
Lumiwanag ang buong entablado ng Teresa Yuchengco Auditorium dulot ng mga mapaglarong ilaw na tila may sariling hakbang sa pagsayaw. Nagmula naman sa aliw-iw ng musika ang magiliw na pananabik ng mga manonood. Sa dagundong ng pambungad na tunog, lumakas ang hiyawan at sumambulat ang makukulay na ilaw—hudyat na handa na ang mga mananayaw upang umindak sa entablado.
Mula sa mga kulay na berde, pula, at dilaw, kapansin-pansin ang hiphop na istilo ng produksiyong nagbibigay ng antilo sa temang “Kalye Ritmo” na inihandog ng La Salle Dance Company-Street (LSDC-Street) nitong Marso 29. Isinilang nito ang panibagong paghuhugpong ng LSDC-Street at komunidad mula sa Leveriza sa ngalan ng sining.
Pintig ng kalye
Rumagasa ang usok, kumalabog ang sahig, at unti-unting bumwelo ang musikang bumasag sa katahimikan ng awditoryum. Mula sa dilim, sumulpot ang mga nakaberde at maong na kasuotang taglay ang mga matang nagliliyab sa alab ng layunin. Matindi, tiyak, at tuloy-tuloy ang kanilang bawat galaw na umukit ng mensahe sa hangin—sayaw ang wikang kanilang binibigkas at pagkakaisa ang kanilang panawagan.
Nakasabay ng LSDC-Street sa iisang tanghalang kumilos ang mga batang mananayaw mula sa Barangay 713 sa Leveriza, Maynila. Sa bawat pagtapak ng paa at igkas ng bisig, unti-unting sumibol ang koneksiyon sa pagitan ng mga mananayaw na tumagos maging sa puso ng mga manonood.
Higit na kuminang ang diwa ng Kalye Ritmo hindi lamang bilang isang pagtatanghal sa entablado bagkus, bilang isang pagkilos. Naging isang kolektibong pagsayaw ito tungo sa pagkilala sa kapuwa at sa pag-angat ng boses ng mga hindi madalas mapakinggan. Sa bawat bugso ng musika, lumagablab sa kanilang mga mata ang kuwento ng lakas at pag-asa ng kabisera.
Walang pag-aalinlangang humakbang sa gitna ng masining na entablado ang mga paang dating sanay sa alikabok ng lansangan. Sila ang ritmo, ang pintig, at ang paalalang sa pagkilos ng marami, nagkakaroon ng saysay ang galaw ng bawat isa.
Hakbang ng kabataan
Mula sa saliw ng galaw ng mga katawan sa tugtog ng musikang Pilipino hanggang sa indayog ng mga ito sa himig ng mga banyagang awitin, sumiklab ang Kalye Ritmo bilang isang makabagong paalala na may tinig, damdamin, at paninindigan ang kabataan.
Dumagundong naman ang tunog ng “Bagsakan,” isang kanta ng Parokya ni Edgar na nagtatampok sa tinig ng tatlong haligi ng Filipino rap na sina Gloc-9, Francis Magalona, at Chito Miranda. Kasabay ng bawat bigkas ng salita at pagbilis ng tiyempo ang pag-angat ng boses ng mga batang handang ipaglaban ang kanilang kuwento. Dito higit pang nakilala ang mga kabataang hinubog ng kalye at ang mga talentong nilinang ng musikang sariling atin.
Hindi naman alintana ang pagod sa kanilang masisiglang galawang sumasalamin sa panawagan ng kabataan. Ito ang kuwentong nararapat marinig hindi lamang sa loob ng tahimik na silid, kundi mula sa masisikip na kalsada, sa ilalim ng init ng araw, at sa gitna ng lansangan.
Dumaan ang modernong tunog at kasabay nito, umalab ang entablado sa lakas ng mga yapak. Kasunod namang tumugtog ang “Kabataang Pinoy” na isang sigaw ng henerasyong hindi natatakot bumangon. Malinis ang kanilang bawat indayog at matalas ang bawat bisig na sumisimbolo sa tikas ng kanilang paninindigan sa bawat galaw.
Sa huling yugto, sabay-sabay na humataw ang buong grupo, bitbit ang kuwento ng kanilang lungsod, ang pawis mula sa ensayo, at ang puso ng komunidad. Tila isang pag-ahon sa hindi pantay na lipunan ang Kalye Ritmo—isang pagyakap sa sarili at sa pagkakaiba ng bawat isa. Isa itong paalalang buhay ang kulturang Pilipinong nagpapahayag ng sari-saring kuwento at pagkakapantay-pantay ng lahat.
Bayle ng buhay
Nagsisimula ang kuwento sa bawat pulso ng kabataan—katumbas ng kada galaw ang isang hakbang pasulong sa buhay. Nabuo ang Kalye Ritmo mula sa determinasyon ng mga kabataang Pinoy na sumabay sa galaw ng musika at sa pagpupunyagi ng LSDC-Street na makipag-ugnayan sa lipunan gamit ang sining. Naitawid sa pamamagitan ng pagtatanghal ang layuning paunlarin ang pagkakapantay-pantay sa mga komunidad.
Pinagtibay ng LSDC-Street at Barangay 713 ng Leveriza ang pagkakaisa at koneksiyon ng bawat isa tungo sa iisang hangarin. Labis na suporta naman ang ipinadama ng kanilang mga pamilya, maging ng mga manonood na tunay na naantig ang puso dulot ng kanilang dedikasyon sa pagtatapos ng produksiyon. Mula sa gabay ng artistic director ng LSDC-Street na si Coach Dhztine Bernardino at ang kabuoang direktor na si Coach Mycs Villoso, nabuo ang sining na nakapagpabahagi ng istorya sa ritmo ng buhay. Sa tulong ng Center of Social Concern and Action, naitawid ang kolaborasyong bumuo sa isang makabuluhang ugnayan ng pagsayaw at adhikaing nagpasigla sa angking talento ng mga kabataan.