
IKAKASA na ang bagong enlistment system ng De La Salle University (DLSU), sa gaganaping enlistment period para sa susunod na termino. Layunin ng Chance-based Arbitrary Management for Balanced System (CHAMBA.sys) na gawing patas at purong suwerte ang pagkakaroon ng slots. Kaugnay nito, magsisilbing pangunahing fortune operator si Intentionally Testing Swerte (ITS) Director Latina Sesable.
Kasama ng ITS, ihahanda ng Office of the University Raffle ang audit ng entries at resulta upang tiyakin na walang magaganap na dayaan. Nakaantabay rin ang Comfort and Pasensya Services upang magbigay-tulong sa mga estudyanteng maaaring maapektuhan ng emosyonal na resulta ng enlistment.
Ugat ng pagbabago
Humantong sa pagbabago ng enlistment matapos umulan ng batikos mula sa mga Lasalyano ang pagkaubos ng slots sa Animo.sys. Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan kay Tayluh Sweep, ID 121 ng kursong AB-FEARLESS, “I knew I was in trouble na kahit may Dean’s Lister privilege ako when everything has changed sa website, kasi may glitch! Ang tagal ko na rito, pero wala pa ring pinagbago.”
Pagsasaad naman ni Dina Lego, ID 124 ng kursong BS-DOVE, mainam na ang tira kaysa walang makuha. Ayon pa sa kaniya, “First time ko po mag-enlist kaya hindi ako maalam sa proseso. Lalo na po sa in-demand courses, wala akong na-secure dahil naubos na. Baka kulang ako sa shower?”
Ipinabatid naman ni Jas Mojica, academic procrastination officer ng Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED), na nahihirapan din sila bunsod ng kakulitan ng mga estudyante tuwing panahon ng enlistment. Isa sa pangunahing hamon sa kanilang opisina ang patuloy na pag-request ng pagdagdag sa kapasidad ng seksyon at panibagong slots. Dagdag pa ni Mojica, tinitiyak ng kanilang opisina ang kapakanan ng bawat mag-aaral sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kangkong chips.
Ipinahayag din ni Sesable na mahirap sa panig ng ITS ang pabago-bagong bilang ng slot. Bukod pa rito, isiniwalat niya ang bagsak na kalidad ng website at inaming kalaban din nila ito sa pagbibigay-serbisyo.
I-CHAMBA Mo: Laban o bawi?
Pagsasaad ni Sesable, kinakailangan munang makilahok sa pre-enlistment para masiguro ang partisipasyon sa raffle enlistment. Magtungo sa CHAMBA.sys, piliin ang pre-enlist, at punan ang hinihinging impormasyon, pangalan at ID number. Isasara ng ITS ang rehistrasyon isang linggo bago ang nakatakdang enlistment period. Dagdag pa niya, purong suwerte na ang basehan at walang saysay ang pasadong prerequisites at ibang pribilehiyo sa bagong sistema.
Magkakaroon naman ng Tiktok Live ang Pamantasan dalawang araw bago ang enlistment upang masigurong patas ang sistema. Makatatanggap ang mga nagrehistro sa raffle ng natatanging CHAMBA code na magsisilbing entry pass sa live. Malaya ang pamayanang Lasalyano sa pagbibigay ng gifts sa Tiktok Live na mapupunta sa University Scholarship Fund. Paglilinaw ni Sesable, hindi ito makaaapekto sa tiyansang mabunot sa raffle.
Ayon kay Sesable, ilan sa mapapanalunan sa raffle ang early course access pass na nagbibigay-kakayahan sa estudyanteng makapili ng anomang kurso, drop pass para makapag-drop ng kurso kahit kailan, at VIP elevator pass upang makapasok ang estudyante sa kahit anong elevator.
Ipinasilip din ng ITS ang iba’t ibang kategoryang maaaring mapanalunan sa CHAMBA.sys. Makukuha sa silver prize ang dalawang early course access pass, isang drop pass, at 500 pesos worth ng kalamansi.
Bahagi naman ng gold prize ang apat na early course access pass, dalawang drop pass, professor reveal sa isang major na kurso, at isang timba-tabo set.
Para sa natatanging papalarin, makukuha sa platinum prize ang anim na early course access pass, dalawang drop pass, professor reveal sa tatlong major na kurso, VIP elevator pass sa kahit anong gusali ng Pamantasan, at libreng entrance fee sa Animusika 2025.
“Sa CHAMBA.sys, suwerte na lang ang magsasabi ng kapalaran mo! Tamang timing, tamang dasal, tamang swerte,” ani ni Sesable. Saad pa niya, simbolo ang sistema na nakikinig at umaaksyon ang DLSU sa hinaing ng mga Lasalyano. Isang hakbang pa lamang ang CHAMBA.sys na matulungan at mapagaan ang buhay-Lasalyano ng mga estudyante.