato sa dating minamahal—unti-unting nalilimutang alagaan at tratuhin nang tama. Tunay ngang walang katiyakan ang pananatili ng pagmamahal, kahit pinangakuan pang walang magbabago noong umpisa. Kaya hindi na nakagugulat na dati rin akong inibig, iningatan, at siniguro ang kalinisan. Sariwa pa sa aking alaalang alagang-alaga pa ako dati ng Lasalyanong nagmamay-ari sa akin. Maingat pa akong isinasabit sa kawit ng aparador upang masilayan niya ang aking kagandahan. Naglalaan pa siya ng oras upang haplusin at kuskusin ang aking katawan upang mapanatiling bago at sobrang Latina ng aking itsura.
Pagwawakas ng kalinisan
Sa pagtagal ng aking amo sa Pamantasan, lalong nabawasan ang ibinibigay niyang oras sa akin. Tinatapon na lamang niya ako kung saan-saan at hindi na inilalagay sa tamang sabitan. Tuwing Martes at “Happy T” naman, wala na siyang pakialam kahit matapunan pa ako ng mumo galing sa pulutang nginunguya o ng alak galing sa boteng iniinuman.
Minsan na rin akong nahulog sa kanal ng Vito Cruz na nagpapaliwanag sa nakaririmarim at mala-suka sa asim na taglay ko. Kapag galing naman siya sa P.E., sabik na sabik siyang isuot ako agad kaya hindi naiiwasang kumapit sa akin ang libag mula sa batok. Kaya’t hindi na lamang puti at berde ang aking katawan; may mga mangitim-ngitim na ring bahaging hindi na kayang linisin kahit pa ng walang tigil na pagkukuskos.
Hindi ko maiwasang magalit dahil tila hindi umaayon ang mga nangyayari sa aking mga plano. Mula nang isilang ako sa University Lanyard Operational Laboratory o ULOL, ninais ko nang magkaroon ng matiwasay na buhay at maging isang mabuting lanyard. Ngunit tila malabo ko nang maabot ang pangarap na ito.
Inilabas ko ang aking mga emosyon sa pamamagitan ng pagpo-post ng status sa Facebook upang maibsan ang poot na aking nadarama. Kumalat pa nga ang mga ito at nakatanggap ng malawak na pansin. Pagsisiwalat ko, “Ako ang patunay na sa umpisa lamang magaling ang mga Lasalyano. Pagkatapos ka nilang gamitin para magpasikat, wala ka nang silbi sa kanila!”
Huling tamis ng pamamaalam
Sa paglaon ng panahon, napalitan na ako ng mas simpleng disenyong bahagi ng paghinog ng isang Lasalyano—ang pagtalikod sa orihinal na ID lace na binigay sa mga frosh. Hindi na mabilang ang malulungkot na oras, iniisip saan ako nagkulang. Dumating din ang araw ng pagkalimot sa akin ng may-ari—iniwan na lamang akong nakatiwangwang na maasim at nagdadalamhati.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, lumapit siya sa akin. Humigpit ang kaniyang hawak sa aking tela, nagdadalawang-isip na isuot ako. Sa gitna ng kaniyang pag-aalangan, muli kong naramdaman ang init ng kaniyang mga haplos sa aking bawat hibla.
Dahan-dahan niyang inilapit ang kaniyang labi sa aking katawan at sinabayan ng mamasa-masa at mainit na dila. Nagulat na lamang ako nang malunod ako sa kaniyang malapot na laway—sinisipsip ang katas ng kaniyang paghihirap bilang mag-aaral na nanuot sa akin. Pinipilit kong tandaan ang sarap ng mga sandaling ito dahil alam kong matatapos din ang lahat. Sa aking muling paghihintay, umaasa ang puso sa muli naming pagtatagpo.
Matapos ang lahat-lahat, binalik na lamang ang aking gamit na katawan sa dating sabitan. Bumalik sa dating gawi, pinapanood ang may-ari sa kaniyang buhay. Malungkot man ulit ang mga araw, masaya pa rin akong naging bahagi ako sa dumi at pawis ng kaniyang mga alaala.