
NAGTIPON-TIPON ang iba’t ibang mga sektor ng manggagawang Pilipino sa Liwasang Bonifacio, Maynila upang isulong ang matagal nang panawagang nakabubuhay na sahod sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa, Mayo 1.
Naudlot ang pagmartsa ng mga nakiisang organisasyon patungong Mendiola, Maynila bunsod ng pagsalubong ng mga awtoridad at mga barikadang may nakapulupot na barbed wire sa kahabaan pa lamang ng Recto Avenue.
Tampok sa programang ikinasa sa Recto Avenue na pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagdiriwang sa kanilang ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag. Sabay-sabay ring iginiit ng mga obrero ang ninanais na Php1,200 arawang sahod sa buong bansa, regularisasyon ng mga manggagawa, at pagpapabuti sa mga pampublikong serbisyo.
Hindi makatawid-pamilyang sahod
Batay sa datos na inilabas ng IBON Foundation nitong Abril, hindi sapat ang Php645 itinakdang arawang sahod sa National Capital Region para matugunan ang Php1,222 pamantayang sahod para sa pamilyang mayroong limang miyembro. Mas mababa pa rito ang Php361 arawang sahod sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at mas malaki agwat nito kompara sa pamantayang Php2,058 halaga para sa mga pamilyang binubuo ng limang miyembro sa naturang rehiyon.
Binigyang-diin ni Rue mula organisasyong Sining Lila sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), na nagsisilbing hakbang ang paggunita ng Araw ng Paggawa para matamasa ng bawat manggagawa ang kanilang mga batayang pangangailangan. Kabilang dito ang pangangalampag para makamit ang Php1,200 arawang sahod at pagbuwag sa mga regional wage board.
Sinang-ayunan ito ni KMU-National Capital Region Vice President Gerardo Serue at muling ipinabatid ang isang pambansang arawang sahod para sa sektor ng lakas-paggawa. Isinaad din ni Serue na kaakibat ng mababang pasahod ang pagharap ng mga manggagawang Pilipino sa mabigat na suliranin ng kontraktwalisasyon bilang pasanin para sa kalagayan ng mga obrero.
Bukod pa sa mga nabanggit, ipinunto ni Rue ang pagwawakas sa mga porma ng pananamantala sa mga manggagawa at karahasan sa mga unyon dahil ilan din ito sa mga pangunahing isyung nagpapahirap sa mga obrerong Pilipino. Pagpapahalaga ni Rue sa gampanin ng mga anak-pawis sa lipunan, “Nililikha nila ‘yung yaman ng sambayanan. Hindi lang ng mga manggagawang Pilipino, kundi ng buong daigdig.”
Adyenda ng mga manggagawa
Binigyang-halaga ni Nena*, opisyal ng Taytay Urban Poor Alliance, ang apat na interes ng mga manggagawang sumasaklaw sa makabuluhang dagdag-sahod, katiyakan sa trabaho, kondisyon sa pagggawa, at karapatang magtayo ng unyon. Ayon sa kaniya, maaaring pagbuklurin ng mga kasalukuyang kalagayang nararanasan ng mga manggagawa ang mga obrero at mamamayan upang sama-samang palakasin ang mga bitbit na panawagan.
Pagpapalawig pa ni Nena sa APP, “Ipanawagan natin ‘yung interes ng sambayanan, ilinaw natin ‘yung lahat ng isyu ng mga maralita. Hindi lang sa mga manggagawa, ng [mga] maralita, [at] ng [mga] magsasaka–lahat. Ilinaw natin ‘yun kasi iyan ‘yung unifying factor ng mamamayang Pilipino kung ano ‘yung isyu nila sa kasalukuyan.“
Kaanib ng pag-alingawngaw ng panawagan sa nakabubuhay na sahod ang paghahangad din ng mga miyembro ng lakas-paggawa ng mga kondisyon at karanasang maituturing na makatarungan. Sa katatapos lamang na eleksiyon, idinudulog nila sa mga namamahala ang sapat na pagkilala sa kanilang mga karapatan bilang mga gulugod ng lipunan at pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.
* – Hindi tunay na pangalan