[SPOOF] Dos and donuts ng masasarap: Resipi sa panaderya ni Jcee, ibinunyag

Likha ni bururut

NABILAUKAN sa nilalamutak na double choco peanut butter caramel sprinkle overload doughnut si Pidel matapos makasagap ng balitang kumakalat sa Enrique Razon Sports Center na kinokompetensiya ‘di umano ng isang basketbolista ang malunggay pandesal sa Green Court. Hindi ito para hamunin sa basketball, kundi sa pagmamasa. Bilang Gossip Girl ng mga Lumot, ang opisyal na fandom ng pampalakasang koponan sa De La Salle University, lumapit ang tsismosang si Pidel sa nagmamasang basketbolista at kinumpirma ang kaniyang bagong raket.

“I was inspired by a fan. With my fan’s overflowing generosity of dough, I couldn’t help but build a panaderya,” pagbabahagi ni Green Archer Jcee kay Pidel. Ibinunyag din ng atleta ang kaniyang resipi na binubuo ng dos and donuts na kailangang pakatandaan upang umabot sa pamantayan ng pinakamasarap na fan… este pinakamasarap na tinapay. 

Sangkap sarap #1: Oplan huwag mong asiman 

Sa biglang pag-usbong sa larangang malayo sa pagdribol, hindi maitatanggi ang awra ng face card ni Green Archer Jcee. Dahil dito, nakatatanggap ang atleta ng doughnuts mula sa isang fan at nagiging habulin siya… hanggang sa family dinner?! Lihim siyang napangiwi matapos tikman ang doughnut na bigay ng tagahanga. Aniya, nadismaya siya matapos malasahan ang kaasiman ng naturang pagkain. Kaya naman, matigas ang paninindigan ng basketbolistang panadero na bigyang-remedyo ang kaasiman ng doughnut na kaniyang natikman. 

Mula rito, humingi ang manlalaro ng tulong kay Pidel na ipangalandakan sa mga Lumot ang sangkap ng masarap na fan… este masarap na tinapay. Inilantad  ni Jcee ang sekreto sa bawat masa upang malasap ang sarap sa bawat kagat. Ayon sa panadero, importanteng ihanda ang mga sangkap: asukal, harina, kabaitan, respeto… este, itlog, gatas, at iba pa.

Sangkap sarap #2: Doughnut do this!

Hindi maiiwasan ang pantasya sa mga panaderong tulad ni Jcee na mahusay magmasa ng doughnuts. Idagdag mo pa ang kaniyang mga nakahuhumaling na ngiti habang minamasa ang harina na talaga namang patok na patok sa kababaihan at kabaklaan. Ngunit, hindi dapat kalilimutan na may linyang dapat na panatilihin bilang isang panatiko ng tinapay at maging ng panadero. 

Una, dapat tandaan ng mga doughnut fan na ang respeto ang pinakaimportanteng elemento sa pakikipagkapuwa-tao, lalong-lalo na sa pagkain ng tinapay. Ika nga sa isang episode ng palabas na Karelasyon sa GMA, kahit bukas na ang bakery at nakahain na ang pandesal, huwag itong hawakan kung hindi naman ito kakainin. 

Pangalawa, kahit sarap na sarap ka sa handog na doughnut ng panadero, huwag mo siyang susundan! Ikalma ang sarili at huwag gumawa ng mga bagay na ikasisira ng iyong pangalan kahit naglalaway ka na sa malinamnam niyang tinapay. 

Panghuli, maging matalino sa lahat ng pagkakataon. Baka amagin ang doughnut kung hindi ito bibigyan ng tamang sukat ng mga sangkap. 

Sangkap sarap #3: Please dough remember!

Sa pagmamasa ng doughnut, may mga bagay na mahalagang sundin hindi lamang ng panadero kundi pati na rin ng kumakain nito. Ibinahagi ni Jcee kay Pidel ang sekretong iniaalay niya para sa kaniyang mga tagahanga. Una, importanteng tandaan na dapat bigyan ng sapat na oras na umalsa ang tinapay matapos ang mainit na sagupaan sa lamesa. Wala pa ngang pahinga, guguluhin pa?! Mahalaga ring isipin ang bawat kilos at salitang bibitawan dahil hindi lamang ‘yan basta tinapay, nirerespeto at ginagalang din ‘yan. 

Lubos ang pasasalamat ni Jcee sa suportang natatanggap ng kaniyang panaderya, ngunit umaasa siyang iintindihin ng kaniyang mga tagahanga ang mga sangkap sarap na kaniyang pinagsikapan. Walang masama sa paghanga, ngunit marapat na pag-isipan ang bawat kilos, salita, at alamin ang limitasyon bilang fan. Tandaan, hindi lamang siya basta nagmamasa ng tinapay, kundi isa ring estudyanteng atletang may sariling buhay.