Green Archers, naghari sa UAAP 3×3 sa ikatlong sunod na taon

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

NAMAYANI ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s 3×3 Basketball Tournament matapos sugpuin ang top-seeded National University Bulldogs sa semifinals, 17–14, at depensahan ang kanilang trono kontra University of Santo Tomas Growling Tigers, 15–12, sa Ayala Malls Manila Bay, Mayo 4.

Sagitsit patungong finals

Pagpito ng unang tapatan, nabalot ng nanlalamig na tirada ang Taft mainstays sa agarang dominasyon ng mga taga-Jhocson sa pangunguna ni Steve Nash Enriquez, 1–6.

Napilitang magpatawag ang luntiang kampo ng pamatay-sunog na timeout bago binasag ng reverse layup ni Earl Abadam ang nanyeyelong talaan, 2–7.

Kinabig na rin ng DLSU ang momentum at sanib-puwersang ikinubli ang limang puntos na kalamangan ng NU sa tulong ng two-pointer ni Abadam, 12–all.

Dikdikan pa rin ang sagupaan hanggang sa natitirang dalawang minuto ng laro, 13–all, ngunit inakay na ng namumukod-tanging holdover noong nakaraang season na si Abadam ang DLSU sa finals, 17–14.

Kalansing ng gintong medalya

Mapagsamantalang liksi ang ibinungad ni Green Archer Andrei Dungo sa UST nang magpaulan ng two-pointer sukbit ang limang puntos na angat, 5–0.

Umagapay pa si Abadam na patuloy bumomba sa depensa nina Growling Tiger Ice Danting at rookie Amiel Acido tangan ang kaniya spin move na sinundan pa ng layup, 10–5.

Sumubok pang putulin papalapit ni Acido ang agwat ng dalawang kampo, ngunit tahasang one-on-one defense ang pinamalugat ng defending champions upang panatilihin sa Taft ang kampeonato, 15–12.

Bagaman mga bagong barahang isinalang, waging tumapak ang DLSU sa taluktok ng torneo kasangga ang pag-ukit ng makasaysayang three-peat sa larangan ng 3×3 Basketball.

Sinelyuhan naman ni rookie Dungo ang titulong Most Valuable Player sa pagsasara ng torneo.