Bago magtapos ang taong 2020, nabulabog ang bansa sa pamamaril ng isang pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio. Sino nga ba ang mag-aakalang malalagutan ng hininga ang dalawang inosenteng Pilipino, sa harap ng isang bata, gamit ang baril na para sa proteksyon dapat ng bawat Pilipino?
Hindi ito ang unang kaso ng pang-aabuso ng kapulisan sa ipinagkaloob na kapangyarihan sa kanila; patuloy ang pananakot nila sa mahihirap, lalo na sa mga katutubo. “Shoot to kill if nanlaban,” “Shoot them dead,” — ito ang mga katagang nagbibigay-lisensya sa kapulisang kumilos nang naaayon sa kagustuhan nila. Kawawa ang sambayanan sa isang patakarang nakabatay sa hatol ng taong may armas ngunit balikong panghuhusga ang dinadala.
Depensa ng kabilang panig, huwag naman daw lahatin ang buong kapulisan dahil lamang sa kasalanan ng isa. Gayunpaman, hindi lamang ito usapin ng kung sino ang kumalabit ng gatilyo; isyu rin ito ng patuloy na pananahimik at pagsunod-sunuran ng kapulisan sa mga nasa kapangyarihan at hindi para sa interes ng taumbayan. Lihis ang daang tinatahak ng kapulisan sa ilalim ng administrasyong Duterte, at wala nang pahayag pang katanggap-tanggap para mapagkaila ito. Lantaran ang pang-aabuso ng mga pulis na inaasahan sanang maging tagapagsiguro ng seguridad at tagapagbigay ng proteksyon sa sambayanang Pilipino.
Kaya naman, nananawagan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) para sa muling pagkiling ng kapulisan sa seguridad ng mamamayan sa halip na magbulag-bulagan sa pagpapakitang-tao ng administrasyon. Kasuklam-suklam makitang ipinagpapatuloy ng kapulisan ang sistemang lihis sa nakasaad na layunin ng Philippine National Police (PNP). Ngayong nagiging siklo na ang kanilang pang-aabuso, pudpod na ang kakarampot na tiwalang mayroon ang mga Pilipino sa kapulisang tumalikod na rin sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Subalit hindi pa huli ang lahat—naghihintay ang mga Pilipino sa muling pakikiisa ng kapulisan sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagiging kasangga ng sambayanan. Mahaba-haba pa ang proseso para makamit ang layuning ito ngunit nararapat nang simulan ang pag-ugat dito. Panahon na upang pigtasin ang gapos na pilit na inilalagay ng Pangulo sa kapulisan upang mapanatili niya ito sa kaniyang panig, upang magkaroon ng kontrol sa pamamagitan ng armas na may pahintulot na kaakibat.