Mapangahas ang mundo ng pamamahayag, batid nito ang kalikasan ng mga makabuhulang salaysay sa bawat sulok ng daigdig. Taas-noong ihahain ang naratibo upang mabatid at mapakinggan ang istoryang hindi naririnig. Hindi lamang ito isang hamak na hanapbuhay, isang bokasyon ang pagpasok sa larangan ng pamamahayag. Kaugnay nito ang paghahanap ng ikakasang tanong upang lubusang mahukay ang kasagutang karapatang mabatid ng publiko.
Tatalupan ang bawat pabalat ng librong puno ng kuwentong pinagbibidahan ng madla at uungkatin ang taglay na diwa ng pamumukadkad nito. Patuloy nilang bibitbitin ang tanaw na kasarinlan sa pamamagitan ng paninindigan sa katotohanan.
Narinig na nila ang ingay ng iba’t ibang mga rebolusyon, nakikanta na sa saliw ng mga nawawalang hikbi. Pinapatay ang isang alaala sa pitik ng isang daliri: natulog, nagising, natulog, at pinipili pa ring gumising para sa hindi matapos-tapos na digmaan ng bala at pananaw. Nasaksihan na nila ang kuwento ng mga taong minarkahan at hindi na kinikilala ng kasaysayan. Hindi nila ito pinili, tila kusang lumapit ang mga kuwento, at sinabing dinggin sila—buhayin sila.
Bokasyon ng tagpi-tagping mga kuwento
Iniaalay ng mga mamamahayag ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagdinig ng mga hinaing at paglantad ng katotohanan. Isa si Miguel “Mike” Castro Enriquez sa mga batikang news anchor sa bansa, hindi lamang dahil sa kaniyang pag-uulat na tumatak sa masa, pati na rin sa kaniyang pagiging beterano sa industriya.
Sa naging panayam ni Enriquez sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), nilinaw niyang taliwas sa naipamalas niyang husay, galing, at dedikasyon sa industriya ng midya, hindi niya talaga ninais ang anomang propesyong may kinalaman sa midya. Tila isa itong malayong destinasyong hindi niya binalak suungin noong una. Hindi sumagi sa isipan ni Enriquez na pasukin ang digmaan ng papel at pluma. Hindi niya rin nais humarap sa kamera bilang tagapaghatid ng balita, bagkus mas gusto niya ang maging karaniwang tapagpakinig lamang.
Pagiging pari ang unang pangarap ni Enriquez simula pagkabata. Bunsod ng malaking impluwensiyang naidulot sa kaniya ng mga paring Pransiskano, pumasok siya sa seminaryo. Sa murang edad, nahanap na niya ang kaniyang misyon sa buhay na nakalaan pa rin sa pagbibigay-serbisyo sa mga Pilipino.
Ninais niyang maghanapbuhay kaagapay ang mahihirap upang ipakilala sa kanila si Hesukristo. Nang lumaon, iba rin ang tinahak na kurso ni Enriquez sa kaniyang pagpasok sa Pamantasang De La Salle bilang isang kolehiyo.
Pinasok ni Enriquez ang industriya ng midya sa hindi inaasahang pagkakataon. Dahil sa bakanteng oras, napag-isipan niyang puntahan ang kaniyang kaibigang announcer. Saksi ang kahabaan ng Taft Avenue at United Nations sa mga hakbang na tinahak ni Enriquez para maging isang malaki at buhay na bituin.
Nang makarating sa DZPI of Manila Broadcasting Company at nakita ang kaniyang kaibigang announcer, walang pagkamanghang nadama si Enriquez sa propesyon. Nagbiro pa nga ang kaniyang kaibigan na station manager na nais mag-apply ni Enriquez sa bakanteng posisyon ng announcer. Subalit, inanyayahan talaga siya ritong subukan ang kakayahan sa pagbibigay-anunsiyo sa pagbasa ng isang artikulo mula sa Manila Inquirer.
Para kay Enriquez, hindi niya maituturing noon na pagkatalo ang hindi pagtanggap sa kaniya bilang announcer, gayundin hindi rin rebolusyonaryong pagkapanalo ang kalalabasan sa oras na matanggap siya. Inilahad niya lamang ang artikulo sa paraang para lamang siyang nagbabasa sa klase. Tila kinakamayan lamang ang kuwento at kinakaibigan ang mga nakikinig.
Nang tanungin naman ng station manager ukol sa pagtatakda ng panahong maaari siyang mag-ensayo, “Kailan po ba [ako] puwedeng magsimula?” ang tugon ng 19 na taon niyang sarili.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin si Enriquez sa paglalahad ng mga salaysay ng buhay. Subalit, hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay lalo na’t mas marami ang pinagdaanan niyang kalbaryo kaysa sa pagpupunyagi. Matatandaang sinuong niya ang Tacloban sa kasagsagan ng bagyong Yolanda at ang palitan ng mga bala sa Marawi at Basilan.
Naniniwala si Enriquez na hindi superhero ang mga tao sa likod at harap ng midya. Wala silang kapangyarihang bumuhay o takpan ang mga mata mula sa pagpanaw. Maikikintal ito nang ikinuwento ni Enriquez ang isang sitwasyon nang mag-cover siya ng isang insidente sa Payatas Dumpsite na nailibing ng dambuhalang bundok ng basura ang maraming residente. May nakilala siyang batang hindi man lamang nakita ang bangkay ng kaniyang ina.
Pagkauwi niya noong araw na iyon, magkahalong lungkot, galit, at pagkadismaya ang naramdaman niya. Tila may paanyaya ng rebolusyon sa kaniyang loob-loob—umiinit, nagbabaga, gustong kumawala. May mga kuwentong nananatili sa kaniya na para bang kumakanlong pa rin sa kaniyang bokasyon ang alaala ng batang naulila sa yumao niyang inang walang bangkay.
Ligaw na yapak tungo sa natagpuang pangarap
Ramdam sa bawat pintig ng pulso ang silakbo ng damdaming maglingkod sa masa. Kaakibat nito ang responsibilidad na ilatag ang mga kuwento nang walang kinikilingan. Hindi nagbubulag-bulagan at hindi nagbibingi-bingihan sa tinig na dapat sundan—ang tinig ng katotohanan. Para sa babaeng mamamahayag na kinikilala ng karamihan, tiyak na makapagbibigay ng boses sa mga humihikbi ang natagpuan niyang tinig sa pamamahayag.
Nang makapanayam ng APP ang batikang si Jessica Soho, isinalaysay niyang nagdalaga siyang bitbit ang pangarap na maging abogado habang nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Tuwing gabi, kasama niya ang kaniyang ama habang nanonood ng balita na siyang nagsilbing daan upang mamulat si Soho sa mundo ng pamamahayag. Tila ginatungan nito ang kaniyang pusong lumiliyab sa paglilingkod sa bayan.
Hindi kalaunan, noong nag-enroll siya sa isang printing press bilang isang elective ng kaniyang kursong political science, nagsimulang mamulaklak ang kaniyang destino tungo sa landas ng pagiging isang tagapagbalita. Hindi niya nawaring sa simpleng paglathala ng kaniyang pangalan katabi ang titulong korespondente o journalist sa isang business card ng kanilang pinal na proyekto, nahanap niya ang susi patungo sa kaniyang paroroonan. Tinangay siya sa agos ng kapalaran sa propesyong natutuhan niya ring mahalin.
Isang malaking kaso ng tadhana ang pagpasok ni Soho sa larangan ng pamamahayag. Nagsimula ito noong walang reporter ang isang crew sa GMA at nakita siyang pakalat-kalat sa studio. “Siguro nagustuhan nila ‘yung ginawa ko. I remember my very first story was about the LRT. Kung gaano katanda yung LRT 1, gano’n na rin ako katagal sa trabahong ito,” pagkakaalala niya.
Sa pagiging tabula rasa, isang baguhan lamang si Soho sa gawi ng isang broadcaster dahil, bukod sa siya ang pinakabata, siya lamang ang natatanging babaeng reporter noon. Dahil dito, lalong tumindig ang katatagan ni Soho sa bawat pilantik ng hamong sumasalubong sa kaniya. “Everything was new,” wika niya.
Kalaunan, lumakas din ang kaniyang pagkasabik sa mga maaksiyong biswal na mayroong ambush interview. Hindi naging hadlang ang kaniyang pagiging babae sa mga pagsubok na kaniyang hinarap dahil higit na nanaig ang kaniyang pagkasabik sa pagtahak sa larangan.
Sa muling pagsisid ni Soho sa kaniyang nakaraan, isa sa pinakatumatak sa kaniyang landas ang pangyayaring kinailangan niyang magbilang ng mga bangkay. “Hindi tinuro sa journalist school [na] kailangan bilangin ‘yung patay,” sambit niya. Mula sa karanasang ito, mas naging bukas ang kaniyang kaisipan at mas nagsikap na palaguin ang punla ng karunungan.
Binigyang-liwanag din ng batikang mamamahayag ang pagpapalalim sa kahalagahan ng walang humpay na pagtugis sa katotohanan bilang isa sa mga natatanging layunin ng isang mahusay na mamamahayag. Mahalaga na matibay ang pagkakaangkla ng impormasyong ipinapabatid batay sa katotohanan laban sa agos ng kabulaanang susubok sa katatagan ng pundasyon nito. “I will let my work speak for itself. I’m an advocate for the truth. Naiinis ako sa nagtra-trample ng truth,” aniya.
Sa larangang ito, naranasan ni Soho ang maglabas-pasok sa iba’t ibang sitwasyong walang kasiguraduhan. “You have to be relentless. You’re thrown into situations you don’t expect. Walang template ‘tong trabahong ‘to,” paliwanag niya. Mistulang kasangkapan sa pagsisid sa kaibuturan ng bawat salaysay ang pagiging handa sa anomang sitwasyon.
Sa pag-ukit ng kaniyang pangalan sa industriya, tunay ngang mapagkumbaba pa rin ang kahanga-hangang si Jessica Soho sapagkat idiniin niyang isa lamang siyang hamak na tagapaghatid ng mga istorya. Ang mga naratibong ipinapahayag niya sa taumbayan ang tunay na bida. Kaakibat lamang nito ang katanyagang ikinakawing ng madla sa kaniyang pangalan. Sa huli, ang munting pakikinig at lubusang pagsasaisip ng mga hatid niyang kuwento sa mundo ang tangi niyang nais ipabatid sa buong daigdig.
Pulso ng katotohanan
Mula bulong hanggang rebolusyon, nagsisilbing dagitab sina Enriquez at Soho sa makatotohanan at mapagmalasakit na pamamahayag. May mga pagkakataong pinapaso sila ng apoy nito, ngunit matapang pa rin nilang nilalapitan ang sunog. Para sa kanila, isang bokasyon ang pamamahayag na kinakailangang ialay ang kabuuan ng sarili.
Walang hamong malaki, kailangang tibayan ang sikmura—sumisiklab ang kanilang pansarili at pambansang pangarap na magpaalala sa mamamayang Pilipino na may mga rebolusyong kailangan nating marinig at makita. Hindi na hiwalay ang kanilang buhay at bokasyon. Ligtaan man ng bala o mantsahan ng dugo sa palad, lagi’t laging babalik sa pangunahing misyon sa pamamahayag—ang bumuhay ng mga kuwento at magpahayag ng katotohanan.
Habang may ibang nais na lamang mamalagi sa katahimikan at magkibit-balikat sa masagwang katotohanan, matatag nilang yakap-yakap ang rason na nagtutulak sa kanilang ipagpatuloy ang ginagawa—ang magsiwalat nang “Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang kasinungalingan, serbisyong totoo lamang.”