[SPOOF] Jusko po, jusko po!: TokTik streaks, bagong responsibilidad sa pagkakaibigan

Dibuho ni Baka Si Dee

“Beh, ‘yung streak natin send ka na dali!”

“Hoy, beh! Malapit na mag alas-dose!”

“HOY, ‘YUNG STREAK ‘PAG NAMATAY ‘YON!!!”

Iyan ang tipikal na mensahe ng isang kaibigan bago mag-alas-dose sa kaniyang ka-streak partner. Madalas may kasama pang pagbabanta lalo na kapag nauubos na ang restore option. Pero teka, ano nga ba ang streak? At ano ang papel nito sa mga magkaibigan at magkarelasyon ngayon?

Streak ang tawag kapag patuloy na nag-uusap at nagse-send ng mga video ang dalawang tao sa aplikasyong TokTik. Nagsisilbing gantimpala naman ang streak badge at streak points sa pagsisikap na mag-usap araw-araw. Habang tumatagal, patuloy na nagliliyab ang apoy nito.

Bunsod ng mga bagong trends sa social media, tila nagiging requirement na ang TokTik streaks sa pagpapanatili ng ugnayan ng dalawang tao. Pero hanggang saan nga ba aabot ang pagsunod sa uso?

Tatlong kapalaran ng mga mamamatay-streak 

Sa oras na maputol mo ang streak ninyo, may tatlong bagay kang tiyak na kahahantungan. Nakadepende ito sa lalim ng inyong pinagsamahan at laki ng streak na napatay mo. Mula sa pinakamagaan hanggang sa pinakamabigat, narito ang mga maaaring mangyari sa’yo.

Una, pag-usapan natin ang mode of payment. Aba, aba, dapat lang! Malamang sasama ang loob ng kaibigan mo sa’yo at kinakailangang ikaw muna ang magbayad sa cravings at luho niya. Kadalasan, ito ang pinakamadali sa lahat dahil wala namang makatatanggi sa libre. Pagkatapos nito, maaari kayong magsimula ulit na parang walang nangyari. Mapapaisip ka na lang talaga kung ito ba bagong moda ng mga scammer, este kaibigan.

Pangalawa, ang “Okay na ‘to” na kapalaran. Wala na! Ayaw na niyang makipag-streak sa’yo at may sama na siya ng loob habambuhay, in short, wala ka nang ka-streak partner. Sa kabutihang palad, may natitira pa siyang pagmamahal at pagmamalasakit sa’yo bilang kaibigan mo kaya okay na ‘yan. 

Pangatlo, edi ano pa ba? #FriendshipOver na! F.O. na kayo! Ito ang pinakamalala at pinakamasakit na maaaring mangyari sa’yo. Ibig sabihin nito, talagang nasagad mo ang kaniyang pasensiya—nasira ang kaniyang tiwala at nadismaya mo siya nang todo. Kasalanan mo naman kaya maghanap ka na ng ibang kaibigan at bahala ka na sa buhay mo! 

Paalabin pa!

Gagawin na talaga ang lahat ‘wag lamang masira ang streak. Agawin mo boyfriend ko? Gew, pero sobra ka nang vavaih ka! Ibulgar mo lahat ng sikretong itinatago ko? Keri lang pero gawain ba ‘yan ng matinong tao, maem? Basta’t siguraduhin mo lang na hindi mamamatay ang apoy na ‘yan dahil hindi ‘yan nakaka-Latina!

Maraming magagandang naidudulot ang pagkakaroon ng streak sa mga kaibigan. Kabilang dito ang pagpapanatili ng pagkakaibigang mamamatay na at pagsasalba sa relasyong minsan nang natuldukan. Maisasama rin ang pagiging updated sa mga lore ng isa’t isa at mga trending videos sa TokTik. *insert fine dining restaurant monologue ni mommy ino* Gayunpaman, hindi dapat ito ginagawang sukatan ng lalim at tibay ng inyong samahan. Tandaang TokTik streak lamang ‘yan at maaaring i-restore. Subalit, kapag nawala na ang nabuong pagkakaibigan, mahirap na itong ma-recover!