Hangganan sa pagitan ng sining at kalayaan

Habang patuloy na umuusbong ang mga makabagong artista sa Pilipinas, kasabay rin nitong lumalawak ang sining—mula sa tradisyonal at dihital na pagpipinta hanggang sa malikhaing anyo ng print at sticker art. Iba’t ibang paraan, estilo, at layunin ang nagtutulak sa mga artista upang ipahayag ang kanilang sarili. Mapanlikha, mapagmahal, at mapagpalaya—ganiyan ko nakikita ang sining. Ngunit sa gitna ng malayang pagpapahayag, hanggang saan nga ba ang hangganan ng sining at kalayaan?

Subalit, sa hangaring ipahayag ang sarili, may mga pagkakataong nagiging instrumento rin ang sining sa pagpapalaganap ng maling pananaw. Nitong Marso 2025, naging sentro ng kontrobersiya sa komunidad ng sining ang isang sticker na naglalaman ng mali at mapanirang representasyon ng mga Badjao. Tila minamaliit nito ang kanilang pamumuhay, lalo na ang panlilimos. Nagdulot ito ng negatibong reaksiyon mula sa komunidad. Bagama’t maaaring nais ipakita ng obra ang hirap ng mga naghihikahos na artista sa bansa, mali ang paraan ng pagpapahayag nito.

Isa lamang ang mga Badjao sa maraming katutubong pangkat sa Pilipinas, ngunit patuloy silang nagiging biktima ng diskriminasyon at pangungutya. Kilala sila bilang mga mangingisda at manlalayag, ngunit napilitang lisanin ang kanilang tahanan dahil sa armadong sigalot, malawakang pangingisda, pirata, at iba pang mga banta sa dagat. Sa kawalan ng oportunidad, napilitan silang mamalimos. Gaya ng maraming katutubong pangkat, unti-unti silang napagkakaitan ng kabuhayan at dignidad dahil sa sistematikong opresyon.

Mahalagang bahagi ng sining sa Pilipinas ang paglikha ng obra mula sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino—mula sa mga street sign at karatula sa dyip hanggang sa mga awitin at mahahalagang pangyayari sa lipunan. Ngunit, kung ginagawa lamang ang likhang-sining upang sumabay sa uso at nang walang sapat na pag-unawa at paglubog sa masa, nagdudulot ito ng maling representasyon at hindi kaaya-ayang resulta.

Hindi ko sinasabing mali ang pagsunod sa uso, dahil may kani-kaniya tayong estilo sa sining. Ngunit kung gagamitin natin ang buhay ng iba bilang inspirasyon, kailangan nating pag-isipang mabuti kung makabubuti ba ito. Dapat nating ilubog ang ating sarili sa kanilang sitwasyon at tunay na unawain ang kanilang danas bago lumikha ng sining tungkol sa kanila. Kaya bilang mga responsableng alagad ng sining, tungkulin nating tiyaking hindi nagiging katatawanan ang buhay ng iba, lalo na ang mga katutubong pangkat tulad ng mga Badjao.

Bilang isang estudyante at alagad ng sining, nais kong makita ang pag-usbong ng iba pang naghihikahos na artista sa Pilipinas. Gayunpaman, mahalaga ring maunawaan na hindi dapat maging mapang-alipusta, mapang-abuso, o puno ng diskriminasyon ang sining. Sa halip, nararapat itong maging bukas para sa lahat at magsilbing malayang espasyong kinikilala at iginagalang ang pagkakaiba ng bawat isa. Sa bawat guhit ng lapis, taglay natin ang kapangyarihang gamitin ang ating pagkamalikhain upang maghatid ng pagmamahal at kalayaan sa diwa ng iba.

Dapat manatiling instrumento ng pag-unawa at pagkakaisa ang sining, hindi ng pang-aapi. Sikapin nating higit pang paunlarin ito upang maging tunay na boses ng madla—mapanlikha, mapagmahal, at mapagpalaya.