[SPOOF] Blangkong StatSh!t, kumana ng ingay sa 2025 PHIngPong Tournament 

Dibuho ni Maki Puth

DISMAYADO ang tinaguriang kampon ng kadilimang si Peyk Paddler Issydro Onab matapos masaksihan ang blangkong statsh!t ng taunang allowance na pumapabor sa kasalukuyang kampeon at kaniyang karibal na si Baby M hango sa kaniyang salaysay sa media presscon ng 2025 PHIngPong Tournament na ginanap sa Kurakort Sports Complex. 

Galit at nag-aamok na salaysay ng kampon ng Team Kadiliman na si Onab ang tumambad sa Epbi world nang maglabas siya ng hinaing hinggil sa hindi patas na alokasyon ng pondong gagamitin sana niya sa kaniyang ensayo para sa banggaan kontra sa koponang kinabibilangan ni Baby M, ang Team Kasamaan. 

Kadiliman-Kasamaan rivalry

Sa nagdaang mga taon, dalawang pangkat ang mahigpit na naglaban sa titulo para sa pinakamahusay na pag-spin ng batikos at pagpapamalas ng backhand skills sa kaban ng bayan. Kasalukuyang kampeon ang kampo ng Kasamaan matapos mapatalsik ang grupo ng Kadiliman. Buhat nito, bumubuo ng plano ang pangkat ng Kadiliman para maisakatuparan ang minimithing epic comeback sa pamumuno ng kanilang head coach at multi-awarded Most Valagbag Player sa pangungurakot na si Roady Dudirty.

Samot-saring tweets mula sa Y app ang umalingawngaw mula sa mga tagasuporta nang madawit ang kanilang idolong si Baby M sa rebelasyong kumalat sa Epbi world hinggil sa statsh!t na kulang-kulang ang datos. Iginiit nilang hindi makatarungan ang desisyong ito sapagkat karapat-dapat na makatanggap ng suporta ang angking talento ni Onab. Tulad ng ibang pampalakasan, malaking bahagi sana ng mananakaw na PHIngPong funds ang makapagbibigay ng maayos na training camp at kagamitan sa mga atletang nagnanais sumunod sa yapak ng beteranong Peyk Paddler.

Bunga ng mga pangyayaring ito, naantala at hindi na matuloy-tuloy ang inaasam na overseas training ng Team Kadiliman. Hindi makapag-ensayo si Onab dahil hindi niya matanggap ang blangkong espasyo sa statsh!t dahilan upang hindi maisagawa nang buo ang kaniyang revenge arc. Dagdag pa ni Bano, este Onab, tila may hindi maipaliwanag na bahagi sa mga listahan ng mabibigyan ng pondo at mistulang sinadyang iwan ito upang lituhin ang imahinasyon ng mga tagasubaybay.

Pag-arangkada ng Kadiliman

Mainit na sinimulan ng Team Kadiliman ang duwelo nang puntiryahin ng kampo ang kahinaan ng statsh!t. Unang sinunggaban ng tambalang Onab at Biik Rod Rigged Guess ang paglabag sa konstitusyon ng statsh!t, kabilang na ang hindi pagbibigay ng pinakamalaking pondo sa edukasyon sa kabila ng pagdadagdag ng militar at kapulisan sa ilalim ng naturang sektor. 

Ginatungan pa ng Kadiliman duo ang kanilang opensa nang magpamalas ng forehand chop sa mga diperensiya sa pondo para sa Department of Daan Walang Hangganan o DDWH at Kongreso na nagkaroon ng mga hindi konstitusyonal na pagtaas. 

Inatake rin ng magpakner ang hindi paglalaan ng kahit isang kusing para sa Philippines in Heat Insurance Corporation o PhilHeat, na nagpahina sa kakayahan ng Team Kasamaan na gampanan ang kanilang tungkuling bigyan ng karapatan sa kalusugan ang mamamayan. Samakatuwid, nagtamo ng malaking kalamangan ang kampon ng Kadiliman at nakuha ang una at ikalawang set sa isinagawang rematch. 

Asam na dropshot ng Kasamaan

Sa kabila ng bentahe ng Team Kadiliman, nakahanap pa rin ng tiyempo ang hanay ng Kasamaan upang maging pino ang porma.

Pinulido muna ni Baby M ang kanilang depensa gamit ang loop bago kunin ang oportunidad na i-spin ang bola sa kabilang sulok ng lamesa. Anila, hindi nila pananagutan ang blangkong statsheet dahil hindi ito sakop ng kanilang sangay.

Pumanig din kay Baby M si Statsh!t Secretary Aminna Pangang Dama at PHingPong Association President Keso Escurero matapos gumamit ng drive upang asintahin ang mga paratang ng Kadiliman sa hindi pa pinal na statsh!t na kanilang tinutukoy. Bunsod nito, nakuha ng Kasamaan ang ikatlo at ikaapat na set.

Nananatiling buhay at walang dead ball ang rally ng mga kampo ng Kasamaan at Kadiliman kaya hindi pa rin malinaw kung sino nga ba sa kanila ang nanalo. Gayunpaman, hindi nito maitatangging ang taumbayan ang tunay na talo sa hidwaang ito, sapagkat muling nailihis ng dalawang panig ang kanilang atensiyon mula sa mas mahahalagang isyung dapat na bigyang-solusyon.