
IPINATUPAD ang bagong dagdag-singil sa Lamog Tuwing Rush hour (LTR) Line 1 nitong Abril 2 matapos pahintulutan ng Department of Sakayan (DOS) ang petisyon ng Grupo ng mga Maniningil sa Riles Corporation (GMRC). Umani ang naturang hakbang ng batikos mula sa iba’t ibang organisasyon ng mga komyuter kabilang na ang Samahan ng Kipot at Paganda (SKP).
Tumaas ng Php5 ang presyo ng minimum fare ng pagsakay sa LTR-1 o Php20 mula sa dating Php15. Pumalo naman sa Php55 mula sa dating Php45 ang pinakamataas na pamasahe sa naturang linya. Bilang kabuoan, umabot sa Php10 ang aprubradong dagdag-pasahe sa maximum fare sa LTR-1.
Ginawang basehan ng GMRC sa nasabing taas-singil ang pagpapanatili sa kalidad ng serbisyo sa LTR-1 at pagsasaayos ng mga pasilidad nito. Nais nilang iparating sa publikong mababawasan ang pagtirik ng mga tren ng limang beses kada linggo kompara sa dating pitong beses sa pamamagitan ng dagdag-pasahe.
Pagaypay ng mababang lipad
Sinang-ayunan ng DOS ang mga dahilang binanggit ng GMRC at siniguradong makatarungan ang inaprubahang taas-pasahe. Idinagdag din nila ang posibilidad ng paglipad ng mga tren sa LTR-1 upang maibsan ang matagal na paghihintay ng mga pasahero sa mga bagon.
Ayon sa pahayag ni GMRC Secretary Enriquegil Bentennison sa kaniyang Facebook page, “We’re consulting with various sectors to make our trains do the first flying mechanism of its kind. Tinatarget namin ang [taong] 2070 para maisagawa ito at sumabay na rin siyempre sa unang pagbubukas ng [Mas Tagal Railway] MTR-7 by that time. So, kaunting patience sana sa ating mga commuter.”
Bukod pa rito, ipinagmalaki ni Bentennison na maaaring aasahan ng publiko ang pagbilis ng mga biyahe sa LTR-1 sa pamamagitan ng dagdag-singil. Mula sa dating 40 minutong biyahe mula Cubao patungong Taft Avenue, mababawasan ito ng isang minuto at magiging 39 na minuto na lamang. Gayundin, mababawasan ng dalawang minuto ang tagal ng biyahe kapag natapos na ang paghahanda sa pagpapalipad sa mga bagon ng LTR-1.
Paninikip ng bulsa
Bilang isa sa mga progresibong samahan ng mga pasahero sa bansa, iginigiit ng SKP na dagdag-pasarin lamang ang pagtaas ng pamasahe sa LTR-1 para sa mga Pilipinong mananakay. Itinambad nilang kulang ang Php645 arawang-sahod ng mga manggagawa para punan ang pantustos sa pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa pagkokomyut.
Hirit ni SKP Representative Aling Sasha Rap sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA), “Hindi kami papayag [na] basta-basta lang mapasubo sa ganon. Masyadong malaki ang hinihingi nila. Hindi namin kaya itong mapanakit na dagdag-singil!” Binigyang-diin din ng organisasyong lalong tumitigas ang ulo ng pamahalaan sa pagbibingi-bingihan sa mga hinaing ng taumbayan.
Ipinarating ni Rap na malaking umbok ng suliranin ang nararamdaman ng mga Pilipino sa tuluyang pagsasakatupuran ng taas-pasahe sa kabila ng pagkukulang ng GMRC na gampanan ang kanilang mga responsibilidad. Ibinahagi niyang bilang parte ng SKP, normal na karanasan nilang maging basang-basa sa pawis, matirikan ng tren limang beses sa isang linggo, at mabulyawan bilang bahagi ng kalabang grupo ng mga kawani ng korporasyong humahawak sa operasyon ng tren.
Ani ng kinatawan sa panayam sa BUKAKA, “Kapag nagpatuloy ang ganitong lagay, maaaring single journey ticket papuntang kalangitan na lang ang aabutin talaga namin. Biruin mo, wala ka pa sa trabaho haggard ka na? Tas matuturingan ka pang member ng [Mataas Ang Lipad at Ubuhing Wagas Ang Galit] MALUWANG? Sobra naman na.” Muli niyang isinaad na malaki ang kaibahan ng dalawang samahan sa kabila ng pagiging parehong organisasyon para sa mga pasaherong Pilipino.
Panawagan ng kaluwangan
Bagaman makailang ulit nagkairingan ang samahang MALUWANG at SKP sa social media at tuwing nagkakaharap sa LTR-1, ipinabatid ng grupong MALUWANG ang pagsuporta sa kabilang grupo. Naniniwala silang tama ang pagtutol ng SKP sa pinahintulutang taas-pasahe kaakibat ng samot-saring pasakit na nararanasan ng mga komyuter.
Ibinahagi ni Blue Rath, tagapangulo ng MALUWANG, sa BUKAKA na maliban sa pagod at pakikipagbakbakan sa LTR-1, nakararanas din sila ng diskriminasyon. Buhat ito ng kanilang labis na pag-ubo sa loob at labas ng mga bagon at malakas pagsinghot sa mga tren. Isinaad ni Rath na hindi madaling pigilan ang mga ito kahit na sinusubukan nilang gawin ang naturang aksiyon nang patago.
Naninindigan ang samahang MALUWANG na hindi makatarungan ang pagdagdag ng pamasahe sa LTR-1 hanggat hindi natutugunan ang masamang pagtingin sa kanila ng mga kawani ng GMRC at labis na naisasaayos ang kabuoang pamamahala ng korporasyon sa nasabing linya. Saad pa ni Wang, “Masyado na ring luma ang mga tren na kapag tuwing rush hour eh lagi na lang masikip. Puro lang din sila mga pangako na mas magiging malawak ang pasukan sa tren. Wala, wala pa rin hanggang ngayon [ang mga pangakong ito].”
Masasaksihan ang unang pagsasama ng mga samahang SKP at MALUWANG sa darating na Hunyo sa tanggapan ng DOS upang lahukan ang diyalogo hinggil sa taas-singil sa LTR-1. Hindi pa sigurado ang presensiya ng mga kinatawan ng GMRC sa gaganaping diskusyon.