
NAGBABALA ang Falarong Fambansang Winners (FFW) sa banta ng pagkawala ng trabaho ng mga Pilipino bunsod ng pinalakas na puwersa ng artificial intelligence (AI). Tinatayang nasa limang milyong manggagawang Pilipino ang nanganganib mawalan ng hanapbuhay habang lalong dumadami ang inilulunsad na AI robotic overlords ng mga naglalakihang kompanya sa bansa.
Minabuti ng FFW na hamunin ang mga robotic overlord na makipagkompetensiya sa kanila sa loob ng kilalang reality show na Pugita Games. Kaagad namang tinanggap ng mga nangungunang korporasyon sa AI ang pakikipagtuos ayon sa kumprimasyon ni Pugita Games host Kissy Aquinaur.
DalGO Na!
Puspusan na ang engrandeng paghahanda ng produksiyon ng Pugita Games para sa nalalapit na espesyal na edisyon. Matatandaang isiniwalat sa mga social media platform ng palabas ang tatlong larong susubok sa tibay ng mga manggagawang Pilipino at AI.
Unang ipinakilala ang larong “Pulang Ilaw, Berdeng Ilaw” na pangangasiwaan ng mascot ng July’s Bakeshop na si Choo Lie. Kakailanganing maabot ng mga manlalaro si Choo Lie nang hindi nahuhuling gumagalaw kapag sinabi nito ang katagang “pulang ilaw”. Magsisilbing karagdagang pagsubok naman ang bako-bakong kalsada ng Taft Avenue upang mas mahirapan sa paglagpas ang mga manlalaro.
Isinunod naman ang introduksiyon ng larong “Cooking Ina Mo!” na iikot sa pagtatagisan ng mga kalahok sa paggawa at pagbenta ng cookie. Mabibiyayaan ang mga manlalarong makabubuo ng pinakamalaking cookie ng titulong “Laki ng Cookie Ko!” habang ang dalawang may pinakamasarap na cookie ang makasusungkit ng prestihiyosong premyong pinamagatang “Sarap ng Cookie Ko!”. Ipatitikim ang mga magagawang pagkain sa mga bigating hurado bago ilako sa publiko.
Niyanig ng panghuling laro sa Pugita Games ang social media buhat ng pasabog nitong partisipasyon ng beteranang aktres na si Armen Salonch. Gayunpaman, hindi muna lubusang itinambad ng produksiyon sa publiko ang pinal na mga detalye ng huling laro. Narinig lamang ang mga linya ng “Jusko po! Jusko po!” at nakita ang paglitaw ng mga larawan ng lotto at tinapay sa inilabas na pasilip na bidyo.
‘Lang kaba
Araw-araw nakikipagsapalaran sa mga pagsubok sa transportasyon, klima, at kondisyon sa kanilang trabaho ang mga manggagawang Pilipino. Matapang na inilahad ng FFW sa panayam kay Aquinaur na halos walang pinagkaiba ang kanilang mga ordinaryong karanasan sa gagawing pagsabak sa Pugita Games kaya hindi na nila nararamdaman ang kaba.
Ipinagmalaki ni FFW Leader Bembang Muñoz na magaling silang dumiskarte kompara sa robotic overlords na labis ang pagkuha ng mga ideya mula sa internet. Iginiit nilang paghahandaan nila ang anomang uri ng pandarayang maaaring gawin ng AI bunsod ng mekanismong ibabato ng mga ito.
Ani Muñoz, “Sa oras na magpakita sila ng puting sando, alam na namin ang gagawin. Babaliktarin namin ang suot namin at sasayaw ng budots para mabago ‘yung orientation nila. Kapag naman nag-generate na sila, lalakasan namin ang boses [namin] para kami ang marinig nila. Mind games lang talaga.”
Taas-kamaong sinambit ng mga kasama ni Muñoz sa panayam kay Aquinaur na ipaglalaban nila ang karapatan ng mga manggagawa at ipakikita ang lakas ng mga ito sa pambansang telebisyon. Makaaasa ang mga Pilipinong susubaybay na magiging matibay ang determinasyon ng mga trabahador na hindi papayag maagawan ng kanilang espasyo sa lipunan.
AI ‘yan na sila
Tahimik magpahanggang ngayon ang mga korporasyong magsasabak ng kanilang robotic overlords sa palabas na Pugita Games. Bagaman nakapagbigay ng panayam kay Aquinaur ang ilan sa mga kinatawan ng mga korporasyon gaya ng Starlet, Nugudom, at CnuKaayo, nanatiling tikom ang bibig ng iba pang mga kompanya.
Pagsasalaysay ni Starlet Spokesperson Mochang Paa, “We don’t really want to sound condescending or anything before the games. We’re focused on preparing our robots. We also don’t want the public to think that they can cheat in the game amidst rumors that they would be programmed to do so.”
Sinang-ayunan ito ng lahat ng kompanyang sasali sa pamamagitan ng paglalabas ng senyales ng like. Nagbigay rin ng ilang komento ang mga robotic overlord na kasama nila sa talakayan. Ilan sa mga lumabas na linya mula sa mga ito ang “Happy to serve!”, “What can I help with?”, at “Sign up now, it’s free!”
Bilang pagtatapos, ipinangako ni Paa na hindi nila bibiguin ang mamamayang Pilipino. Iwinaksi rin niya ang takot na namumuo sa taumbayan pagdating sa banta ng AI na agawin ang mga kakayahan at oportunidad ng mga tao.