[SPOOF] DLSU Lady Spikers, puspusan ang hatawan kasama si Queen Pitik

Likha ni ellia p0t. chi3

NAGING SENTRO ng mainit na usap-usapan ang mga dance cover ng De La Salle University Lady Spikers na umani ng atensyon sa ilang mga social media platform. Habang naghihimagsik sa University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Women’s Volleyball Tournament, matindi rin ang paghahandang isinasagawa ng koponan kasama si dancing icon Zy Geronda o mas kilala sa tawag na “Queen Pitik” para sa gaganaping TokTik Dance Competition sa darating na Abril 31.

Labanan ng balakang 

Kasabay sa pag-usbong ng bagong henerasyon ng Lady Spikers ang simula ng pagtuklas ng kanilang hidden talent—ang pagsasayaw. Bantog sa ngalang “chaotic,” isang terminong naglalarawan sa estilo ng pagsasayaw ng dating Lady Spikers tulad nina Kianna Dy at Majoy Baron, iniba ng new generation ladies ang ihip ng hangin matapos magpakitang-gilas sa social media. Nangunguna sa paggiling sina Team Captain Angel Canino, opposite hitter Shevana Laput, at libero Lyka De Leon sa ilang mga kanta ng tanyag na P-pop girl group na BUNI. 

Ibinahagi ni Queen Pitik sa koponan sa unang araw ng kanilang paghahanda ang tamang teknik sa kada-dance move na kanilang gagawin. Aniya, nakuha niya ang husay sa larangang ito matapos makuryente habang sumasayaw sa banyo. Hindi man niya hiling na maranasan din ito ng Lady Spikers, nangingibabaw pa rin sa galak si Queen P lalo na nang maisip na hindi matutulad ang grupo sa GirlTrends ng noontime show na It’s Wowtime.

Mama P! 

Sa dinami-rami ng mahuhusay na mananayaw sa Pilipinas, palaisipan sa mga tagahanga ng Lady Spikers kung bakit si Queen Pitik ang kanilang napiling dance coach. Umiikot ang mga usapan sa loob  

Ayon sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA), personal umanong nilapitan ng Berde at Puting koponan ang tanyag na internet influencer dahil sa kaniyang kakaibang mga diskarte at atake sa pagsasayaw. Nabihag din ang hukbo ng Taft sa lakas at tindi ng bawat pitik ni Queen P sa kaniyang pag-indak. 

Bukod pa rito, hindi alintana ng Lady Spikers ang pagod na hatid ng bawat ensayo at hirap ng kanilang mga sinasalihang liga gaya na lamang ng UAAP. Sa katunayan, mas ginaganahan pa sila dahil sa kanilang matinding sigasig bilang mga mananayaw at tagasunod ni Queen Pitik—isang dedikasyong dala-dala nila bilang mga estudyanteng atleta.

Lasallian swag

Mula Batanes hanggang Jolo, hindi maikakailang bitbit pa rin ng Lady Spikers ang kanilang iconic Lasallian swag. Sa bawat pag-indak, kabig ng balikat, at yabag ng paa, tiyak na walang kukurap habang pinanonood sila. Samahan pa ito ng pa-slow-mo effect na usong-uso sa mga dance challenge ngayon. Sa ilalim din ng gabay ni Queen Pitik, natuklasan ng grupo na hindi lamang paggiling ng katawan ang susi sa maayos na pagtatanghal. Dapat samahan din ito ng samot-saring facial expressions na gamay na gamay ng reyna ng pagpitik. 

Proud namang ibinahagi ni Lyka sa BUKAKA ang kasalukuyang kalagayan ng Lady Spikers sa pagsasayaw. Pagtatapat niya, “Medyo hirap pa rin kami sa blockings. Pero hindi naman na mag-a-adjust ang relo ng Lumots sa timing namin.”  

Sa kabila ng lahat ng hamon, wala nang makapipigil pa sa luntiang grupo lalo na ngayong nakipagsanib-puwersa na sila kay Queen Pitik. Kaya sa kanilang gagawing pagtatanghal, siguraduhing mahigpit ang inyong kapit, huwag pipikit, at nang hindi mahigit ng kanilang wig.