[SPOOF] 3. . . 2. . . 1. . . Lunukin mo lahat ng ‘yan!

Likha ni Saging

“TUBIG!!! TUBIG!!! NABILAUKAN SI INENG!!!” 

“Oh? Anong nangyari diyan?” 

“Isinubo kasi ‘yung labindalawang ubas nang sabay-sabay. Kaya ayan.” 

Napasilip ang mga kapitbahay sa pinanggagalingan ng ingay nang magulantang sila sa eksenang nangyayari sa kanilang harapan. Tarantang pinapalo ni Mother Rainbow ang likod ni Ineng na kulang na lang iluwa pati lamang-loob niya habang pareho silang nakaupo sa ilalim ng lamesa. Ano pa nga ba? May bago na naman siyang ritwal na nakita at gustong gayahin para raw suwertehin siya ngayong taon. Ano namang gagawin mo sa suwerte kapag na-dedz ka nang Bagong Taon, dibuh? 

Hindi na bago ang ganitong situwasyon sa ToRo-Tot family tuwing bagong taon. Halos daigin nila ang mga Kardashians sa ka-OA-an. Paano ba naman? Taon-taon, may bagong trippings ang mag-anak. Pinatulan na ang lahat ng horoscope, tarot reading, at iba pang sari-saring artikulong naglilista ng mga pampasuwerte kuno! Kesyo ‘pag kumain ka ng 12 ubas sa loob ng isang minuto, matutupad lahat ng wish mo. Nakaloloka! Gagawin pang Minute to Win it ang media noche. Pero kahit pa siguro isang dosenang pakwan ang kainin mo sa loob ng ilang segundo, wala kang makukuhang isang milyong piso. Ninakawan mo pa ng pandisplay ang Nanay mong mahilig ding umasang manggagaling ang grasya sa mga bilog niyang muwebles at palamuti. Juskopoooo! Juskopo! Tinalo pa ninyo ang diksiyonaryo sa pagbibigay ng meaning sa mga pamahiing iyan!

UBASura ang kamalasan

Tuwing Bagong Taon, may mga abala sa pagtalon upang tumangkad, may mga nakasuot ng polka dots, at may iba namang halos magka-beke na sa kaiihip sa torotot para mag-ingay. Lahat na lang gagawin upang malayo lang sa malas. Pero alam mo ba ang mas nakawiwindang na trend nitong 2025? Ang pagkain ng 12 ubas sa ilalim ng lamesa bago matapos ang unang minuto ng Bagong Taon. Sumisid sa ilalim ng lamesa, kumain ng dose-dosenang ubas, at maghintay ng suwerte!

Round 1: Siksikan wars

Pagpatak ng 11:58, nagkakagulo na—may nadulas, may natapakan, at may sumisiksik na parang last-minute LRT commuter. Nabangga pa ni Tita ang batang pamangkin na naglalaro sa sahig habang kumakaripas patungo sa lamesa. Siyempre, hindi ito napansin ni Tita kahit umiyak na ang pamangkin nito. Mas mahalaga ang finish line, este, ang suwerte!

Reserved naman na ni Ate ang gitnang puwesto na kanina pa nakayuko roon. Palibhasa kasi, desperada nang magka-jowa! Sa kabilang banda, nagdala pa ng flashlight at knee pads si Tito. Boy scout, ‘yarn?

Round 2: Red grape, green grape

Isang minuto na lamang bago ang hatinggabi. Tuloy ang kaguluhan dahil halos pasanin na ni pinsan ang mundo nang mapansin niyang mali ang kulay ng nabili niyang ubas. Dahil sa pagda-drama, nasagi niya ang buslong punong-puno ng mga bilog na prutas. Parang mga galamay na nagsulputan ang kamay ng mga taong nasa ilalim ng mesa para isalba ang paggulong ng suwerte.

“Mamalasin ka talaga! Dalawang tradisyon na ang ginagambala mo!” 

Round 3: Ubasan o ubusan?

Pagpatak ng alas-dose, nag-ingay na sa labas ang mga paputok at nginuya na ang mga ubas, habang nangingibabaw naman ang hiyaw ni Kuya. “Kulang ako ng isa! Parang buhay ko ‘pag wala siya. . .” Sakto naman ang pagdaan ng kanilang alagang Shih Tzu, kagat-kagat ang kaniyang nawawalang ubas. Naghabulan silang parang pulis at kriminal sa isang telenobela. Ang sala? May nagnakaw ng suwerte ni Kuya!

“Bumalik ka na lang muna rito! Mauubos na ‘yung oras—BLEGH!” At may nabilaukan na nga. Maluha-luha nang ngumunguya si Ineng, pero hindi siya bumibitaw. Kahit nasa bingit na siya ng kamatayan, kumakapit pa rin siya sa paniniwalang tiis-ganda dapat para suwertehin. Habang no pain, no gain ang motto ng iba, no lunok, no swerte naman ang sa kaniya!

Paglipas ng isang minuto, lumitaw mula sa ilalim ng lamesa ang bawat miyembro ng pamilya. Tila mga sundalong galing sa giyera, huminga sila nang malalim at nagpagpag ng alikabok sa kanilang mga damit.

“Kahit anong dami ng ubas ang kainin ninyo, wala ‘yang kUwenta kung hindi kayo magsisikap.” Biglang sumulpot si Lola at iniabot ang mangkok ng pansit na pinaniniwalaang pampahaba ng buhay. “Mas mabuti pang kumain na lang kayo nang tahimik.”

UBASbas ng suwerte

“Kaka-selpon mo ‘yan kaya ka nabibilaukan!” hirit ni Nanay. 

Hindi lang gawa-gawa na magbabago ang iyong kapalaran kapag lumunok ng 12 ubas. Siyempre, may siyentipikong ebidensiya ‘yan! Ayon sa siyensiya, nakapagpapalinaw raw ito ng mata kaya magkakaroon ka ng kapangyarihang makita ang magandang kinabukasan. Proteksiyon din ito ng iyong retina sa pagkabulok para hindi ka na bumalik sa bulok mong ex, mars! Bagong taon na, iwan mo na ‘yan sa nakaraan. Sabi nga ni Mareng Elsasa Gurl, “Kapag ex, ex na”. Kaya mapapansing nakahahanap agad ng bagong shota ang mga kumakain ng 12 ubas. Bagong taon, bagong tao!

Ibinahagi ni Doktor Buenna Swirti, isang kilalang doktor sa sikolohiya sa larangang pagka-delulu, na naglalaman ang isang ubas ng 69% potassium, na nagpapataas sa levels ng pag-assume. Gayundin, nabubuksan nito ang suwerte senses na nagpapagaan ng loob at nagpapataas ng kumpiyansa sa sarili.

Ayon naman kay Doktor Dima Lunok, kinakailangang lunukin ang 12 ubas sa loob ng isang minuto upang masanay ang sariling lumunok ng mga basbas parang mga egglog–este upang madagdagan ang kakayahang tumanggap ng suwerte. 

“Noong panahon ko kung gusto mo ng suwerte, maglalagay ka lang ng barya sa bigas! Hindi ‘yang ganiyang mabibilaukan ka pa!” muling hirit ni Nanay. Kunwari lang ‘di bilib si Nanay pero ang totoo nanghihinayang siya dahil nangungulila na rin siya sa homie at matagal nang walang tatay ang mga anak niya. Napasobra na ang kaniyang #selflove era. “Dedma sa bashers!” ingit ni Ineng dahil ramdam na ramdam niya na ang pagdaloy ng kapangyarihan ng mga mahiwagang ubas. 

Balas-UBAS na bukas

Enero 1, 2025—sinalubong ng ToRo-Tot family ang Bagong Taon na pinapanood si Mother  Rainbow na tinalo pa sa ingay ang Sinturon ni Hudas at ang kaldero ni Aling Baby sa labas. Mukhang walang silbi ang pansit na pampahaba ng buhay lalo pa’t si Nanay ang kalaban. Wala na lang nagawa si Ineng bukod sa ubusin ang tubig na iniabot sa kaniya. #PrayforIneng. #LessonLearned. 

Take note lang! Totoo namang walang mawawala kapag sinunod mo ang iba’t ibang mga pamahiin para mabiyayaan ng suwerte ang iyong buhay. Kaso lang naman, huwag masyadong umasa sa mga tradisyon, lalo na kapag naaabala na ang mga tao sa paligid natin. Suwerte ka nga, galit naman ang mundo sa ‘yo? Hindi puwedeng gano’n! Huwag kang masyadong pa-main character, hindi sa’yo naikot ang mundo. Tandaan, kahit magkaroon ka pa ng sandamakmak na jowa para sa 12 ubas na nilunok mo, walang suwerte kapag ikaw na ang pinasabog ng mga tao dahil sa inis sa’yo nitong Bagong Taon.