
Mapa-go-go-go pa rin kaya sa halakhakan ang comedy princess na si Rufa Mae Quinto? O biglang mapa-no-no-no na lang siya sa gitna ng pagkadawit ng kaniyang pangalan sa ‘di umanong fraudulent activity? Na-HUWAW Mali ang komedyante matapos pahalakhakin ang mga manonood sa LOL: Last One Laughing Philippines. Bakit kamo? Binigyan kasi siya ng arrest warrant ng Securities and Sukli Commission kaugnay sa ponzi scheme ng kompanyang Dermicare.
“Ako po ay isang komedyante, hindi po ako negosyante. Kaya kahit kailan, hindi po ako nagnenego-go-gosyo,” pabirong pahayag ni Rufa. Mariin niyang itinanggi ang mga paratang at nilinaw na isa rin siyang biktima. Bilang panawagan, saad niya sa isang panayam, “Justice to all mankind, because I’m kind.”
Sa kakaibang paraan ni Rufa ng pag-pupuksa ng mga problema, mapapaisip ka nga talaga: Paano naman kaya ang kaniyang atake sa iba’t ibang sitwasyon at propesyon?
Si Rufa Mae sa hearing ng kaniyang kaso
“Do you solemnly swear to tell the truth, the whole truth, and nothing but the truth, so help you God?”
“I do, Your Honor, and I’m the first honor, of course! So, help me, self,” paniguradong tugon niya. Isa na kasi siya sa tinitingala matapos taguriang Patron Saint of Facing Problems ng netizens.
“Yes, I surrender myself.” Wala nang paligoy-ligoy, diretso sa punto! Wala dapat ikabahala ang taong inosente, ‘no! ‘Yan ang pinangatawanan niya—mananaig ang hustisya sa taong walang bahid ng kasamaan. Hindi makasabay ‘yung walang maalala dahil lumaki raw sa farm, ‘yung diyos-diyosan kahit akusado sa human trafficking, at ‘yung dumadalo lang sa hearing para magpaulan ng mura.
Matapos magpiyansa ng Php1.7 milyon para sa 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code—o Php126,000 bawat kaso—aniya, “Go, go, go home na ako!” O, ‘di ba? Ganun lang kadali! Dagdag pa niya, “Welcome back to me!” ‘Yung mga problema na lang talaga ang aatras sa unkabogable character ni Rufa!
Rufa Mae bilang translator
Paano naman kaya si Rufa sakaling pumasok siya sa mundo ng translation? Siguradong go, go, go siyang magsalin ng mga sikat na linya mula sa mga pelikulang Pilipino. Dahil diyan, ito ang listahan ng mga assignment ni Rufa sa kaniyang unang araw bilang translator!
- Milan (2004): “Mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako, o kailangan mo ako kaya mahal mo ako?”
Rufa Mae Version: Do you love me nang bonggang-bongga because you need me, or do you need me 24/7 because you love me?
- Paano na Kaya (2010): “Bogs, sana lumayo ka na lang. . . sana umiwas ka na lang, maiintindihan ko pa ‘yun. Pero Bogs shinota mo ako eh. Shinota mo ang bestfriend mo.”
Rufa Mae Version: Bogsh. . . you should have shoo shoo away. . . you should have dodgeball from me. I understand. . . but you girlfriended me, Bogsh! You girlfriended your best friend!”
- Labs Kita. . . Okay Ka Lang? (1998): “Oh yes, kaibigan mo ako. Kaibigan mo lang ako. And I’m so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend!”
Rufa Mae Version: “Ay yesshh, I’m your BFF. I’m just your BFF. . . At ang boba ko to the highest level para ma-in love sa bestfriend koh!”
Tanggapin kaya ito ng Film Development Council of the Philippines? O baka mareklamo pa siya dahil sa kaniyang makukulay na pagsasalin ng mga iconic na pelikulang Pinoy? ‘Di na bale, marami pang kayang gawin ang talented na Rufa Mae Ginto!
Rufa Mae bilang GPS voice assistant
“Isang sibilyan, natagpuang limang oras nang naliligaw!” Ito ang headline sa balita nang sumabak si Rufa sa unang araw niya bilang GPS voice assistant.
“Shorry nah! ‘Wag niyo na shanang dagdagan ‘yung mga kaso koh!” Sambit niya nang hingin ng press ang kaniyang pahayag. Ayon sa mga lumitaw na recordings, ito ang resulta ng “pag-assist” ni Rufa sa isang sibilyan:
“So ayan, go, go, go, diretso ka lang. . . AY WAIT CHAROT LANG PALA! May banggaan pala diyan. Oh, no, no, no!”
“In 200 meters, turn right. . . or left ba? Ikaw na magdesisyon, buhay mo ‘yan. Ay joke lang, sa right ka. Bakit ka naman lumampas, jusko, sissy ko!”
“You have arrived at your destination! Shalamat naman, pagod na ‘ko shayo!” Nang mapuna sa kaniyang pagkakamali, batid ng artista, “Hindi ko kashi type ‘yung lugar na pupuntahan niya, mas maganda rito! Kaya nga ako assistant, ‘di ba?”
Bunsod ng kaniyang sariling kalokohan, mabilis na namang natapos ang kaniyang bagong karera.
Rufa Mae bilang senatorial candidate
Cue entrance music—remix ng “Go Go Go!” at “Ice Cream Yummy”
“Nahihilo pa lang, may ambulansya na!”
“Inuubo pa lang, naka-oxygen na!
“Walang projector sa classroom? May 150-inch smart TV kayo!”
“Kinagat ng langgam sa mukha? May libreng facial care! (sponsored by Dermicare)”
Takang-taka ang mga taong nasa campaign rally dahil parang grand opening ng bagong mall ang kaniyang entrada. Mapapalingat talaga ang lahat sa plataporma ng kandidatong nagsasalita.
“Ako po si Rufa Mae Ginto tatakbong senador sa darating na Halalan 2025! Mga kababayan, i-#TodoNaToSaSenado!”
‘Di mapigilan si ate mo Rufa, pinasok na rin ang gobyerno! Sabagay siguradong pasok sa balota ‘pag artista ka sa Pilipinas! Maraming mga batang natuwa, habang ‘yung iba nagduda. May umeksenang matanda, “E diba nagkakaso na ‘yan?”
“Jusko, nay, move on na! Malilimutan din ng taumbayan ‘yan. Si Bonggangvilla nga may plunder case, pero kumakandidato pa rin. Let’s go, go, go na sa present!” sagot ng faney ni Kween Rufa.
Bigla namang umeksena ang makapigil-hiningang pamukaw bilang nina Ka Tonying Flower, Loscar Agachi, at Uncle Andrew. Todo paandar naman si Rufa hanggang sa huling hirit ng kampanya. “Huwag niyo na ‘kong palampasin! Para sa mas bonggang Pilipi–” Bago makabirit ng last high note, lumapit ang campaign manager niya at bumulong, “Okay na ‘to. Wala po kayong COC.”
Nanlaki ang mata niya. “Ay! Wala pa ba?!” Sandaling katahimikan. Tapos, tumawa siya, nag-finger heart sa audience, at sumigaw, “Grabe na ‘to! Osya, mga kababayan—ihahabol ko lang ‘tong COC ko!”
Rufa Mae Quinto, all-time Pinay diva (DIVAH?!)
May panahon talagang patok na patok si Rufa Mae sa madla. Ika nga, “it’s Rufa Mae Quinto’s world and we’re all just living in it.” Bagama’t nakaaaliw ang kaniyang paraan sa pagbibitbit ng problema, hindi na ito nakagugulat dahil kaugaliang Pilipino ito. Habang lumalaban sa hamon ng buhay, sinasabayan ng mga biro’t patawa.
Buti pa si Rufa, inasikaso’t hinarap ang kaso laban sa kaniya. ‘Di tulad ng iba riyang tumakbo na nga sa kaso, tumakbo pa sa senado! Hindi man siya nagnenego-go-go-syo, hindi rin naman siya nag-go-go-go sa preso!
Sa huli, si Rufa pa rin ang may huling halakhak—kabilang na rin ang masang kaniyang pinatawa. Ika nga niya sa pelikulang MANAY PO 2: OVERLOAD (2008), “Ang buhay, parang gulong. Minsan nasa ibabaw, minsan nasa vulcanizing shop.”