[SPOOF] Calamares Gaming: Malubhang mass dropping ng mga estudyante sa DLSU, ipinatupad na

Dibuho ni Lumpy Space

NAKATITINDIG-BALAHIBO ang naging anunsiyo ng De La Salle University (DLSU) ukol sa resulta ng matinding laban ng Calamares Gaming sa Henry Sy Sr. Hall Galamay Arena, Abril 30. Layunin ng naganap na paligsahang bawasan ang populasyon ng DLSU sa pamamagitan ng mass dropping. 

Ayon kay Office of Student Enrollment Chairperson Jenny Chupaghetti, nananatiling limitado ang full face-to-face setup sa Pamantasan dahil sa patuloy na pagdami ng tinatanggap na estudyante. Nagiging dahilan ito ng kakulangan ng espasyo at pasilidad sa Pamantasan. 

Ipinabatid ni Chupaghetti na ang mga natatanging nakaligtas lamang sa mala-Netflix na Calamares Gaming ang makakapag-enlist para sa susunod na termino. Makatatanggap din sila ng condominium na may halagang dalawang piso at magiging pambato ng Maynila para sa paparating na Philippine Ninja Warrior.

Red flag o green flag

“Bokunawa chi chinasimida.”

Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan kay Cardo Dinamamatay, DLSU ambassador ng over-enrollment, ipinaliwanag niyang binigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng ipaglaban ang kanilang self-worth sa Calamares Gaming upang makaligtas sa mass drop ng Pamantasan. 

Naging hamon para sa opisina ni Dinamamatay ang proseso ng mahahalagang dokumento tulad ng Parent’s Approval Form. Ayon sa ulat, lubhang pinilit ng DLSU Parents Understanding Students’ Obsessions (DLSU PUSO) ang kanilang mga anak na lumahok sa paligsahan kapalit lamang ng pulang kabayo.

“Basta tandaan mo lang ‘nak, ako si Natoy na mahal na mahal ka,” ani ni Natoy Starbangs, magulang ng estudyanteng Lozolyano.

Sa mismong araw ng paligsahan, isinailalim agad ang mga estudyanteng may pangalang nagsisimula sa “J” sa larong Red Flag o Green Flag. Hirit ni Chupaghetti, “Dahil sila ang pinakatarantado at Top Cheater noog 2024, wala na silang ambag sa lipunan.”

Pinangunahan ni “Smoke then gargle girl” na si Jennings Racal, ID 122 mula sa BS War Freak, ang laro bilang Player 224. Naging matindi ang pagsubok para kay Racal, dahil mukha ni Rico de Bato, ex ni Racal na kumanta ng ‘Banyo King’, ang inilagay sa manika. 

Gayunpaman, hindi nagpatalo si Racal dahil incentivized ito sa PETRES at LASARE4.

Sino ang pambato mo?

Sa pangalawang laro, isinalaysay ni Rupa Mi Ginto, game master ng Calamares Gaming,  ang patakaran ng larong tug-of-war na layong magpuksaan ang dalawang grupo ng mga estudyante upang manatili sa kani-kanilang mga kurso. Pangengganyo ni Ginto, “Let’s go, grow, and glow! Itodo na ‘to!” 

Determinado ang mga kasama ni Ineng BB, ang 1st Dean’s Lister mula sa BS Fine Dining Management, na magtagumpay sa paligsahan dahil sagot ni BB ang hotdog sandwich para sa bawat miyembro ng kaniyang grupo. “Shawtrawt to my fellow Lozollians. Are you guys ready na ba?,” wika niya.

Samantala, hindi rin nagpahuli si Mammi Oni, lider ng Torotot Council, sa kagustuhan niyang makapagtapos na sa kursong BS Fine Dining Management na halos ginugol niya ng walong taon. Ayon kay Oni, mas marami na siyang nakuhang 0.0 kaysa sa 4.0. Bunsod nito, magpapakain siya sa fine dining restauranteh kapag sila ang nagwagi.

Nagsimula na ang paligsahan nang magbigay si Ginto ng hudyat sa pamamagitan ng pagpito. Ngunit, sa gitna ng laro, nadapa ang isa sa mga kakampi ni Mammi Oni at naging dahilan ng pagka-drop sa kaniyang kurso.

Hagdan papunta sa langit 

Inilahad din ni Ginto ang huling pagkakataon ng mga Lozolyanong manatili sa kanilang kurso. Pupuwesto ang mga manlalaro sa hagdan ng Br. Andrew Gonzalez Hall at paunahan silang aakyat sa 20th floor gamit lamang ang kanilang tuhod. Makakukuha ng libreng matrikula at isang goldfish ang estudyanteng unang makaaakyat ng naturang gusali.

Ibinunyag naman ng isang single at ready to mingle na si Kemmy Ruth, ID 150 mula sa BS Sniping Management, na sa halip na tumibok ang puso niya para kay Mavs Batumbakal, nobyo ni Ruth, titibok ito dahil sa hingal na idinudulot ng pag-akyat sa gusali. Aniya, “Need ko na rin makahanap ng date para kung mawalan man ako ng slots, at least may slot pa rin ako sa puso niya, yiee.” 

Pagdating ng mga estudyante sa 19th floor, inabisuhan silang bumalik muli sa baba dahil mali ang gusaling naakyat nila. Hagdan ng Henry Sy Grounds ang itinakda sa anunsiyo at hindi sa Br. Andrew Gonzalez Hall. Hirit ni player 0.50, isang red ranger ng Power Rangers, “Hindi pasok sa standards ni Bro. Pitchi-pitchie ang 20 floors lamang. Lozolyano tayo, Rektikano kina kina!”