Kinatawan ng BLAZE2020 sa LA, sinibak sa puwesto

HINATULANG GUILTY ng University Student Government – Judiciary Department (USG-JD) si Anton Mapoy, BLAZE2020, sa kasong gross negligence at negligence of duty bunsod ng kaniyang pagpapabaya at pagliban nang walang paalam sa mga sesyon ng Legislative Assembly (LA), Setyembre 17.

Isinampa nina Katkat Ignacio, EXCEL2021, at Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang mga nasabing kaso dahil hindi tinupad ni Mapoy ang kaniyang mga tungkulin sa LA. Pinangunahan naman nina Chief Magistrate Jericho Quiro, Deputy Chief Magistrate Andre Miranda, at Magistrate Reginald Bayeta IV ang naturang sesyon.

Kapabayaan sa tungkulin

Binigyang-diin ni Quiro na mandato ng isang kinatawan ng LA na maglingkod sa mga estudyante. “Part and parcel of their responsibilities is. . . to contribute and give voice to the people they represent during sessions of the highest legislative body of our USG,” paglalahad niya.

Matatandaang nakapagtala si Mapoy ng anim na pagliban nang walang paalam magmula nang iluklok siya noong Marso 19. Hindi maaaring lumagpas sa tatlong unexcused absences ang mga kinatawan ng LA alinsunod sa Rule IV, Sek 3 at Rule XV, Sek. 6.3.4 ng Rules of the LA, at sa Art IV Sek 3.8, 3.9, at 3.10 ng Code of Conduct and Responsibilities.

Pinatotohanan naman nina Bryan Reyes, BLAZE2023, at Sophia Beltrano, BLAZE2021, ang hindi pagtugon ni Mapoy sa mga panawagan ng Ramon V. del Rosario College of Business College Legislative Board. Ipinahayag din nilang nakapag-ambag lamang si Mapoy sa isang resolusyon ng komite ng National Affairs.

Itinaas din ni Deputy Inspector General Lunette Nuñez ang pagsama ni Mapoy sa ilang bidyo sa TikTok sa kabila ng hindi niya pagiging aktibo sa LA. Binanggit naman ni Mapoy sa kaniyang panayam kay Nuñez na itinuturing niyang “safe space” ang mga taong nakasama niya sa naturang bidyo.

Nagdulot ang pagliban at hindi pagtugon ni Mapoy para magsampa ng kaso sina Ignacio at Hernandez hinggil sa kaniyang kapabayaan sa paggampan sa kaniyang responsibilidad bilang kinatawan ng LA. Hindi naman dumalo si Mapoy sa mga pagdinig ng USG-JD sa plea hearing, pre-trial hearing, at trial niya kaya nagdesisyon ang korte na ipagpatuloy ang paglilitis sa pamamagitan ng trial in absentia.

Dahilan ng pagliban

Samantala, inilahad ni Mapoy sa kaniyang panayam kay Nuñez na alam niya ang obligasyong magpasa ng liham para sa bawat pagliban niya. Hindi naman tinanggap ng USG-JD ang mga ibinahaging rason ni Mapoy sa likod ng kaniyang pagliban, kasama na ang pakikipaghiwalay niya sa kaniyang karelasyon noon. “No law provides for the acceptance of such an excuse,” ani Quiro.

Ipinaalam din ni Mapoy na sumailalim siya sa quarantine matapos makisalamuha sa isang nagpositibo sa COVID-19 at nagkaroon din siya ng isang sakit na hindi na isinapubliko ng korte. Gayunpaman, hindi rin ito tinanggap ng USG-JD sapagkat hindi nakapagsumite ng medical certificate si Mapoy para mapatunayan ito.

Hindi rin tinanggap ng USG-JD ang rason ni Mapoy na kasalukuyan siyang nagpapatakbo ng isang negosyo. “When a conflict between the private and public life as a USG officer, the role, responsibility and obligations of the individual as a USG officer shall take precedence,” wika ni Quiro.

Desisyon ng korte

Hinatulang guilty ng USG-JD si Mapoy sa paglabag sa Art. IV Sek. 3.8-3.10 ng Code of Conduct and Responsibilities, pati sa Rule IV, Sek. 3 at Rule XV, Sek. 6.3.4 ng Rules of the Legislative Assembly. Bunsod ito ng kaniyang anim na pagliban nang walang paalam at hindi pagpapasa ng excuse letter para ipaliwanag ang mga rason sa likod nito.

Ipinahayag naman ng korte na hindi guilty si Mapoy sa kaso ng paglabag sa Art. XII Sek. 2.1.3 ng USG Code of Violations na may kaugnayan din sa probisyon para sa pagliban sa posisyon. “The retroactive application of laws to the disadvantage of the defendant is unallowed,” paglilinaw ni Quiro dahil sa susunod na akademikong taon pa ipatutupad ang naturang batas.

Nagdesisyon din ang hukuman na tanggalin si Mapoy sa kaniyang puwesto sa LA at hindi na siya pahintulutang manungkulan sa anomang posisyon sa USG. “The wanton disregard he has shown for the laws of the USG and his own duties and responsibilities are blatant enough to merit his punishment,” ani Quiro.
Binigyang-diin din ni Quiro sa desisyon ng USG-JD ang kaugnayan ng kapabayaan ni Mapoy at ang masamang epekto nito sa tiwala ng mga estudyante sa USG. “[Mr. Mapoy’s] actions endangers the already declining confidence of the people in our democratic system,” giit ni Quiro.