
IPINAKILALA ng CONELEC (Cooking on Elections) ang dating application na Rumble upang mas madaling makilatis ng taumbayan ang 66 na mga kandidatong naghahangad na makakuha ng puwesto sa Senado sa darating na halalan. Nakipag-ugnayan ang CONELEC sa kompanyang Swiper No Swiping (SNS) na nagmamay-ari ng nangungunang dating application sa Pilipinas para mas maipakalat ang impormasyon tungkol sa mga kandidato.
Mula sa mga action star at mga nasasangkot sa krimeng mga kandidato, matitiyak ang mas komprehensibong pagpili sa mistulang Gilas PIlipinas roster ng mahiwagang dose ng Senado. Maaaring ma-download ang Rumble nang libre sa kahit anong uri ng gadyet katulad ng cellphone, computer, at tablet.
Rumble-an na
Sa panahon ngayon, dumarami na ang mga red flag o senyales ng mga hindi kaaya-ayang katangian ng isang tao. Hindi lamang makikita ang mga ito sa isang romantikong relasyon subalit pati na rin sa mga kandidatong tatakbo para sa paparating na eleksiyon. Bunsod nito, minabuti ng CONELEC at SNS na ibsan ang hamon sa paghahanap ng mga taong nararapat papasukin sa puso ng Senado.
Katulad ng sistema sa mga online dating app, magkakaroon ang mga kandidato ng kaniya-kaniyang profile sa Rumble na nagpapakilala sa kanilang sarili at mga plataporma. Nakasaad sa kanilang mga pagkakakilanlan ang kanilang karanasan sa politika o pagseserbisyo sa bayan. Gayundin, makikita sa profile ng mga tumatakbo sa puwesto ang kanilang iba’t ibang pananaw tungkol sa mga napapanahong isyu.
Pahayag ni CONELEC Commissioner Fyangie Sassable, “Kung tutuusin pwede ring magdagdag ang candidates ng ibang info na gusto nilang ilagay. As long as sumusunod naman sa ating guidelines, walang problema.” Maaaring i-swipe ng taumbayan sa kaliwang direksiyon ang kandidatong makikita sakaling hindi magtugma ang identidad nito sa kanilang personal na kagustuhan. Sakali namang magustuhan ang mga inilatag na impormasyon, awtomatikong mailalagay sa napupusuang listahan ang mga na-swipe right na indibidwal.
Na na na nahuhulog ang loob
Isa si Erlost Trumpo sa mga pinakanatitipuhan ng mga botante sa aplikasyon, ayon sa kasalukuyang datos. Dating mamamahayag si Trumpo na nagsisilbi ngayon bilang Deputy Majority Leader ng House of Representathieves. Bilang estratehiya, hinuhuli ni Trumpo ang taumbayan gamit ang mabubulaklak na salitang hinubog ng apat na miyembro ng kaniyang pamilyang tumatakbo rin ngayong taon.
Sa kabilang banda, maaaring araw-araw tila magiging pasko sa Senado dahil kumakandidato rin sa pagkasenador ang TV host na si Kuya Wellington Rejuvjacket. Kabilang siya sa limang nangungunang kinahuhulugan ng loob ng mga Pilipino sa Rumble. Habang patuloy na naghahanap ang bawat isa ng chinitong para sa kanila, nababaling ni Kuya Wellington ang atensiyon ng sambayanan sa kaniyang mga mata at ngiting tila sumisigaw ng “payb thousand pesos!”. Nagsisilbi niya itong estratehiya upang labanan ang mga alegasyong kulang ang kaniyang kaalaman para maging senador.
Hindi rin magpapatalo ang iba pang bumubuo sa Top 5 sa Rumble. Kabilang dito sina Mr. Agimat ng Etivac Bobong Rebilibid na matatandaang sinampahan ng 16 na kaso ng graft, Pastor Apula Quipanget na kasalukuyang nasa likod ng rehas buhat ng patong-patong na kaso kabilang na ang pang-aabuso sa mga bata, at Camilya Vicabello na handang manguha ng lupain para sa ikabubuti ng kaniyang minamahal.
Sinusubukan naman ni Batyangina Dila Rosa na mas makakuha pa ng mas maraming swipe right sa pamamagitan ng pagluha tuwing gigisahin siya sa mga kontrobersyal na isyu. Kasabay niyang nanliligaw pa para sa mga boto si Bongagoh Gogo na isinama si dating Pangulong Rude Du40 sa kaniyang mga larawan upang magsilbing kinatawan ng mga taong physical touch ang uri ng pagpapadama ng pagmamahal.
It’s not me, it’s you
Mapait na ibinahagi ni Mx. Ter Wright ang kaniyang karanasan sa paggamit ng aplikasyong Rumble para kumilatis ng mga kandidato sa halalan. Aniya sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA), “Puno ng red flags! ‘Yung ang daming ipapangako sa’yo sa simula tapos kung kailan mo sila kailangan, biglang nawawala! Sasabihin na pagsisilbihan ka niya habangbuhay, pero sarili lang [ang] iniisip!”
Idiniin din ni Wright na walang pinagkaiba ang mga nakasalamuha niya sa romantikong bersyon ng Rumble mula sa mga kandidatong nakita niya sa panibagong uri nito. Ipinaalala niya sa publikong kilalaning mabuti ang mga personalidad na tumatakbo upang hindi magsisi sa huli. Inihayag niyang ang iba mga kumakandidato na mismo ang problema at hindi ang mga botante.
Para naman kay Kip Lang Ares, isa ring gumagamit ng Rumble ngayong panahon ng eleksiyon, nakatutulong ang aplikasyon upang lalo siyang magsaliksik tungkol sa mga ito. Natagpuan niya kasing puro na lamang swipe left ang kaniyang desisyon bunsod ng mga red flag na natagpuan sa mga kandidatong natipuhan ng iilan.
Saad ni Ares sa BUKAKA, “Walang winner tonight or any night for me talaga. ‘Yung mga lagi ko kasing nakikita sa Rumble ay ‘yung mga tumatakbong artista, magkakamag-anak sa gobyerno, o may mga serious issue before and now. May ilang mga lumulusot pero the rest? Nakakaumay!”
Inaasahang tatagal ang aplikasyong Rumble hanggang sa mismong araw ng halalan sa darating na Mayo. Tinatayang aabot sa 40 milyong Pilipino ang gagamit nito sa kabuoang panahon ng eleksiyon.