PasaVOGUE: Bahaghari bilang kulay ng makabagong rebolusyon

Kuha ni Florence Marie Antoinette Osias

Sinisimbolo ng bawat kulay ng bahaghari ang tapang at malayang pagpapahayag ng sarili—isang paalala na nararapat ding ipagdiwang ang pagkakaiba. Pinatutunayan ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual, at iba pa (LGBTQIA+) na hindi nasusukat sa iisang anyo lamang ang tunay na halaga ng pagkatao.

Isinabuhay ng University Student Government – Office of the President at De La Salle University PRISM ang diwa ng Pride Month sa kanilang inihandog na “PasaVOGUE Drag Concert” sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Hunyo 14. Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Animo Pride 2025, ipinamalas ng mga reyna ang kanilang husay sa sining ng drag na siyang nagsilbing makulay at matapang na representasyon ng kanilang komunidad.

Sulyap sa sariling kulay

Naging hudyat ng simula si Tita Baby, finalist ng Drag Race Philippines Season 3, sa isang gabing pinatingkad ng sigla, tapang, at kasiyahan. Sa taglay niyang karisma at natatanging personalidad, mabilis niyang nabihag ang atensiyon ng mga manonood—tila isang paanyaya sa isang palabas na hindi malilimutan.

Lalo namang nabuhay ang diwa ng pagpapakatotoo sa loob ng awditoryum nang tumapak si Bernie, isang transwoman finalist mula sa Drag Race Philippines Season 2, sa entablado. Gaya ng kulay rosas niyang buhok at kasuotan, nagbigay siya ng pag-asa sa mga nangangarap ding maging isang drag queen tulad niya. Sa bawat hakbang, dala niya ang paninindigan at lakas ng loob na hindi matitinag ng mga hamon ng buhay

Hindi rin nagpahuli si Viñas DeLuxe, finalist ng Drag Race Philippines Season 1 at miyembro ng Divine Divas, sa pagbibigay ng matinding liwanag at gilas sa entablado. Sa bawat indak ng katawan at saliw ng kaniyang makinang na buhok, unti-unting nabubura ang pangamba at alinlangan sa puso ng mga manonood—isang paanyaya tungo sa tapang at pagtanggap sa sarili. Sa pagtatapos ng kaniyang pagtatanghal, ibinahagi niya ang isang payo na payak sa anyo ngunit malalim sa diwa. Aniya, “Try everything until you find it.”

Mga makabagong reyna

Sunod namang nagtanghal ang The Drag Avenue, mga estudyanteng drag queen na nagdala ng makabagong enerhiya sa entablado. Sa kabila ng murang edad, pinatunayan nilang bukas ang kultura ng drag para sa lahat. Ipinamalas nila ang lalim ng talento at kuwento ng mga lokal na reynang karapat-dapat ipagmalaki sa buong mundo.

Matapos ang pagtatanghal ng mga batang drag queen, nagpakitang-gilas na sa entablado si Brigiding, miyembro ng Divine Divas at kalahok ng Drag Race Philippines Season 1. Hindi nagtagal, sumabay sa kaniya si Zymba Ding na kalahok naman ng Season 3 at miyembro ng House of Ding. Sa kanilang mahiwagang pagtatanghal bilang Elphaba at Glinda mula sa The Wicked, ipinakita nila ang hindi matitinag na suporta at pagmamahal na bumabalot sa kanilang komunidad. Sa bawat galaw at awit, naiparating nila ang mensaheng nagmumula sa pagtanggap, pagkakaisa, at pagtutulungan ang tunay na lakas.

Higit sa entablado 

Hindi rin nagpahuli si Angel, isang transwoman at finalist ng Drag Race Philippines Season 3, sa pagpapakita ng kaniyang nakasisilaw na karisma. Dumampi ang spotlight sa mala-beauty queen niyang pagkatao, suot ang isang dilaw na long gown. Nagbahagi rin siya ng sariling karunungan sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. “Huwag niyong i-pressure ang sarili ninyo. Life goes on—anuman ang mangyayari—hayaan niyo lang. Live like water, go with the flow,” paghahayag niya. Isa itong makapangyarihang mensaheng sumasalamin sa kagandahan ng pagiging malaya sa gitna ng mga pagsubok at pagbabago.

Sa pagtatapos, huling nagbigay-sigla sa madla si Precious Paula Nicole, ang kauna-unahang Drag Race Philippines Superstar. Nagsimula sa nakatutuwang biro ang kaniyang entrada gamit ang kantang ‘I Have Nothing’ ni Whitney Houston, na siyang pumatok sa madla. Bagamat aliw ang naging panimula, mabilis naman niyang binawi ang magaang tawanan ng madla nang magpakitang-gilas siya sa entablado.

Matapos ang makapangyarihan niyang pagtatanghal, hinimok niya ang lahat, lalo na ang mga kabataan, na yakapin ang edukasyon bilang susi sa tagumpay. Binigyang-diin niyang edukasyon ang tunay na sandata upang harapin ang mga hamon at makamit ang mga hangarin sa buhay. Isa itong gabi ng kulay, kuwento, at inspirasyong nagpatunay na higit pa sa entablado ang PasaVOGUE—paglalakbay ito sa katatagan, pagkakakilanlan, at pag-asa.

Iisang diwa

Sa likod ng pagdiriwang, may mga pusong nagliliyab sa tapang at pagmamahal. Nagsimula ito sa pagpapailaw ng Pamantasan sa kulay ng bahaghari, hanggang sa pagkakaisa ng mga Lasalyano sa Animo Pride March, at nagtapos sa makulay at makapangyarihang pagtatanghal sa PasaVOGUE. Patunay ang lahat ng ito na buhay ang diwa ng Pride Month sa ating komunidad. Hindi lamang isang palabas ang konsiyertong ito kundi isang representasyon ng boses, kuwento, at pagkakakilanlan ng mga LGBTQIA+.

Hindi lamang din limitado sa mga Lasalyano ang selebrasyong ito sapagkat isa itong panawagang yakapin ang pagkakaiba at itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Nanghikayat ang bawat pagtatanghal ng mga reynang ipagmalaki ang sariling pagkatao nang buong puso. Muling pinatunayan ng komunidad ng LGBTQIA+ na nagmumula sa walang hanggang pagmamahal para sa lahat ang tunay na pagtanggap. Sa ilalim ng liwanag ng bahaghari, kumikislap ang bawat kulay ng mga kuwento at pangarap—isang matibay na paalalang sa gitna ng pagkakaiba matatagpuan ang totoong halaga ng pagkatao.