Walang puwang para sa patuloy na nagbubulag-bulagan


Apat na taon na ang nakalipas mula noong maluklok sa posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte. Kasabay ng kaniyang pagkapanalo ang pag-usbong ng dibisyon sa pagitan ng bawat Pilipino. Nagkawatak-watak ang noong magkasanggang mamamayan na marahil dulot na rin ng naglipanang pekeng impormasyon, kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya. Umusbong din ang samahan ng mga taga-suporta ng Pangulo, ang Duterte’s Diehard Supporters (DDS), na lantarang ‘di pinapansin ang katiwalian at kaniyang kawalan ng kakayahang pamunuan ang bansa.

Nakaaaliw magbasa ng palitan ng mga opinyon sa pagitan ng mga DDS at netizens na may pinanghahawakang lehitimong impormasyon. Ngunit, nakalulungkot isipin na may mga tao pa ring nagbubulag-bulagan at pilit na kinukunsinte ang pagkakamali at pagkukulang ng Pangulo. Ilang sakuna ang naranasan ng bansa ngayong taon, maliban pa sa maluwag na pagpapapasok ng pandemya sa bansa, at kapansin-pansin ngayon ang palpak na pagresponde nito sa mga nasalanta ng bagyo at ang madalas na pagliban sa mga importanteng pagpupulong.

Pinupuna ito ngayon ng mga mamamayan na hangad lamang ang makatanggap ng kongkretong plano at agarang aksyon mula sa Pangulo. Hindi masisisi ang pag-alab ng damdamin ng taumbayan dahil sa halip na pakinggan, minamasama pa ang kanilang mga daing. Nakagagalit din ang pagbaling ng pamahalaan mula sa kanilang kapabayaan patungo sa mga usaping wala namang kinalaman dito tulad ng hinanakit ng Pangulo sa agarang pagresponde ni Bise Presidente Leni Robredo sa Cagayan, at pagbabanta sa mga unibersidad na isinusulong ang Academic Break/Freeze. 

Pinipilit imulat ng ilan ang katotohanan sa mga DDS, ngunit imbis na pakinggan, personal na pang-aatake at akusasyon ng pagiging dilawan, adik, terorista, at miyembro ng New People’s Army ang kanilang natatanggap. Kailan kaya mapagtatanto ng mga DDS na hinulma ang kanilang paniniwala mula sa kasinungalingan at manipulasyon? 

Matagumpay na naisagawa ng administrasyon ang pagkakawatak-watak ng bawat Pilipino. Pinapakinabangan nila ang simpatyang natatanggap mula sa mga DDS upang ipagpatuloy ang harap-harapang pang aalipusta ng karapatan at panloloko sa taumbayan. 

“Hindi pula’t dilaw tunay na magkalaban, ang kulay at tatak ay di syang dahilan.” 

Nagmula ang linya sa pinasikat na kanta ni Bamboo, na hindi ko akalaing magiging angkop sa sitwasyon ngayon ng bansa. Nais kong ipabatid na hindi tayo ang magkakalaban, bagkus, tayo ang dapat na nagkakaisa at kumakalampag sa pagkukulang ng administrasyon. Sa patuloy na dibisyon ng Pilipino, patuloy rin na natatabunan ang totoong isyu na dapat mas pinagtutuunan ng pansin. 

Sa panahon ngayong higit na sinusubok tayo ng mga sakuna at problema, mahalaga ang pagkakaisa na walang kinikilingang kulay, itsura, o edad. Tunay ngang iba’t-iba ang ating karanasan at pinaniniwalaan, at mayroon tayong inaasahang mga lider na nangako ng pagbabago, ngunit huwag sana natin kalilimutan na dapat nakalaan ang ating katapatan sa ating bansa at hindi kung kaninoman. 

Para sa kapwa kong nag-aasam ng pagbabago at maliwanag na kinabukasan, huwag sana tayong magsawang baguhin ang perspektiba ng iba basta’t tama at may batayan ang ating pinaniniwalaan. Nawa’y manumbalik ang malaya at maayos na palitan ng hinaing at opinyon na walang nirerepresentang kulay o sinasambang opisyal ng gobyerno. 

Ito na ang hudyat upang magising, kapwa ko Pilipino.