Pagpapaigting ng pananaliksik sa kabila ng pandemya: Dalawang propesor ng DLSU, pasok sa Asian Scientist 100!


Likha ni Mariana Bartolome

NAPABILANG sina Dr. Raymond Tan, Vice Chancellor for Research and Innovation, at Dr. Susan Gallardo, University Fellow, sa 11 mananaliksik na Pilipino sa Asian Scientist 100: 2019 Edition ng Asian Scientist Magazine. Itinatampok sa naturang publikasyon ang mga natatanging mananaliksik sa Asya upang gawaran ang kanilang kontribusyon sa larangan ng agham.

Kabilang sa mga kwalipikasyon para maging nominado sa Asian Scientist 100 ang pagkakaroon ng gantimpala sa larangan ng pananaliksik, paggawa ng makabuluhang imbensyon, o pagiging isang pinuno ng isang institusyon.

Kontribusyon at karangalan

Ibinahagi ni Tan sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kuwento sa pagkamit niya ng Gregorio Y. Zara Award for Advanced Research 2019 para sa kaniyang kontribusyon sa pagbuo ng novel computational techniques na naging disenyo ng sustainable industrial systems. Nagmula ang memorial award na ito sa Philippine Association for the Advancement of Science and Technology (PHILAAST), isang organisasyong naglalayong  itaguyod ang kamalayang pang-agham sa Pilipinas. 

Ikinagulat umano ni Tan ang pagkilala ng Asian Scientist sa kaniyang pananaliksik tungkol sa climate change dahil mahigit isang taon na ang lumipas mula nang matanggap niya ang memorial award. Dagdag pa niya, “It’s always an honor to be recognized kasi. . . matagal na ‘yung ginawa namin. . . parang napansin ko na mas nare-recognize pa siya sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas for so long.”  

Iginawad naman ng PHILAAST kay Gallardo ang David M. Consunji Award for Engineering Research 2019 bunga ng kaniyang ambag sa environmental engineering and catalysis at sa industrial and hazardous waste treatment and management. Naging dahilan ang kaniyang pagkamit sa gantimpalang ito para mapabilang siya sa Asian Scientist 100. 

Pahayag ni Gallardo, isang karangalan ang mapasama at makita ang kaniyang kontribusyon sa agham at teknolohiya. “Nagalak ako ng mabasa ko ang mga artikulo sa Facebook at sa mga pahayagan online tungkol dito,” pagbabahagi niya sa kaniyang panayam sa APP. 

Inspirasyon sa pananaliksik

Ibinahagi ni Tan sa APP na patuloy siyang nagsusumikap sa paggawa ng mga pananaliksik at proyekto upang makatulong sa pagresolba ng mga problemang maaaring maranasan ng lipunan sa hinaharap. Saad niya, “Kahit hindi ipagawa sa akin ‘yan, gagawin ko ‘yan kasi. . . it contributes to solving problems, but at the same time, para siyang. . . craft that you really want to perfect and pursue.”

Naging inspirasyon naman ni Gallardo sa pananaliksik ang hangaring magkaroon ng malinis at maayos na kapaligiran ang mahihirap na komunidad sa Pilipinas. “Masaya ako na nakapag-retire ako [nang] maaga dahil nabigyan ako ng pagkakataon maglingkod sa mga communities [na] nangangailan ng aking expertise at produkto ng pananaliksik,” pagsasalaysay niya tungkol sa layuning makatulong sa mga komunidad.

Pagbabahagi naman ni Tan, mahalagang magsumikap sa paghahanap ng lokal na awdyens at patuloy na ipabatid ang pananaliksik sa iba’t ibang tao upang masigurong may makikinabang dito. Nakatulong din ang pagiging bahagi niya sa Philippine-American Academy of Science and Engineering para maipaabot at maibahagi sa wastong awdyens ang kahalagahan ng kaniyang pananaliksik.

Pagpapatuloy sa kabila ng hamon

Bunsod ng mga restriksyong dala ng community quarantine, naging hamon ang pagsasagawa ng laboratory at fieldwork para sa mga pananaliksik at proyektong nangangailangan nito. Dahil dito, binabawasan nila Tan ang pisikal na saklaw ng pananaliksik bilang tugon sa suliraning ito.

Samantala, iminungkahi ni Gallardo ang paggamit ng internet sa pagkuha ng secondary data o literature review, paggawa ng online sarbey, o pagtatakda ng panayam sa Zoom o Google Meet upang paigtingin ang pananaliksik sa panahong ito. Hinihikayat din niya ang mga estudyante at gurong mananaliksik na alamin ang kanilang layunin sa pagsasaliksik habang isinasaalang-alang ang pamilya, komunidad, at bansa.

Hinimok naman ni Tan ang mga estudyante na samantalahin ang learning environment sa Pamantasan at tapatan ng interes at sipag ang pananaliksik habang humihingi ng tamang pagsasanay at gabay mula sa kanilang tagapayo. Paalala pa niya, “It will be difficult while you’re doing it pero pag makalipas na ‘yan, it’s part of character building and professional training na sanay ka sa pressure.”