NAPATUNAYAN ang pagkakaisa ng pamayanang Lasalyano sa nakalipas na Make-Up Elections 2021 matapos maihalal ang mga bagong mamumuno sa University Student Government (USG). Naitala rin ng De La Salle University (DLSU) Commission on Elections (COMELEC) ang pinakamataas na voter turnout mula noong 2014 matapos bumoto ang 8,245 o 60.02% ng kabuuang bilang ng Lasalyano sa isinagawang eleksyon.
Nasungkit ng Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) ang 41 posisyon habang 39 na posisyon naman ang nailaan para sa mga kinatawan ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat).
Itinanghal si Maegan Ragudo, kandidato mula Tapat, bilang bagong pangulo ng USG. Dinomina rin ng Tapat ang mayorya ng mga posisyon sa ehekutibong lupon matapos magwagi sina Jaime Pastor bilang Vice President for Internal Affairs at Cate Malig bilang Vice President for External Affairs. Itinanghal naman si Annika Silangcruz bilang Executive Secretary. Nakamit naman ng Santugon ang nag-iisa nilang puwesto sa nasabing hanay matapos magwagi si Noel Gatchalian bilang Executive Treasurer.
Nahakot din ng partidong Tapat ang apat na posisyon sa kampus ng Laguna sa pangunguna ni Gabriel Dela Cruz bilang Campus President. Nahalal din si Elle Aspilla bilang Campus Secretary, Pauline Carandang bilang Legislative Assembly (LA) Representative, at Jayson Saligao bilang Gokongwei College of Engineering (GCOE) Representative ng Laguna Campus Student Government (LCSG).
Dinomina naman ng Santugon ang posisyong College President matapos makuha ang pwesto sa mga sumusunod na kolehiyo: Ramon V. del Rosario – College of Business (RVR-COB), College of Liberal Arts (CLA), GCOE, College of Computer Studies (CCS), at Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education (BAGCED). Itinanghal sina Marcus Guillermo, Rai Nivales, Madeline Tee, Jolo Cansana, at Leonna Gula bilang mga bagong presidente ng mga nabanggit na kolehiyo. Nanalo naman sina Renee Formoso at Zane Kekenusa, kapwa galing Tapat, para sa College of Science (COS) at School of Economics (SOE).
Pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ipinahayag ng mga kandidato ang kani-kanilang mga mensahe at saloobin matapos sertipikahan ng COMELEC ang kanilang pagkapanalo.
Nanindigan sina Ragudo, Pastor, Malig, Silangcruz, at Gatchalian na hindi hadlang ang pinanggalingang partido upang paglingkuran ang pamayanang Lasalyano. Para kay Ragudo, “I know that my fellow electeds and I would agree that it is our responsibility to uphold and fight for the best interests of the students. To let partisan politics get in the way of that is simply a disservice to the student body.” Naniniwala rin si Silangcruz na kinakailangan ng maayos na komunikasyon upang magkaisa.
Samantala, inialay naman nina Dela Cruz, Aspilla, Saligao, at Carandang ang kanilang pagkapanalo sa mga Lasalyano sa kampus ng Laguna. “I will be the President of the Laguna Campus Student Government for all to ensure that no student is left behind,” pagdidiin ni Dela Cruz sa kaniyang tungkuling magsilbing boses ng mga Lasalyano sa Laguna.
Kaugnay nito, iniaalay rin ni Aspilla ang kaniyang pagkapanalo sa buong LGBTQI+ community sa loob at labas ng Pamantasan bilang kauna-unahang transwoman na nahalal sa USG. Aniya, “Tayo [mga bahagi ng LGBTQI+ Community] ay may boses at representasyon na gagamitin natin tungo sa mas progresibong lipunang may [pantay-pantay] na karapatan at oportunidad para sa bawat isa.”
Inaasahang serbisyo ng mga opisyal
Inilahad din ng mga nagwaging kandidato ang mga platapormang uunahin nila sa pagsisimula ng kanilang panunungkulan.
Ayon kay Ragudo, magsasagawa siya ng student census upang alamin ang sitwasyon ng bawat estudyante sa gitna ng online learning. Kaugnay nito, magsusulong siya ng isang education recovery plan at kalakip nito ang ilang mungkahing pagbabago sa sistema ng online learning at pagkakaroon ng modular learning. “Aasikasuhin na rin ng aking administrasyon ang phase to phase opening ng university for face to face classes,” dagdag pa niya.
Uunahin naman ni Gatchalian ang tuition fee loans and grants project para sa nalalapit na enrollment sa ikalawang termino. Ipinaalam din niyang ipagpapatuloy ng kaniyang opisina ang Lasallian Scholarship Program. Aniya, “Ito ay para makasiguro na mas marami pang mga estudyante ang makakatanggap ng tulong mula sa USG para makapagbayad ng kanilang fees sa parating na term.”
Bibigyang-pansin naman ni Malig ang pagtatatag ng university at national level think tank, at pakikipag-ugnayan sa ibang mga student council upang isulong ang mga polisiyang tatalakay sa aspekto ng mental health at safe spaces. Naniniwala siyang makatutulong ito sa pagsusulong ng mga progresibong polisiya sa loob at labas ng Pamantasan. Bibigyang-pansin din ni Malig ang pagsasaayos ng mga programa ng USG para sa nalalapit na Pambansang Halalan sa taong 2022.
Paghahandaan naman ni Pastor ang pagpapatupad ng mga platapormang kanilang ipinangako noong kampanya, katulad ng paglikha ng bagong sistema para sa student services, paghahanda sa mga programa ng Pamantasan, at pagsasaayos ng mga polisiya. Aniya, “I hope that we can maintain a culture for the USG where students are free to give feedback and objective criticism. . . as well as holding us accountable to our campaign promises.”
Aasikasuhin naman ni Silangcruz ang birtuwal na plataporma para sa pagpoproseso ng mga aktibidad at pagsasaayos ng mga dokumento. Paghahandaan din niya ang Student Government Recruitment Week para sa pagkakaroon ng miyembro ng mga yunit ng USG na bubuo sa kani-kanilang ehekutibong lupon.
Ayon naman kay Guillermo, ilalatag niya ang isang sistema ng information dissemination para sa RVR-COB. Nais namang tutukan ni Cansana ang pagsisiyasat sa kalagayan ng mga mag-aaral mula sa CCS pagdating sa iba’t ibang aspekto upang epektibo nilang maisakatuparan ang mga platapormang inihain nila bago ang eleksyon. “Gagawa na rin kami ng isang koponan upang suriin ang estado ng mga estudyante ng CCS sa mga tuntunin ng akademiya, mental health, atbp ngayon sa panahon ng online classes,” ani Cansana. Ito rin ang inaasahang maipapatupad sa pagsisimula ng pamumuno nina Tee at Kekenusa sa kani-kanilang kolehiyo.
Maglalaan naman ng panahon sina Gula at Formoso para sa pagsasaayos ng serbisyong pangmag-aaral. Sa kabilang banda, sisiguruhin naman ni Nivales ang pagkakaisa ng lahat ng mga mag-aaral sa CLA. “Ang unang hakbang na aking tatahakin bilang CLA College President ay ang pagsigurado na magkaroon ng maganda at makabuluhang koordinasyon ang CLA Department, CAP12 Organizations, at FAST Batch Governments,” pahayag niya.
Samantala, nangako rin ang mga bagong halal na opisyal sa kampus ng Laguna na kanilang paiigtingin ang kanilang mga programa upang lubos na matugunan ang pangangailangan ng mga Lasalyano. Wika ni Dela Cruz, “Involving the students and the offices of the campus in all the programs we have in mind is a step forward towards a progressive and proactive student body.”
Kaugnay nito, susuriin ni Carandang ang mga resolusyong kasalukuyang naipatupad na sa kampus ng Manila, na maaaring maisagawa rin sa kampus ng Laguna, upang maiwasan ang pag-uulit ng mga mungkahing ilalatag sa mga susunod na pagpupulong.
Ilang pagbabago sa konstitusyon ng USG
Samantala, inaprubahan naman ang mga pagbabago sa konstitusyon ng USG matapos sumang-ayon ang 7,541 Lasalyano o 91.45% ng mga botante sa plebisito. Ito ang unang beses na pag-enmiyenda ng konstitusyon simula nang itatag ito noong 2009.
Inaasahan ang mga rebisyon sa Artikulo XXIII na tungkol sa impeachment, gayundin ang mas malinaw na probisyon sa pakikipag-ugnayan ng CSO sa kabuuan ng USG na nakapaloob naman sa Artikulo XXIV.
Pinormalisa rin ang pagkilala sa LCSG bilang bahagi ng USG. Binubuo ng Campus President, Treasurer, Secretary, at mga College Representative ang ehekutibong lupon ng LCSG. Mayroon din itong dalawang kinatawan para sa LA.
Itinatag naman ang Office of the Ombudsman batay sa Artikulo XXI. Pangunahing tungkulin ng Ombudsman na imbestigahan ang graft at korapsyon at tiyaking mapananagot ang mga opisyal ng USG batay sa Artikulo VI ng konstitusyon.
Ibinukod na rin ang mga Constitutional Commission na COMELEC at Commission on Audit (COA) mula sa Judiciary batay sa Artikulo XXII. Tungkulin ng COMELEC na pangasiwaan ang eleksyon habang layunin naman ng COA na siguraduhin ang transparency at pananagutan sa mga transaksiyong isinasagawa ng mga yunit ng USG. Matatandaang itinalaga para sa COA sina Aimee Joyce Gepte bilang Chairperson at Rafael Laya bilang Vice Chairperson for Audit, noong Enero 15, at Kaycee Acis bilang Vice Chairperson for Administration, noong Enero 29.
Inaasahan naman ang pagkakatatag ng Covention of Leaders sa ilalim ng Artikulo XXV ng niratipikahang plebisito. Bukod sa mga miyembro ng Executive Board at Batch Presidents, bubuoin ito ng mga student leader mula sa iba’t ibang sektor ng DLSU, tulad ng mga organisasyong kinikilala ng Council of Student Organizations (CSO), Student Media Group, Cultural Arts Group, Religional Organizations, Center for Social Concern and Action (COSCA), Athletic at Varsity Team, at mga dating miyembro ng USG Executive Board.
Tugon sa mga bakanteng posisyon
Ayon sa inilabas na resolusyon ng COMELEC kamakailan, mayroong 14 na bakanteng posisyon sa kampus ng Manila at anim naman sa kampus ng Laguna. Dagdag pa rito, palalawigin ang panahon ng panunungkulan ng mga incumbent na opisyal hanggang sa susunod na General Elections o sa panahong gusto na nilang magbitiw sa kanilang posisyon. Magtatalaga naman ang Legislative Assembly para sa mga bakanteng posisyon.
Sa kabilang dako, nananatiling suspendido ang pangangampanya at eleksyon para sa posisyon ng Batch President at LA Representative ng BLAZE2022 pagkatapos mag-isyu ng Writ of Preliminary Injunction ang USG Judiciary. Matatandaang kinuwestiyon ng mga kandidato ng Tapat ang desisyon ng COMELEC ukol sa pagdedeklara sa kanila bilang “incompletely filed.”
Makalipas lamang ang ilang araw, pinatawan ng Show Cause Order ang mga petitioner matapos mahuling nangangampanya sa kanilang Instagram stories noong Enero 30. Sa kasalukuyan, wala pa ring resolusyon ang Judiciary hinggil dito. Nakatanggap naman ng kumpirmasyon ang APP mula kay COMELEC Chair John Christian Ababan na matutuloy ang eleksyon para sa mga posisyon sa panahong maresolba na ang isyung ito ng Judiciary.
Sa kabilang banda, siniguro naman ng mga bagong opisyal mula BAGCED, SOE, RVR-COB, GCOE, at CLA na pansamantala nilang tutugunan ang mga nakalaang responsibilidad para sa mga bakanteng posisyon. Magrerekomenda umano sila ng mga maaaring humalili sa mga posisyong ito sa lalong madaling panahon.