
TATALUNTON ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa best-of-three finals series matapos bihagin ang mabalasik na University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 25–22, 11–25, 25–21, 25–21, sa Final Four match ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon, Mayo 3.
Pinangunahan ni DLSU Team Captain Angel Canino ang muling pagbabalik ng Lady Spikers sa finals matapos magpasiklab ng 19 na puntos mula sa 17 atake at dalawang block.
Bagamat nawakasan ang karera ng España-based squad sa naturang torneo, nagpasiklab pa rin ang tambalang Angeline Poyos at Regina Jurado matapos umukit ng pinagsamang 43 puntos.
Maagang nagpakitang-gilas si Kapitana Canino matapos itarak ang isang solidong block kay Pia Abbu, 5–4, bago muling umarangkada sa huling yugto ng naturang set sa bisa ng matulis na first line cut shot, 24–22, hanggang tuluyan nang naisukbit ng mga manunudla ang set bunsod ng attack error ni Poyos, 25–22.
Binuksan naman ng taga-España na si Poyos ang ikalawang set sa magkakasunod na crosscourt shot, 0–3, na agad pinatid ni veteran Alleiah Malaluan, 1–3, ngunit kinulang pa rin ang puwersa ng mga taga-Taft nang matapos ang set sa service error ni opposite hitter Shevana Laput, 11–25.
Matapos ang panlulumo sa nagdaang set, agad na nakabangon ang luntiang koponan sa service ace ni Malaluan, 3–0, na siyang sinubukang habulin ng ginintuang hanay sa mahabang alitang nagtapos sa killer spike ni lefty Jurado, 8–9, subalit hindi ito umubra nang magpakawala ng mga hampas si Canino sa pagtatapos ng yugto, 25–21.
Naging maagap ang Golden Tigresses sa ikaapat na set nang kumayod sina Jurado at Poyos ng magkakasunod na crosscourt attack, 0–4, ngunit hindi pa rin tumalab ang kanilang tikas sa mga binitawang blocks at atake nina Amie Provido at Canino, 9–6, na tuluyang nagbitbit sa Berde at Puting pangkat papuntang finals, 25–21.
Binigyang-diin ni Canino sa UAAP media post-game conference na hindi pa rito nagtatapos ang tunay na ekpedisyon ng koponan.
Ani ng Kapitana, “Patuloy pa naming iri-reach ‘yung goal namin. Simula pa lang ‘to ng totoong laban na tinatawag [nila]. Kailangan mapaghandaan [ang mga susunod na laro] at kailangan ma-improve pa ‘yung dapat ma-improve.”
Samantala, muling maghaharap sa pamilyar na entablado ang Lady Spikers at Lady Bulldogs para sa best-of-three finals series na aarangkada sa parehong lunan sa darating na Linggo, Mayo 11.