
NABULABOG ang katahimikan ng pamayanang Lasalyano matapos ianunsiyo ng De La Salle University (DLSU) ang paglilipat ng Commencement Exercises sa SM Mall of Asia (MOA) Arena mula sa nakasanayang Philippine International Convention Center. Epektibo ito simula ng 202nd Commencement Exercises na gaganapin sa Hunyo 2025.
Batay sa pormal na dokumentong inilabas ni Proboost Dr. Rubhien Rodal, nilalayong solusyunan ng naturang paglilipat ang matinding pakiusap ng mga magsisitapos na dagdagan ang bilang ng panauhing puwedeng isama sa mga darating na commencement exercises.
Pagkasa sa MOA Arena
Isinalaysay ni Rodal sa kaniyang panayam sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan na nagmula ang ideya matapos niyang manood ng ATBP Season 1738 Men’s Basketball Finals. Ani Rodal, “Andami-daming hinaing sa email na dagdagan ang papayagang bilang ng kasama sa commencement exercises. The more the merrier nga naman, so why not ‘di ba?”
Bunsod nito, binuo ang espesyal na komiteng pinangalanang All-Animo Taft Team na mangunguna sa inspeksiyon ng mga potensyal na pagdarausan ng commencement exercises. Pinangunahan ni Rodal ang komite kasama ang Opisina ng Saan Napunta Ang Lahat-Lahat (SaNaALL).
Isiniwalat ni Rodal ang pagkakaroon ng kritikal at puspusang paglilitis ng komite sa mga posibleng lugar na pagdarausan ng commencement exercises. Pagbabahagi ni Rodal, binusisi ng komite ang seating capacity, bilang ng parking space, at posibleng epekto ng mabigat na daloy ng trapiko.
Paglalahad niya, “It was a tough call between MOA Arena and Araneta Coliseum. We decided to push with MOA Arena para ATBP vibes. Subok na rin naman ang parking capacity and ‘di ba, mas malapit sa unibersidad natin so fly fly kaboom na lang then andun ka na.”
Siniguro rin ni Rodal na masasagot ang hinaing ng mga magsisitapos ukol sa bilang ng papayagang kasama sa naturang pagtitipon. Saad niya, “Mas malaki na ang venue natin ngayon, so at least tatlo hanggang lima na siguro ang magiging bilang. We’re still trying to figure things out, pero sinisikap namin na puwede niyo na isama ang buong barangay.”
Suhestiyong mala-Gen Z
Ipinabatid ni Rodal na kasalukuyang inihahanda ng University Technological Information (UTI) ang Animo.sys na gagamiting plataporma sa ticket selling. Paalala niya, maging maingat sa posibleng pagdami ng manloloko o scalper sa pagbebenta ng mga ticket na lagpas sa orihinal nitong mga presyo.
Dagdag pa niya, kabilang sa plano ng Proboost ang paggamit ng mga magsisipagtapos ng glow in the dark na graduation togas upang mas bigyang-kulay ang naturang programa. Saad niya, “Gustong-gusto naming ibahin ang commencement exercises. ‘Yung puno ng saya at kakaibang pakulo, pero siyempre ikokonsulta muna namin ang ibang mga opisina kung payag ba sila sa ganito.”
Sabik ding matungyahan ng mga propesor at iba pang mga faculty ang kauna-unahang commencement exercises. Kalugod-lugod din na ibinahagi ni Dr. Marilag, propesor mula sa Department of Philosophy, ang kaniyang kagustuhan sa paglipat ng selebrasyon sa malawak na espasyo at pagkakaroon ng iba’t ibang pagtatanghal.
Inihain naman ng iba’t ibang mag-aaral ang mungkahing magtanghal ang performing organizations ng DLSU at mga propesor upang bigyang-pugay ang kani-kanilang pagsisikap sa buong akademikong taon. Suhestiyon ni Retsam Lim, ID 121 mula sa Bachelor of Science in Pre-med Physics, “Bakit hindi pasayawin ang mga graduating students at propesor ng Dynamite ng BTS tulad ng inaral namin sa GEDANCE.”
Mga Lasalyano, bumoses na!
Naglikha naman ng alitan ang naganap na ticket pre-selling para sa 202nd Commencement Exercises sa pagitan ng mga estudyanteng magtatapos at mga kasalukuyang nag-aaral pa. Inilahad ni Toni G. Howler, ID 121 mula sa Bachelor of Arts major in Political Science, na nais lamang makita ng ibang bumibili ng ticket ang guest performers na BINHI. Pahayag niya para sa mga hindi pa magtatapos, “Mga unit niyo muna ‘yung ubusin niyo kaysa ang graduation tickets namin ‘yung inaatupag niyo.”
Saad ni James Cannot Read, ID 120 mula sa Bachelor of Science in Accountancy, hindi ito kapani-paniwala ngunit maraming nasasabik makita ang BINHI sa namumukod-tanging paggunita ng kanilang pagtatapos na naging sanhi ng halo-halong hinaing mula sa pamayanang Lasalyano.
Reklamo rin ni Dioneluh James, ID 122 mula sa Bachelor of Arts in Psychology, sinasamantala ng ibang estudyante ang malaking venue upang imbitahin ang kanilang dagdag na kamag-anak. Aniya, “‘Yung iba naman diyan gagraduate lang buong barangay pa ang iimbitahin! Dapat ba talagang kasama pati ang lolo’t lola sa tuhod?”
Bukod pa rito, pinakinabangan ng mga negosyanteng estudyante mula sa College of Benta ang mala-concert na kaganapan upang magbenta ng mga merchandise tulad ng light stick, T-shirt, posters, at iba pang mga produkto.