
Paano nga ba mailalarawan ang salitang katapangan? Madalas unang pumapasok sa isip ng mga Pilipino ang mga bayaning nakasulat sa mga libro ng kasaysayan, mga mandirigmang may matatalas na sandata, at mga haring may kumikinang na korona. Subalit, hindi laging magigiting at tanyag ang mga bayani. Kalimitang hindi nanggagaling sa matayog na posisyon ang tunay na katapangan, bagkus sa mga simpleng indibidwal na may nag-aalab na dedikasyon at pangarap na natupok ng sistema.
Sa entablado ng Natividad Fajardo-Rosario Gonzalez Auditorium, itinanghal ng DLSU Harlequin Theatre Guild (HTG) ang “DuLa Salle 2k24: Candelabra” na hango sa mga tula ni Dr. Mesandel Arguelles. Mula Marso 13 hanggang 15, ipinakita ng HTG ang apat na dulang nagmulat sa mga manonood sa mga hamong kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino. Tila pagpupugay ito sa mga tahimik na bayaning iniaalay ang sarili para sa kapakanan ng iba—mga kuwentong muling nagpaalab sa kapangyarihan ng bawat diwa.
Alab ng pighati
Binuksan ng Candelabra ang gabi sa kuwentong King, sa direksiyon nina Kizabelle Aromin at Jaime Dario-Garcia. Sa masiglang panimula, ipinakilala sina Karlos “King” Delos Reyes na ginampanan ni Aaron Taruc at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Klara, sa pagganap ni Kyla Demegillo. Dulot ng kahikahusan at maagang pagkaulila, napilitang magbanat ng buto si King sa murang edad at makipagsapalaran bilang isang manggagawa sa pabrika ng lambanog.

Sa kabila ng sipag at dedikasyon, hindi nagiging sapat ang kita para buhayin ang kaniyang pamilya—pagpapahayag sa kapalpakan ng sistemang panlipunang suportahan ang mga nangangailangan. Tumingkad din lalo ang mensahe ng dula nang ipakita ang kalumaan ng pabrika, ang hindi makatarungang pagpapasahod, at ang unti-unting pagkapundi ng pag-asa ng mga manggagawa. Gayunpaman, hindi tuluyang naubos ang alab ni King sa kabila ng patuloy na pagkupas ng kanilang motibasyon.
Subalit, tila tadhana na ang nakipaglaro sa ningas ng kaniyang tapang. Sa gitna ng trahedyang pagsabog sa pabrika, umangat ang kaniyang kagitingan nang piliing iligtas ang buhay ng mga kasamahan. Nasawi man sa kasamaang palad, tahimik ang kabayanihang iiwan ni King sa mga taong magpapatuloy ng kaniyang kuwento. Sa huli, higit pa sa malagim na pangyayari ang kuwentong ito—tungkol ito sa pag-ibig na patuloy na nagsisilbing liwanag at lakas. Kaya durugin man ng pagsubok, muli pa ring babangon at magpapatuloy.
Sa likod ng pagliyab
Binigyang-buhay naman ang mga manggagawa sa isang pabrika ng mantikang tila nakadarang sa init ang mga kuwento sa Ngiti sa Apoy, mula sa direksyon nina Anna Franceska Correa at Richelle Manaloto. Nakasentro ang dula kay Tope, isang batang manggagawang ginampanan ni Faime Litton, na unti-unting namulat sa mapanlinlang at mapang-abusong sistema ng pabrika.
Tumambad kay Tope ang kabigatan ng kanilang trabaho, hindi makatarungang quota, at ang maling pagtrato ng kanilang amo. Nagpapakitang dulot ng kapitalismo, mas nagiging matimbang na ang negosyo kaysa buhay ng tao. Hindi lamang ito isang kuwento ng pagtitiyaga, bagkus inihahayag din dito ang panganib ng pananahimik sa gitna ng patuloy na pagtitiis.
Dama ang kanilang pagkadismaya sa sistemang matagal nang pinaglilingkuran sa bawat hinaing na binibigkas. “Kailan tayo magsasalita? Kung kailan wala na tayong makain?” mga tanong na hindi lamang bumagabag sa mga karakter sa entablado ngunit pati na rin sa mga manonood. Marahil dahil tulad nila, marami pa ring nagbubulag-bulagan sa sistemang walang humpay na nang-aapi sa mga nasa laylayan.

Sa pagkatupok ng pabrika sa apoy, kasama ring naabo ang pag-asa ng mga manggagawang naghahangad lamang ng isang makatarungan at makataong pamamahala. Tila isang simbolismo naman ang naging trahedya sa pagbagsak ng sistemang matagal nang bulok—isang mapait na tagumpay na isinilang mula sa likod ng kapighatian.
Alaala sa agos ng panahon
Tila bumalik sa nakaraan ang mga manonood nang sumunod ang Kilapsaw, sa panulat nina Qashrina Musa at direksiyon nina Aaliyah Labrador at Chloe Velasco. Ginampanan ni Jet Almencion ang bidang si Alon, isang batang babaeng maagang naulila sa namayapang inang si Mirasol. Lumaki siyang kasama ang amang si Lucero at Lola Cielo, subalit hindi ito naging sapat upang punan ang pagnanais na makilala ang kaniyang ina.
Tanging mga lumang sulat na lamang ng ina ang paulit-ulit na binabasa ni Alon upang maibsan ang kaniyang pangungulila. Isang peryodista sa panahon ng digmaan si Mirasol. Dulot ng pagsisiwalat niya ng katotohanan, naging mitsa ito ng kaniyang pagkasawing higit na kinamuhian ng asawang si Lucero.

Matapos ang maikling paglalakbay ni Alon, napagtanto niyang hindi lamang sa papel nananahan ang mga kuwentong iniwan ng kaniyang ina bagkus isa itong daan tungo sa mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan. Kaya mapait man ang naging kapalit sa pakikipaglaban ni Mirasol, nagkaroon ng higit na pagpapahalaga si Lucero sa legasiyang iniwan ng asawa. Sa huli, isinapubliko nila ang mga isinulat ni Mirasol bilang pag-alala sa mga namayapa sa digmaan at pagkilala sa mga mamamahayag na naglathala ng katotohanan.
Sayaw ng gunita at dalamhati
Pagninilay sa mga sugat ng nakaraan, pagkakaibigan, at mga pangarap na hindi natupad ang dala ng Kandili, sa panulat ni John Custer at direksiyon nina Custer at Michelle Ruiz. Sa pag-uwi ni Kandi sa kanilang baryo, muli silang nagkita ni Hiro makalipas ang 20 taon, na ginampanan nina Selene Mari at Lorenzo Sunga.
Kasama sina Coco, Tedi, at Mira—mga batang tulad nilang may pagmamahal sa larangan ng pagsayaw—nabuo ang grupong Kandili Warriors na naging simbolo ng kanilang pagkakaisa at pangarap. Sa pagbabalik-tanaw, ipinakitang ang disgrasyang kumitil sa buhay nina Coco, Tedi, at Mira, dalawang dekada na ang nakaraan, ang nagdulot ng lamat sa kanilang pagkakaibigan. Kaya sa kaniyang pagbabalik, tila muling binuksan ang sugat ng nakaraan para kay Hiro.

Napuno man ng pasakit at mga luha, ipinakita ng kuwentong Kandili na may pagkakataon pa rin upang magpatuloy at matuto mula sa mga nagawang pagkakamali. “Sumisilip ang pag-asa sa dalamhati,” at sa kabila ng lahat, may bukas pa ring naghihintay sa mga taong nagnanais maghilom.
Liwanag sa dilim
Nagsilbing ilaw sa madilim na daan ang kanilang tapang at malasakit—nagpapahayag ng halaga ng pagkakaisa upang malampasan ang mga pagsubok na tila walang katapusan. Nagsilbing simbolo ang bawat tauhan ng mga ordinaryong Pilipinong hindi sumusuko sa kabila ng pagdanas ng kalupitan sa buhay. Ngunit higit pa rito, paalala ang pagtatanghal sa kahalagahan ng pagmamahal sa pamilya at komunidad.
Mabigat man sa puso ang bawat kuwento ng pagkabigong dala ng Candelabra, panibagong dahilan naman ito para sa mga manood na magkaroon ng pag-asa at tiwala sa sarili. Sa bawat dula, masisilayan ang lakas ng mga tauhang tiniis ang matinding paghihirap at pananaig ng pagpupunyagi upang magpatuloy tungo sa mailap na tagumpay.