[SPOOF] #LoanSallianPride: DLSU, babansagang TF Risers sa pagpasok ng panibagong season ng UAAP

Likha ni Ma. Katy C. Nguit

BUMA-KAYA PA BA? Walang makapipigil sa De La Salle University (DLSU) sa kanilang patuloy na pag-arangkada sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) man o sa usapin ng tuition hike. Kaya sa pagbubukas ng panibagong kabanata ng UAAP, ibabandera ng  pamayanang Lasalyano ang DLSU TF Risers bilang panibagong moniker na tiyak na dadagundong sa aray-na. 

Ayon sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan, isa itong power move na huhulma sa school spirit na patatatagin at palalalimin ang kakayahan ng mga Lasalyano habang binubutas ang kanilang mga bulsa. Ngunit, sa patuloy na pagratsada nito, pakiusap ng mga Lasalyano ang DTF—#DecreaseTheFees dahil dasal, tipid, at fasting na lamang ang natitirang game plan nila.

No pay, no gain 

Isang deep three ang pinakawalan ng DLSU para itarak ang 3% pagtaas ng matrikula para sa susunod na akademikong taon. Kasabay nito, isusulong na rin ang pagpapalit ng moniker mula sa nakagisnang Green Archers tungo sa TF Risers bilang taya sa kinagisnan nitong tradisyon na pataasin ang rankings at siyempre ang mga bayarin. Layunin ng pagbabagong itong tugunan ang hamon ng kompetisyon at manatiling nangunguna sa pandaigdigang antas. Ngunit, upang makamit ang ganitong kaunlaran, pinansyal na suporta ang kailangan. Ang mantra ng Pamantasan? Aim high, pay higher!  

Kahit offensive foul ang dating nito sa karamihan, iginiit ng DLSU na para ito sa pagpapataas ng antas ng kakayahan ng bawat Lasalyano. Ipinagtitibay nito ang pay-to-play mentality na susustento sa kanilang championship dreams. Kaya hindi na lamang Berde at Puti ang ibabandera kundi pati na rin ang kulay ginto, isang patunay na gold standard ang presyo ng pagbabago.

Never shall it fail… to increase!

Sa tahasang pagpapalit ng titulong TF Risers, umalma ang mga Lasalyano sa pagbabagong itinuturing nilang hindi naman kinakailangan. Kasabay ng rebranding, pikit-mata ang koponan sa nadadagdagang bilang ng mga Did Not Play na naunang mapudpod ang sapatos at mawala sa kondisyon. Mapaaaga rin ang pagka-foul out ng mga bigong makasabay sa panibagong sistema.

Walang patid ang patuloy na pagtaas ng mga pinamahal na quota, kasunod ang pagdadalawang-isip ng mga isponsor sa kahalagahan ng pagsuporta sa TF Risers. Habang tumataas ang mga gastos, unti-unti ring nababawasan ang playing years ng mga atleta, kasabay ng pag-usbong ng oportunidad na sumalang sa mga propesyonal na liga. Bagamat buhay na buhay ang pagnanais na iwagayway ang Berde at Puti, parami nang parami ang mga kumakagat at agad na lumalabas sa Pamantasan upang sumalang sa iba’t ibang kompetisyon.

Overtime pa nga sa utang

Wala ring mintis ang pagbulusok ng bawat tira ng Pamantasan sa buhay ng mga Lasalyano. Sa pagbabagong ito, mababangko ang karamihan ng mga estudyante. Habang abala ang koponan sa kanilang free throws, nag-iisip sila kung paano makahahanap ng pondo para sa kanilang matrikula.

Patak lamang muna ng tubig ang iinumin bago pag-usapan ang mga utang at magturuan kung sino na ang foul trouble sa finance. Ang tunay na Most Valuable Player? Ang mga Lasalyanong dugo at pawis ang panangga sa biglaang gastos. Sa halip na pagtuunan ang championship dreams, baka mas kailangan pa muna nilang mangarap ng abot-kayang matrikula.

Kung magpapatuloy ang pagbabagong ito, hindi ito isang highlight play na dapat ipagdiwang. Habang may fast break play patungo sa tagumpay ang iba, may mga Lasalyanong napipilitan na lamang mapa-timeout sa panggigipit ng mala-Taft Tower na bayarin. 

Huwag nang baguhin ang moniker dahil hindi tuition fee ang TF na dapat paigtingin kundi ang Thriving Future ng mga estudyante. Walang game-winning shot sa hinaharap kung sa simula pa lamang hindi na patas ang laban. Kaya, #TamaNaFees.