#OutmaNUvered: Green Batters, kumagat sa patibong ng Bulldogs sa UAAP Baseball Finals

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

MULING BINAYBAY ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang parehong kapalaran matapos masungkit ang pilak na medalya kontra National University (NU) Bulldogs, 6–9, sa pagsasara ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Mayo 6. 

Bunsod ng pagdapa, nailuklok ang Berde at Puting koponan sa ikalawang puwesto sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Mabilis na napasakamay ng luntiang koponan ang bentahe sa unang inning matapos pumukol si Kapitan Agon De Vera ng hard grounder na naghudyat kay Ezykiel Bautista na umukit ng run, 1–0.

Bago matapos ang unang kabanata, nagpamalas ng koneksiyon ang magkapatid na Agon at Liam De Vera upang pakinabangan ang error mula sa depensa ng NU upang ibulsa ang isang run batted in (RBI), 2–0.

Pagdako sa ikalawang inning, muling ibinandera ng dating mga hari ng baseball field ang kanilang puwersa matapos maglikom at suklian ang singles nina Green Batter Barry Oñas at Yuan Sumague at sinundan pa ng RBI ni Kapitan A. De Vera upang palobohin ang kalamangan sa lima, 5–0.

Agad namang nagparamdam ang presensiya ng bagong saltang si Kyle Hardillo sa ikalimang inning upang bakuran ang pag-abante ng mga taga-Taft nang ikasa ang buong base ng Jhocson na nagpaliyab ng 2–0 run, 5–2.

Nagpamalas naman ng bagsik ang defending champions NU matapos bumomba si Gio Gorpido ng sack fly na naging mitsa sa pag-arangkada nina Herald Tenorio at Nigel Paule patungong base upang tablahin ang talaan, 5–all.

Bigo nang hagipin ng Berde at Puting koponan ang manibela ng bakbakan matapos gawaran ng ground rule double ang Jhocson mainstays mula sa naglagablab na hampas ni Julius Soriano na nagbigay sa kanila ng kalamangan, 5–7.

Sinubukan pang ituwid ng DLSU ang kanilang kapalaran sa ikaanim na inning nang mabigyan ng walk-in run si L. De Vera sa at-bat mula sa pambato ng NU na si Ken Maulit, 6–7.

Gayunpaman, bigo nang patalsikin ng Green Batters ang Bulldogs sa trono matapos palawigin ni Kent Altarejos ang bentahe at selyuhan ang kampeonato sa Jhocson, 6–9.