
NAGNINGNING ang La Salle Dance Company (LSDC)-Street patungong ikatlong puwesto sa kanilang pag-indak sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Collegiate Streetdance Competition sa SM Mall of Asia Arena, Mayo 20.
Ipinamalas ng LSDC-Street ang taos-pusong pag-indayog sa temang “Fresh” bilang simbolo ng kanilang mas pinaalab na determinasyon na muling makatungtong sa podyum.
Unang nagpasiklab ang maalwan na Far Eastern University Street Alliance sa kanilang suwabeng 70s-themed routine.
Pinasigla ng bagong kampeon na University of the Philippines (UP) Streetdance Club ang buong lunan sa kanilang engrandeng carnival-themed performance, na mas pinatingkad pa ng mga nakakabighaning magic trick at masisiglang galaw.
Samantala, nagpakitang-gilas naman ang University of the East (UE) UExtreme Squad sa kanilang “gento-worthy” na choreography at umindayog sa saliw ng mga kanta ng P-pop boy group na SB19.
Hindi naman nagpalusaw ang Adamson University Dance Company – Street sa init ng panahon matapos ihandog sa mga manonood ang temang sorbetes.
Umindayog din ang National University Dance Company sa ritmo ng “Rolling in the Deep” ng mang-aawit na si Adele bitbit ang kanilang mga maaaksiyong tumbling.
Dinagundong ng silver medalists University of Santo Tomas (UST) Prime ang entablado buhat ng pagsasakatuparan ng temang zombie kaakibat ng malilinis na transition at domino effect.
Tinangka namang gisingin ng Ateneo de Manila University Company of Ateneo Dancers ang kilabot sa entablado bitbit ang mummy-themed show kasabay ng paggamit ng props na baseball bat.
Sa pagtatapos ng Streetdance Competition, ginawaran din ang mga mga natatanging estudyanteng atletang namayagpag sa kabuoan ng torneo sa ginanap na closing ceremony.
Itinanghal na Athlete of the Year for Team Sports si DLSU Green Archer Andrei Dungo, habang kinilala bilang Athlete-Scholar si Lady Tanker Shayne Lugay.
Pagbabahagi ni Dungo sa Ang Pahayagang Plaridel hinggil sa mga dapat na abangan sa pagpapatuloy ng kaniyang UAAP career, “Nilo-look forward namin sa UAAP Season 88 ay ang growth namin and ‘yung eagerness manalo para maiuwi namin ang gold sa Taft.”
Sa pagwawakas ng programa, pormal nang idineklara ang UST bilang bagong host sa raratsadang UAAP Season 88.
Mga pagkilala:
Champion – UP Streetdance Club (89.33 puntos)
First Runner-up – UST Prime (88.57 puntos)
Second Runner-up – LSDC-Street (86.17 puntos)