NASUNGKIT ng Northport Batang Pier ang kanilang unang panalo sa ika-45 season ng Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup kontra Terrafirma Dyip, 107-96, Oktubre 25, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center.
Nagpakitang-gilas ang sentro na si Christian Standhardinger pagkatapos magbigay ng walang-tigil na opensa at magtala ng 23 puntos at 12 rebound. Sumiklab din ang Batang Pier rookie na si Renzo Subido na bumulusok sa huling yugto at nagtala ng 12 puntos. Sa kabilang panig, maaasahang performance muli ang ipinakita ni CJ Perez na nagtala ng 25 puntos sa isang losing effort.
Atras-abante na panimula ang natunghayan sa parehong koponan na kapwa naghahanap ng unang panalo sa torneo. Nagpakita ng early offense ang sophomore na si Perez para sa Terrafirma Dyip. Sa kabilang banda, kayod-kalabaw na opensa ang ipinakita ni Standhardinger para sa Northport Batang Pier.
Nagtamo ng early lead ang Batang Pier kahit na wala ang isa sa kanilang beteranong leader na si Sean Anthony. Walang humpay ang pag-iskor ni Standhardinger mula sa shaded area, 24-16. Matatag na depensa rin ang ipinakita ng Batang Pier at napuwersa nila ang kanilang katunggali na magsagawa ng isolation plays.
Bunsod nito, malaking lamang ang nakuha ng Northport sa kanilang assist department na nagtala ng siyam na assist. Samantala, tatlo lamang ang nakamit na assist ng Terrafirma Dyip. Nagwakas ang unang yugto pabor sa Batang Pier, 27-20.
Sinubukan namang bumawi ng Terrafirma Dyip sa ikalawang yugto ng laro. Nagtulong-tulong ang buong panig ng Dyip upang makahanap ng paraang makasisira sa matatag na depensa ng Northport. Naging sandata para sa Dyip ang magandang ball movement ng koponan sa ikalawang yugto. Malaking tulong din ang opensa ng rookies na sina Roosevelt Adams, Juami Tiongson, at Perez.
Naitabla ng Dyip ang laro sa pamamagitan ng pag-atake ni Adams sa paint, 45-all. Sa kabilang banda, patuloy ang pag-init ni Standhardinger sa ilalim ng basket na nagtala ng 20 puntos sa first half. Nakahanap din ang Batang Pier ng tulong mula sa katauhan nina Paolo Taha at Garvo Lanete upang mapanatili ang lamang sa Northport sa pagtatapos ng ikalawang yugto, 51-48.
Diniktahan ng Dyip ang katunggali sa ikatlong yugto sa pamamagitan ng fastbreak points. Umaatikabong opensa ang pinangsalubong ng Terrafirma sa bakbakan nang umarangkada ang kanilang scoring machine na si Perez na nagtala ng tatlong magkakasunod na successful shot mula sa fast plays.
Bunsod nito, matinding depensa ang inilatag ng Batang Pier laban kay Perez subalit mabilis naman itong naagapan nang maalalayan nina JP Calvo at Joseph Gabayni ang Dyip na nagdulot sa kanila ng 60-64 na bentahe.
Nakahanap naman ng sandata si Batang Pier Coach Pido Jarencio sa katauhan ni Subido matapos ang matagumpay na pagpigil sa pag-arangkada ng Dyip. Sinandalan ng Northport ang mga assist ni rookie standout Subido sa nalalabing limang minuto ng ikatlong yugto. Nagdulot ito ng malilinis na successful shootout nina Sean Manganti, Kelly Nabong, at Paolo Taha upang muling bumalik sa kalamangan ang Northport, 74-71.
Lalo pang naging pamatay ang Batang Pier sa pagpasok ng huling yugto ng laban matapos ang palitan ng pagpuntos ng tambalang Taha at Nabong sa kabila ng matagumpay na pagpapatahimik na ginawa ng Dyip sa nag-iinit na si Standhardinger. Tuluyang dumulas sa kamay ng Dyip ang pagkakataong maiuwi ang kanilang unang panalo sa torneo matapos ang hindi inaasahang paglilista ng tatlong three-point shot ng dating Growling Tiger Subido, 104-90. Sinelyuhan ng Batang Pier ang kanilang unang panalo sa torneo sa iskor na 107-96.
Susubukang dungisan ng Northport ang malinis na tala ng TNT Tropang Giga sa torneo sa susunod nilang laban sa darating na Lunes, Oktubre 26. Samantala, patuloy pa ring tatangkain ng Terrafirma na makatungtong sa winning column sa laban nila kontra Alaska Aces.