
HUMARUROT sa opisina ng Philippine in Heat Insurance Corporation (PhilHeat) ang balitang pagtanggal sa subsidiya ng korporasyon bunsod ng pangarap ni Pangulong Ferdi “Blengblong” Marcussy na magkaroon ng sariling F1 team. Binatikos ito ng pamunuan ng PhilHeat dahil lalong mababawasan ang kanilang pondo upang maghatid ng serbisyong pangkalusugan sa bayan.
Nais talunin ni Marcussy ang 11-time world champion na si Rody Camel Toe, dating ka-situationship ng Pangulo, at ang kaniyang team na Sira and Rody Ayaw Pakulong (SARAP). Mababalikang nabuo ang pag-iibigan ng dalawa noong taong 2021 sa pamamagitan ng alyansang Unnie Team nina Marcussy at Bise Presidente Sira Dubirdy. Sasabak sa pabilisang kumambyo ang Pangulo gamit ang bago niyang F1 team, Au in the Goose.
Ipinangako naman ng Pangulo sa sambayanang hindi maaapektuhan ang serbisyo ng PhilHeat sa kabila ng pagkuha ng pondo nito. Subalit, hindi pinanghahawakan ng PhilHeat ang mga salita ng Pangulo sapagkat kinakailangan nila ng kongkretong suporta ng gobyerno upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong pinansiyal at iba pang benepisyo sa mga Pilipino.
Patigasan ng gulong
Nanatiling matigas ang desisyon ni Marcussy na pabagsakin ang 11 taong pangunguna ng SARAP sa kalsada kahit na inulan ang kaniyang administrasyon ng batikos mula sa iba’t ibang bahagi ng sektor pangkalusugan. Buo ang loob ng pangulong buwagin ang imperyong binuo ni Rody sa mundo ng F1 simula ngayong taon.
Nangasim ang relasyon ng RoCussy matapos akusahan ni Marcussy sa Facebook ang kampeon na gumagamit ng likidong Pinta Kneel matapos maaksidente sa karera. Aniya, ang naturang kemikal ang sikreto ni Rody sa matigas nitong gulong at madulas na kambyo kaya mabilis niyang nalalabasan ang karera. Hindi man ipinagbabawal ang sangkap, bumaba naman ang tingin ng taumbayan sa kampeon.
Buhat ng paglalim sa tensiyon sa pagitan ng dalawa hindi na nakapagpigil sa masasamang salita si Rody. Sigaw niya panayam ng isang vlogger, “Ganyan ba dapat boses ng mga nagtatanong, maem?” Tuluyang iniwasan na ni Rody ang pagsasalita tungkol sa isyu at isinaad na sa kalsada na lamang sila maglalaban habang nasasaksihan ng buong Pilipinas.
Sa kabilang dako, walang tigil si Marcussy sa pagbubusina sa mukha ng PhilHeat na muli siyang kukuha sa kaban ng bayan para sa pagpapabuti ng kaniyang koponan. Todo suporta naman ang mga tagahanga ng Pangulo at labis na nakaabang sa magiging puksaan ng mga partidong sangkot sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) Busway.
Nag-overheat na sistema
Ibinahagi ni Meridith Grey, beteranang doktor sa Avon Oh General Hospital, sa eksklusibong panayam sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) ang kaniyang saloobin matapos tanggalin ang subsidiya sa PhilHeat. Iginiit niyang hindi na sila nagulat sa naturang desisyon sapagkat mas binibigyang halaga ng administrasyong Marcussy ang bilis ng sasakyan kaysa sa tulin ng pagpapabuti sa serbisyong pangkalusugan.
Idinagdag ni Grey na tanging mayayaman na lamang ang mayroong pag-asang magamot dahil PhilHeat ang inaasahan ng karamihan ng mga Pilipino. Wika ni Grey, “Kung hindi kami papansinin sa ilulunsad naming laban, baka habulin na lang [din] namin si Blengblong sa EDSA Busway.” Binigyang-diin ng doktorang kinakailangan nilang kumilos laban sa panukalang ito buhat na rin sa kakulangan ng kagamitan at suweldo para sa mga pagod na kawani ng mga pampublikong ospital sa bansa.
Sa paghahanda sa inaasahang laban, inaayos ng kanilang sektor ang ambulansyang pambato kontra sa Php13.7 milyong kotse ni Pangulong Marcussy. Ibinahagi ni Grey sa BUKAKA na mananalo ng pondong ilalaan sa sektor ng kalusugan ang mangunguna, habang magpapaliwanag sa bayan ang matatalo. Umaasa siyang sa pamamagitan ng karera, magkakaroon ng pagbabago katulad ng pagpapabilis sa pag-apruba ng kanilang PhilHeat claim na apat na taon na nilang hinihintay.
Karera ng kapangyarihan
Bilang paghahanda sa pinakahihintay na karera ng taon, personal na ipinag-utos ni Pangulong Marcussy ang pagpapasara ng kahabaan ng EDSA Busway. Ipinatayo mismo ng Pangulo ang bagong daanan para sa paligsahan kasabay ng magarbong pagsasaayos sa kaniyang gagamiting kotse gamit ang Php74 bilyong badyet mula sa PhilHeat. Pagmamalaki pa ng Pangulo, “Gusto ko tila sining sa museong ‘di naluluma ‘yung kotse. Gonna keep it like the nu couché.”
Masigasig namang naghahanda ang koponang SARAP gamit ang Php612.5 milyong confidential fund na nakalap ni Sira bilang bise presidente at dating kalihim ng Kagawaran ng Edubakasyon. Bilang suporta sa mag-amang Sira at Rody, nagkaisa ang Iglesia ni Chris Tiu (INCT) upang magsagawa ng isang protesta ng kapayapaan na layong palakasin ang loob at pataasin ang kumpiyansa ng koponan. Paalala ni INCT Spokesperson Eddie Maabala “Magkaroon tayo ng pagkakaisa para sa SARAP. Moral duty natin ito bilang mamamayan.”
Kaakibat ng pangambang bumagal ang operasyon ng PhilHeat alinsunod sa paglustay ni Marcussy ng pondo nito, dumagdag pa ang isang malaking dagok sa pamunuan. Nagbitiw rin sa puwesto ang dating lider ng korporasyong si Ewan Kuh Ledesma bunsod ng mga katiwaliang namamayagpag sa PhilHeat. Mula rito, nagkasunod-sunod na ang mga krisis sa ahensiya dahil sa pag-alis ng iba pang manggagawa ng PhilHeat.
Sumidhi lalo ang pagdurusa ng mga kabilang sa sektor ng kalusugan buhat ng mga isyung kinahaharap ng pampublikong serbisyong pangkalusugan. Marubdob na pahayag ni Grey sa kanilang Facebook page, “Dito natin makikita ‘yung agwat sa pagitan ng mga sakim sa kapangyarihan at taumbayan. Kami ‘yung nakakawawa sa mga walang katuturang pag-aaway ninyo. Magkita-kita tayong lahat sa EDSA Busway.” Hinikayat din ng organisasyon nila Grey ang pakikiisa ng sambayanan upang hindi miawanang dehado ang lagay ng serbisyong pangkalusugan ng mga Pilipino.