
PINAGTIBAY ng University Student Government (USG) ang kanilang pag-endoso sa mga piling kandidato at party-list na tumatatakbo sa #Halalan2025 sa ginanap na Pulso ng Lasalyano press conference nitong Mayo 1. Itinuturing ang programa bilang mahalagang bahagi ng proyektong “Boto Lasalyano” na naglalayong paigtingin ang partisipasyon ng mga Lasalyano sa mga pambansang isyu.
Lumahok sa programa sina Juliana Riparip mula sa Mamamayang Liberal (ML) Partylist, Justine Balane mula sa Akbayan Partylist, at Julius Cantiga mula sa Kabataan Partylist. Nakibahagi rin ang mga tumatakbong kandidato sa pagkasenador na sina Leody de Guzman at Atty. Luke Espiritu, habang nagsilbing kinatawan naman ni Atty. Sonny Matula si Anna Leah Colina.
Suporta ng USG sa Halalan 2025
Binigyang-diin ni Ken Cayanan, batch legislator ng FAST2024, na dumaan sa masusing konsultasyon at diskusyon ang pagpili ng USG ng mga ieendosong kandidato upang tiyaking nakaayon ito sa prinsipyong Lasalyano. Ipinahayag din niyang isinusulong ng mga napiling kandidato ang mga panawagan para sa edukasyon, reporma sa lupa, kabuhayan ng mga mangingisda, at karapatan ng mga manggagawa.
Hinimok naman ni USG President Ashley Francisco ang mga Lasalyano na patuloy na makilahok sa pagpili ng mga lider na may taos-pusong hangaring magsilbi sa sambayanan. “Habang tayo ay lumalapit na sa halalan, ating tandaan na ito ay higit pa sa isang boto—ito rin ay para sa kabataan at sa buong sambayanang Pilipino,” aniya.
Maaalalang ineendoso ng USG sina Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Heidi Mendoza, Luke Espiritu, Leody de Guzman, Arlene Brosas, Danilo Ramos, Sonny Matula, at Ronnel Arambulo, pati na rin ang mga party-list na Akbayan, ML, at Kabataan Partylist. Ayon kay Francisco, inendoso ang mga kandidato at party-list na ito dahil sa kanilang ipinakitang integridad, malasakit sa mga sektor ng lipunan, at matibay na paninindigan sa mga suliranin ng mga manggagawa, edukasyon, at kalikasan.
Paninindigan ng mga party-list
Ipinahayag ni Riparip ang pangunahing adbokasiya ng ML Partylist na nakatuon sa reporma at hustisya para sa mga sektor na matagal nang naisantabi. Iginiit niyang bunga ng konsultasyon sa labindalawang sektor ng lipunan ang kanilang mga plataporma, kabilang na ang kababaihan, maralita, senior citizens, manggagawa, at mga katutubo.
Ipinunto ni Balane ang kontribusyon ng Akbayan Partylist sa pagbuo ng mga makabuluhang batas gaya ng Cheaper Medicines Act at Mental Health Care Act. Inilahad niyang patuloy nilang isinusulong ang mga bagong panukala tulad ng Baon Bill para sa mga estudyante at Unemployment Insurance para sa mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay.
Bilang kinatawan ng Kabataan Partylist, kinondena naman ni Cantiga ang tuloy-tuloy na atake at red-tagging laban sa kabataan at mga progresibong organisasyon. Binigyang-diin niyang kinakailangang ipaglaban ang karapatang pantao, karapatan sa edukasyon, at kabuhayan ng mamamayan. Inanyayahan niya rin ang mga kabataang maging mapanuri at aktibong makilahok sa eleksiyon bilang hakbang sa pagbabago.
Mensahe ng mga kandidato sa pagkasenador
Nagpahayag si de Guzman ng pasasalamat sa endoso mula sa pamayanang Lasalyano at ipinuntong patunay ito ng kanilang paninindigan laban sa trapo at politikal na dinastiya.
Binatikos ni de Guzman ang kasalukuyang sistemang pampolitika na matagal nang kontrolado ng iilang pamilya at negosyanteng elite—sanhi ng patuloy na kahirapan ng mga manggagawa, magsasaka, at kabataan. Dulot nito, hinikayat niyang simulan na ang pagbabago at buwagin ang kasalukuyang estruktura na pumapabor sa mga nasa kapangyarihan.
Iginiit ni Espiritu ang kahalagahan ng paninindigan sa harap ng lumalalang sitwasyon sa lipunan. Pinuna niya ang pananahimik at pagiging neutral ng ilan sa gitna ng karahasan, kawalan ng pananagutan, at pagsasamantala ng mga dinastiya.
Pinasalamatan niya rin ang USG sa pagpapakita ng prinsipyo sa pagbibigay ng endoso na nakabatay sa mga adbokasiyang sektoral at hindi sa pagkatao ng mga kandidato. Hinikayat niya rin ang pagkakaisa ng mga progresibong puwersa bilang paghahanda sa Halalan 2028.
Ibinahagi naman ni Colina ang limang pangunahing plataporma ni Matula na sapat na sahod, pagwawakas ng kontraktuwalisasyon, proteksiyon sa karapatan ng manggagawa, pagpapaunlad ng agrikultura, at pagpapalawak ng akses sa edukasyon. Binigyang-diin din ni Colina na nakatuon sa kapakanan ng mga anak ng manggagawa at magsasaka ang kampanya ni Matula.
Kabataan bilang puwersa ng pagbabago
Idiniin ni Riparip na may malaking papel ang kabataan sa voters’ education, hindi lamang para sa kanilang sarili kundi pati na rin sa kanilang pamilya at komunidad. Ipinahayag naman ni Balane na dapat labanan ng kabataan ang vote-buying at mga politikal na dinastiya gamit ang edukasyon at diskurso.
Hinimok ni Cantiga ang kabataang gamitin ang social media bilang plataporma upang labanan ang disimpormasyon. Iginiit niyang sa pamamagitan ng digital literacy, posible ang pagpapalaganap ng mga progresibong adbokasiya. Iginiit din ni Espiritu ang pangangailangang tugisin ang red-tagging, isang isyu na nagmumula sa mga pekeng impormasyon.
Tinalakay naman ni Atty. Renee Co ng Kabataan Partylist na bagamat kalahati ng populasyon ang kabataan, limitado pa rin ang kanilang representasyon sa Kongreso. Bunsod nito, ipinunto niyang kinakailangang palakasin ang kanilang tinig sa darating na halalan.
Sa pangwakas na mensahe ni USG Vice President for External Affairs Xymoun Rivera, ipinahayag niyang hindi lamang itinuturing na kinabukasan ang kabataan, sa halip bahagi sila ng kasalukuyan. “We show up, we speak up, and we stand up,” punto niya.