Isa ang Good Governance Conference (GoodGovCon) 2020, proyekto ng GoodGov PH, sa pinakamalalaking pagtitipon ng mga tagapagtaguyod ng mabuting pamamahala sa bansa. Isasagawa ito mula Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 28, sa pamamagitan ng Zoom.
Ngayong taon, isinusulong nito ang temang “Mabuting Pamamahala Para sa Bayan” na naglalayong tipunin ang mga kabataang lider mula sa iba’t ibang panig ng bansa at ipabatid sa kanila ang kahalagahan ng mabuting pamamahala at aktibong pakikibahagi sa panahon ng krisis.
“To be in a conference together with people who all advocate for good governance made me realize that it is possible for us to achieve a better country with future competent leaders who think that the voices of the youth matter,” ani Dexter Yang, Executive Director ng GoodGov PH.
Kasama ang mga tagapagsalita mula sa gobyerno, pribadong sektor, at iba’t ibang organisasyon, tatalakayin ng mga kinatawan ang mga isyung kinahaharap ng pamahalaan. Kabilang sa mga paksang tatalakayin ang civic engagement, lobbying, at pakikilahok sa lokal na pamamahala sa apat na sektor: edukasyon, kalusugan, ekonomiya, at kapaligiran.
Makikibahagi sa nasabing pagpupulong sina Kabataan Party-list Representative Sarah Elago, IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, at Greenpeace Southeast Asia Executive Director Yeb Saño.
Magkakaroon din ng mga plenaryong talakayan na pangungunahan ng mga propesyonal at mga dalubhasang youth leader upang mapalawak at maipaliwanag ang konsepto ng demokrasya, pananagutan at pagiging bukas sa publiko, karapatang pantao, at patakaran ng batas.
“We can expect to see initiatives for effective strategies for advocacies, through lobbying people-oriented causes and policies, in the new normal and lastly, increase in the youth participation in fostering good governance during the new normal,” ani Carl Lumberio, Co-Project Director ng GoodGovCon 2020.
Libre ang pagpaparehistro sa kumperensiya at bukas ito sa lahat ng kabataan na may edad 18-30. Matatagpuan sa bit.ly/GoodGovCon2020 o sa GoodGovCon Facebook page (facebook.com/GoodGovCon) ang proseso ng pagpaparehistro at mga detalye ng kaganapan.
GOODGOV PH – Ang GoodGov PH ay isang organisasyong pinamumunuan ng mga kabataan na nagtataguyod ng mabuting pamamahala para sa bayan. Hangad nito ang maayos na pamamahala sa pamamagitan ng mga kampanya, adbokasiya, pagtatayo ng alyansa, pag-aaral tungkol sa pamamahala, pakikipagtulungan sa komunidad, at pag-unlad.
Artikulo mula sa GoodGov PH