
SINELYUHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang twice-to-beat advantage matapos patahimikin ang naghuhumiyaw na University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 23–25, 25–20, 30–28, 29–27, sa kanilang playoff match sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 30.
Hinirang na Player of the Game si DLSU Team Captain Angel Canino matapos magpasiklab ng triple-double na 24 na marka mula sa 19 atake, apat na block, at isang ace, 12 excellent reception, at 10 excellent dig.
Umagapay rin para sa mga nakaberde si opposite hitter Shevana Laput bitbit ang 22 puntos mula sa 19 na atake, dalawang block, at isang ace.
Nanguna naman para sa España-based squad si sophomore Angeline Poyos na pumukol ng sariling bersiyon ng triple-double na 24 na puntos, 13 excellent dig, at 12 excellent reception.
Dikdikang palitan ng puntos ang sumalubong sa magkabilang panig sa pagbubukas ng unang yugto ng bakbakan, 14–all, bago umabante ang España mainstays sa naturang set sa bisa ng off-the-block hit ni Poyos, 23–25.
Pinaigting naman ng Taft mainstays ang depensa sa net sa pangunguna ni Taft tower Laput, 18–13, na nagbigay-daan sa beteranong si Malaluan upang tuldukan ang ikalawang set mula sa over receive, 25–20.
Sa kabila ng momentum, agad na pumundar ng limang puntos na kalamangan ang mga taga-España matapos tipakin ni middle blocker Em Banagua ang hampas ni rookie Shane Reterta, 13–18, ngunit hinablot ng Taft mainstays ang ikatlong set sa bisa ng dalawang through-the-block hit ni Canino, 30–28.
“Kailangan lang talaga nila ng exposure para ‘pag dumating ‘yung mga situation na kailangan sila, maaasahan mo sila eh,” pahayag ni DLSU Coach Noel Orcullo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) hinggil sa pagpasok ng mga second-stringer sa kalagitnaan ng ikatlong set.
Malugod namang tinanggap ni UST playmaker Cassie Carballo ang regalo mula sa Lady Spikers, 13–17, ngunit ipinamalas ni middle blocker Provido ang kaniyang puwersa sa net gamit ang dalawang magkasunod na block point, 22–all, bago magpakawala ng umaatikabong down-the-line hit si Laput upang tuluyang isukbit ang ikalawang puwesto, 29–27.
Pagbabahagi ni Provido sa post-game press conference tungkol sa kaniyang mga napansing pagbabago sa Berde at Puting pangkat sa pagpasok sa playoffs, “Mas confident na kami ngayon sa sarili namin and [may tiwala na kami] sa bawat isa kaya mas buo na kami maglaro.”
Bitbit ang prestihiyosong twice-to-beat, muling hahamunin ng Taft mainstays ang lipon ng Golden Tigresses sa Smart Araneta Coliseum sa ika-6:00 n.g. sa Sabado, Mayo 3.