[SPOOF] Ride-All-You-Can: 100% TFI, ipatutupad para sa DLSU Amusement Park

Likha ni Rex Splode

IPAPATAW ng Multi-Sectoral Chuba Chuchu on Tuition Fees (MSCCTF) ang isang daang porsyentong tuition fee increase (TFI) para sa susunod na akademikong taon 2025–2026. Isiniwalat ng MSCCTF ang pagpapatayo ng Animo Venture Park sa isinagawang kumperensiya sa Henry Sy Sr. Grounds, Abril 30.

Batay sa anunsiyong inilabas ni MSCCTF Chairman Dionela Marilag, makatutulong ang naturang parke sa mental na kalusugan ng mga estudyante at mas mapabubuti nito ang karanasan ng mga Lasalyano sa kanilang edukasyon sa De La Salle University (DLSU).

Matrikulang to the highest level!

Inamin ni Marilag sa naging panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan na kinakailangang maglaan ng malaking halaga ng pera upang masigurong maipatatayo ang naturang parke. Isinalaysay niyang isinagad ng komite sa 100% ang pagtaas ng matrikula dahil taon-taon naman itong nagtataas.

Sumang-ayon din ang Association of Faculty for Events and Dreams (AFED) sa pagpataw ng 100% taas sa matrikula. Salaysay ng asosasyon, “Juice ko po! ‘Yun talaga una kong nasabi kaya napapirma na lang ako agad.” Dagdag pa nito, naniniwala silang sa unang pagkakataong mararamdaman at makikita na rin ng pamayanang Lasalyano ang silbi ng TFI. 

Ipinaalam din ng MSCCTF na taos-pusong sinuportahan ni DLSU President Skibidi Rizz ang mungkahing pagpapatayo ng parke. Isiniwalat nila na childhood dream ni Rizz ang pagpapatayo ng amusement park sa kabila ng pagiging takot sa rides. Nangako rin na mag-aabot ng suporta ang Facilities Management Office (FMO) sa pangangalaga ng parke matapos ang pagpapatayo nito. 

Perks at thrills ng Animo Venture Park

Itatayo ang rides ng Animo Venture Park sa iba’t ibang lugar sa loob ng kampus upang mapakinabangan ang lawak ng espasyo at mapanatiling bukas ito para sa mga estudyante. Ayon kay Marilag, “Gusto nating tiyakin na ang parke ay nasa puso ng kampus upang madali itong mapuntahan ng mga Lasalyano kahit may vacant lang sila.” 

Kabilang ang proyektong Animo Venture Park sa malakihang plano ng unibersidad na gawing mas “student-friendly” ang DLSU. Binanggit din ni Marilag na bukas ang parke sa mga alumni at bisita tuwing weekends upang malaking pondo ang malikom na gagamitin sa pangangalaga ng parke.

Inilantad din ng AFED ang pagpapatupad ng Face Card Recognition bilang ticketing system ng parke upang maibida ang magaganda at makikinis na mukha ng mga Lasalyano. Dagdag pa nila, “Ayyh! Namangha talaga ako sa face card ng mga estudyante rito, sayang naman kung hindi natin gagamitin diba?”

Ibibida sa parke ang Animo Drop Tower, isang 50-foot free-fall ride na sumasalamin sa biglaang pagbaba ng grado ng mga estudyante tuwing may biglaang pagsusulit. Kasama nito ang Green Archer Coaster,  isang high-speed roller coaster na may matitinding loops at twists na nagsisilbing simbolo ng nakakapagpabagabag na enrollment process tuwing simula ng termino. 

Itatampok din ang Lasallian Zipline na may habang 400mm mula Br. Andrew Gonzalez Hall hanggang St. La Salle Hall upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga estudyanteng nahuhuli sa klase. Magkakaroon din ng THESIScape Room na layuning madepensahan ang research paper na itatalaga ng panelists sa loob lamang ng limang minuto bilang susi para makalabas sa naturang atraksiyon. 

Sa kabila ng kasiyahan sa proyekto, ipinahayag ni FMO Director Nervyo Soh ang kaniyang pag-aalinlangan sa pagpapatayo ng rides. Wika niya, “Soafer hirap ng planong ito dahil madaming rides pero ilalaban natin ‘yan para magkaroon tayo ng isang fine amusement park.” Tiniyak niyang magsasagawa ang FMO ng feasibility study upang maging ligtas ang kasiyahan ng pamayanang Lasalyano.

Agree-or-disagree coaster

Ikinagalak ng University Stressed Government (USG) ang kontrobersiyal na planong 100% TFI ng MSCCTF upang pondohan ang pagpapatayo ng Animo Venture Park sa kampus. Ayon kay USG President Ella Quent, makasaysayang panukala ito at tunay na makapagpapabago sa buhay ng mga estudyante gayong magsisilbi itong stress reliever ng mga Lasalyano at paraan sa pagpapataas ng enrollment rate sa Pamantasan.

Dagdag pa ni Quent, “Mas mainam na ilaan ang 100% TFI sa pagpapatayo ng amusement park kaysa gastusin ito sa library resources o academic scholarships.” Bukas din siya sa posibilidad na maghain ng mungkahi upang palitan ang pangalan ng Pamantasan sa Pinakamasayang Unibersidad sa Pilipinas o PUP.

“Matagal na rin tayong naghahanap ng paraan sa pagpapadali at pagpapasaya ng buhay-estudyante at ito na ang tamang pagkakataon na hinihintay natin. Sino bang hindi sasaya kung makakapag-roller coaster ka after mo bumagsak sa exam, ‘di ba?,” ani Betty Go-Belmonte, ID 124 ng kursong BA Procrastination Studies. 

Ayon naman kay Juan Tiu Tree, ID 120 ng kursong BS in Financial Gymnastics, hindi makatwiran ang planong ito. Aniya, bukod sa magastos ito, lalo lamang ito magpapasikip ng kampus at magpapalala sa foot traffic na nararanasan ng mga estudyante sa kasalukuyan.

Gayunpaman, nakatakda nang simulan ang proyekto sa susunod na termino. Bukod sa inihandang rides, sisiguruhin ng Pamantasan ang pagkakaloob ng libreng oxygen refill para sa high stress zones. Samantala, dinagsa naman ng mga estudyante  ang Office of Admissions, Scholarships, and Loans upang magtanong ukol sa potensiyal na isama ang mga gated rides sa student loan.