
“Edi kami na ang mag-a-adjust.”
ITATAYO ng De La Salle University – Manila ang isang pedestrian overpass sa kahabaan ng Taft Avenue bilang tugon sa pagdami ng mga kamote rider na feeling palaging may F1 Taft Grand Prix tuwing walang mga security guard na nagpapatawid ng mga Lasalyano.
Kasalukuyang nakikipagtunggali ang Pamantasan sa Manila City Local Government sa pagpundar ng overpass na pinangalanang AniWalk La Salle. Tinatayang magkakaroon ng escalators, air conditioners, selfie stands, at concessionaire stalls ang naturang overpass.
Kabilang ang AniWalk LaSalle sa mga rason sa pagkakaroon ng 100% tuition fee increase sa susunod na akademikong taon. Patuloy naman ang mga pagpupulong ng administrasyon para sa mga susunod pang imprastrakturang magpapataas ng matrikula ng mga Lasalyano.
PatinterWHO? AniWalk edition
Ibinida ni University Overpass Office (UOO) Director Dr. Arch E. Tek sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) ang kanilang nakaambang plano para sa AniWalk La Salle. Layunin ng naturang proyektong gawing mas ligtas at mas maayos ang pagtawid ng mga estudyante. Ayon kay Tek, hindi na kailangan pang makipagpatintero ng mga estudyante sa mga dyip at motorsiklo ng Taft.
“While it may be true that some Lasallians do not know how to cross the road, it is always true that it is hard to cross in Taft Avenue,” tindig ni Tek. Bukod sa seguridad, nais ding bawasan ng proyekto ang pag-aalala ng mga estudyante. Ayon sa isang hindi pa opisyal na pag-aaral, halos dumodoble ang tibok ng puso ng isang Lasalyano habang tumatawid sa Taft.
Sisiguraduhin naman ng UOO na magiging mas simple at mas mabilis ang pagtawid gamit ang AniWalk, kaya’t tanging enlistment na lamang ang may karapatang magpabilis ng tibok ng puso ng mga Lasalyano.
AniWalk: Tawid-sarap, hindi tawid-hirap
Bukod sa pagiging ligtas na tawiran, ibibida sa AniWalk La Salle ang air-conditioned walkways para sa mga ayaw pagpawisan, isang Speedwalk lane para sa mga nagmamadali, at isang Chillax lane na may upuan at libreng Wi-Fi para sa gustong magpahinga pagkatapos ng 8 a.m. class kahit 1 p.m. pa ang susunod na klase.
Ibinahagi ni Tek na naging balakid sa kanilang pagpaplano ng overpass ang pagkakaroon ng Light Rail Transit (LRT) sa harap ng Pamantasan. Bilang tugon, maglalagay ang UOO ng designated shuttle pods na maghahatid sa mga estudyante mula sa Pamantasan patungo sa overpass. Magkakaroon din ng ligtas na entry gates ang overpass at Face ID scanning system upang matiyak na tanging mga Lasalyano lamang ang makapapasok.
Upang gawing mas eco-friendly ang proyekto, magkakabit din ang UOO ng solar panels sa bubong ng AniWalk. Bukod sa proteksyon mula sa araw at ulan, makatutulong din ito sa pagiging sustainable ng Pamantasan. Ani Tek, maliban sa paghahandog ng ligtas na pagtawid, magbibigay rin ito ng certified Lasallian experience.
Ginhawang pagtawid sa AniWalk
Ibinahagi ng mga Lasalyano ang kanilang mga karanasan sa pagtawid sa kalsada ng Taft. Ilan sa mga nasasabik sa paparating na AniWalk La Salle sina Philmar Alipay, ID 224 ng kursong BS in Spontaneous Activities, at Mary Grace Nova, ID 223 ng kursong BS in Morality Studies.
Pahayag ni Alipay sa BUKAKA, “Nung isang araw, hindi ako makatakbo kasi marami akong dala kaya muntik na ko masagasaan. Ambilis kasi ng ten seconds para tumawid. Kung may overpass na tayo, makakatawid na ko ng maayos today, tomorrow, and forever.”
Para naman kay Nova, sa tatlong taon niyang nag-aaral sa Pamantasan, ramdam niya pa rin ang hirap sa pagtawid dahil sa mabibilis na sasakyan. Ipinabatid niya ang kaniyang kagalakan nang malaman na itatayo na ang overpass dahil hindi na niya kailangan mag-hintay sa iba para sumabay tumawid at madadagdagan ang kaniyang oras para lumagda ng mga confidential fund receipts.
Umani rin ng negatibong reaksyon mula sa ibang mga Lasalyano ang pagpapatayo ng overpass. Sa TikTik video ni Dei Inna, inilahad niyang nag-aalangan siya sa gagawing overpass. Aniya, “Parang mas malayo ang lalakarin ko makatawid lang, dapat ata mga rider na lang ang bigyan ng ibang daan.”
Patuloy naman ang pagpaplano ng UOO sa naturang AniWalk, at inaasahang matapos ang proyekto bago pa tuluyang maging karerahan ang kahabaan ng Taft Avenue.