ILULUNSAD ng De La Salle Philippines (DLSP), PLDT Enterprise, at Smart Communications ang isang e-Learning store upang masuportahan ang mga pangangailangan ng mga Lasalyano pagdating sa online learning. Sa isang artikulong inilathala online ng PLDT-Smart nitong Disyembre ng nakaraang taon, inanunsyo nila ang nabuong sosyohan sa pagitan nila at ng DLSP.
Sa isang larawang nakapaloob sa artikulo ng PLDT-Smart, nakitang magkakasama sina Edgar Chua, presidente ng DLSP; Ramon Trajano, chief finance officer ng DLSP; Jovy Hernandez, presidente at chief executive officer ng ePLDT at senior vice president at head ng PLDT at Smart Enterprise Business Groups; Al Panlilio, presidente at chief executive officer ng Smart at chief revenue officer ng PLDT, at iba pang opisyal ng mga kompanya para sa contract signing.
Pag-usbong ng inisyatiba
Hindi ito ang unang beses na nakipagtulungan ang DLSP sa PLDT-Smart. Noong nagsisimula pa lamang ang termino, naghandog ng Smart Giga Study plans at Smart Bizload services ang kompanya, na binili at ginamit ng mga Lasalyano sa ilang DLSP member schools.
Bukod pa rito, naghahanda na ang DLSP para sa hybrid learning bago pa man dumating ang pandemya. Kaugnay nito, ang pangangailangan ng online learning sa new normal ang lalong nag-udyok sa DLSP na itaguyod ang inisyatibang ito.
Mahigit 80,000 estudyante at propesor sa 16-member schools ng DLSP ang inaasahang makikinabang sa panibagong inisyatiba. Bibigyang-pokus dito ang pagbebenta ng eLoad, pocket wifi, sim card, at load card sa inisyal na paglulunsad ng Animo Smart Online Store.
Eksklusibo ang data at connectivity plans na maaaring bilhin sa website sapagkat hindi ito makikita sa pisikal at regular na online stores ng Smart. Higit pa rito, magkakaroon din ng diskwento ang mga estudyante, faculty, at non-faculty staff na miyembro ng pamayanang Lasalyano. Wala na ring babayarang shipping fee ang mga bibili gamit ang online store.
Sa isang artikulo mula PLDT Enterprise, ipinahayag ni Panlilio ang layunin nilang “no learner is left behind” sa pagsasakatuparan ng inisyatiba. Naniniwala naman si Chua na mahalaga ang koneksyon sa internet sapagkat remote learning ang paraan ng pag-aaral ng karamihan ng mga estudyante.
Maaaring ma-akses ng mga Lasalyano ang Animo Smart Online Store sa opisyal na website ng DLSP, ngunit hindi pa tiyak sa ngayon ang petsa ng paglulunsad ng naturang e-commerce site.
Sinubukan ding kunin ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang pahayag ni Chua upang mas maipaliwanag ang nasabing inisyatiba ngunit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan.
Perspektiba ng mga Lasalyano
Sa naging panayam ng APP sa ilang estudyante at propesor ng Pamantasang De La Salle, ibinahagi nila ang kanilang kaalaman at saloobin ukol sa paglulunsad ng Animo Smart Online Store.
Ayon sa ilang nakapanayam, maganda ang ideya ng inisyatibang ito para sa mga Lasalyano na may online na klase sapagkat makaiiwas sila sa problema sa internet connection at makatitipid sila dahil sa mga ibibigay na diskwento. Saad ni John*, V-BS-CT, “[Makatutulong] ito sa mga estudyanteng hirap makahanap ng maayos na internet para maipatuloy [nila] ang kanilang pag-aaral sa panahon ng quarantine.”
Subalit, mayroon ding hindi sang-ayon sa pagtatatag ng Animo Smart Online Store. Paglalahad ni Sofia*, III-BS-ISE, “It just gives the students extra privileges similar to having a membership in a private club.” Paglilinaw niya, hindi kinakailangang magtatag ng ganitong inisyatiba dahil may ibang mas mabisang plataporma upang matulungan ang mga estudyante pagdating sa internet connection at pampinansyal na problema.
Magkakaiba naman ang kanilang pananaw pagdating sa seguridad ng e-Learning store. Sa isang banda, naniniwala ang ilan na may seguridad ang paggamit ng Animo Smart Online Store dahil mapagkakatiwalaan ang ugnayan ng DLSP at PLDT-Smart. Ngunit, ayon sa isang propesor mula sa Theology and Religious Education Department, “Tulad ng ibang mga online store, may mga kasamang isyu sa seguridad ang Animo Smart. Ngunit, sa kakayahan ng PLDT, mas garantisado na mapprotektahan ang mga gumagamit nito.”
Kaugnay nito, tinanong sila ng APP ukol sa posibilidad ng pagbili nila sa Animo Smart Online Store kapag inilunsad na ito. Ayon kay Kayra*, I-BS-BIO-MB, “Kung mabigyan ng oportunidad, bibili ako rito lalo na kung nawawalan kami ng Wi-Fi sa aming [bahay] dahil madalas magloko ang aming Wi-Fi rito.”
Gayunpaman, marami rin sa kanila ang walang planong bumili sa online store sa kadahilanang sapat na ang kanilang internet connection sa kasalukuyan.
*hindi tunay na pangalan