Green Spikers, bigong maampat ang suwag ng Tamaraws

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

TULUYANG NATULDUKAN ang karera ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos sumuko sa Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 26–24, 23–25, 19–25, 20–25, sa Final Four match ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Mayo 3.

Bagamat bigong makatungtong sa pinal na yugto ng torneo, nagpasiklab si skipper Noel Kampton na nagtala ng 19 na puntos mula sa 17 atake at dalawang block. 

Itinanghal naman na Player of the Game si Morayta mainstay Doula Ndongala na nagtala ng 17 puntos mula sa 12 atake, apat na block, at isang ace. 

Maagang binulabog ni FEU rookie Amet Bituin ang depensa ng mga taga-Taft gamit ang sunod-sunod na atake, 9–10, ngunit matagumpay na nagsanib-puwersa ang tambalang Rui Ventura at Kampton upang sindakin ang mga Tamaraw sa pagtatapos ng unang yugto, 26–24.

Naging mailap ang umpisa ng ikalawang set para sa Berde at Puting koponan matapos bakuran ng Tamaraws si Ventura, 0–3, bago bahagyang nakakuha ng momentum ang Green Spikers sa bisa ng mabibigat na service run ni playmaker Eco Adajar, 20–19, ngunit nagpumiglas ang FEU sa magkakasunod na atake ni Bituin, 23–25.

Nagsagutan ng mga tirada sina DLSU middle blocker Eric Layug at Ndongala sa pagbubukas ng ikatlong yugto, 13–11, at umagapay rin si FEU veteran Dryx Saavedra bitbit ang umaapoy na mga hataw upang gulantangin ang Taft mainstays sa pagsasara ng naturang set, 19–25.

Binuhay ni Adajar ang diwa ng Berde’t Puting hanay sa pagpapatuloy ng tapatan matapos bulagain ang Morayta mainstays sa bisa ng 1-2 play, 8–6, subalit hindi ito naging sapat upang pigilan ang paghuhumiyaw ni outside hitter Mikko Espartero, 20–25.

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay graduating player Vince Maglinao, batid niya na naging makulay pa rin ang kanilang kampanya sa torneo.

“I’m just happy [that] everyone did their best at super happy rin na nandiyan ang Lasallian community kasi parang first time feeling this loud crowd,” sambit ng beterano sa APP

Nagtapos ang paglalakbay ng Green Spikers tangan ang 9-5 panalo-talo kargada at nanatili sa ikaapat na puwesto sa ikatlong sunod na taon.