PINAIGTING ang kabuluhan ng pamamahayag at pagsusuri ng impormasyon sa Tayid Tayid 2021 na may temang Promoting Fact-checking and Online Journalism amidst the Pandemic, Pebrero 20. Inilunsad ito ng The Pioneer mula sa Angeles University Foundation upang maitaas ang kamalayan ng mga estudyante sa kahalagahan ng midya at pamamahayag sa panahon ng pandemya.
Wika ni Rheanna Tuazon, Punong Patnugot ng The Pioneer, “In this time of distress. . . We shall always insist that we have democratic rights. . . No regime should ever attack [the] constitutional values that we cherish.” Ipinaalala rin niya ang tungkulin ng mga mamamahayag na magsulat para lamang sa masa.
Pagsiyasat sa balita at impormasyon
Binigyang-diin ni Rheinlander Musni, dating senior multimedia producer ng GMA News, ang kahalagahan ng pagsuri ng impormasyon bunsod ng pagkalat ng ilang balitang walang katiyakan at katibayan. Pagbabalik-tanaw niya, nagsimulang gamitin ang social media sa pagpapakalat ng mali at kahina-hinalang impormasyon bandang 2016, noong kasagsagan ng eleksyon.
Nilinaw din ni Musni ang pagkakaiba ng misinformation at disinformation. Ayon sa kaniya, misinformation ang tawag sa ilang maling detalyeng hindi sadyang makaapekto sa sinoman, habang disinformation naman ang pagpapakalat ng mali at nakapanlilinlang na impormasyong ginagawa ng trolls upang manira. Payo niya, huwag bigyang-pansin ang trolls dahil kumikita sila rito.
Ginamit din niyang halimbawa ng fake news ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa paggamit ng gasolina bilang disinfectant at alternatibo sa alcohol. Binanggit din niya ang pahayag ni Salvador Panelo, Chief Presidential Legal Counsel, ukol sa pagmumumog ng salt water at pagkain ng saging na makatutulong umano kontra-COVID. Giit ni Musni, nakababahalang hindi nila sinusuri ang mga ipinakakalat nilang impormasyon at nanggagaling pa ang mga ito sa mismong mga opisyal ng gobyerno.
Inilahad naman ni Musni ang estratehiyang ginagamit upang maging kapani-paniwala ang fake news. Pagbabahagi niya, “They nitpick some parts of an information or topic and dun [sila magfo-focus or] mag-e-exaggerate, [then they] omit [logical] counterarguments. . . to become palatable to the public.” Nagbigay rin siya ng babala ukol sa iba’t ibang anyo ng fake news, gaya ng pagtatangkang magmukhang kapani-paniwala, mga gawa-gawang kataga, at edited na larawan.
Dagdag pa ni Musni, nagiging epektibo ang maling impormasyon kapag naiuugnay ng mga mambabasa ang kanilang sarili sa balita dahil pabor ito sa kanila. Sa ganitong dahilan umuusbong ang pagkiling na makahahadlang sa pagsuri ng mga mambabasa sa impormasyon dahil sang-ayon at nasisiyahan sila rito.
Kaugnay nito, tinalakay rin ni Musni ang dalawang anyo ng pagkiling. Isa rito ang tinatawag na confirmation bias na tumutukoy sa madaling pagtanggap ng mambabasa sa pabor na impormasyon, at pagsasawalang-bahala sa impormasyong hindi pabor sa kanila. Sa kabilang banda, backfire effect naman ang tawag sa mas pagpapaigting ng paniniwala kapag may sumasalungat dito.
Nagbigay rin ng ilang paalala si Musni upang malabanan ang maling impormasyon at balita, gaya ng pagsusuri ng website, petsa, ulo ng balita, pinagmulan ng balita, manunulat, at pati ang bias nito. Aniya, mahalaga ring tumingin sa iba pang maaaring pagkuhanan ng balita upang matimbang ang impormasyon.
“Kahit na taliwas sa paniniwala mo ang katotohanan, kailangang maging bukas ang isipan mo. . . Hindi dapat tayo maging sarado sa iba pang views. . . na [mayroon] namang punto,” payo niya.
Pagyabong ng digital journalism
Sa ikalawang bahagi ng programa, tinalakay naman ni Mark Villaluna, multimedia journalist ng Manila Bulletin, ang umuusbong na paraan ng pamamahayag na digital journalism. Panimula niya, “Digital Journalism is the present of journalism.” Ipinaliwanag niyang malaki ang epektong dulot nito sa paraan ng pamamahayag at pagkonsumo ng impormasyon dahil patuloy pa ring sumasailalim ang mundo sa digital shift.
“We have seen quite a lot of movements in terms of the media landscape,”saad ni Villaluna. Dagdag pa niya, mas madaling makita at mahanap ang impormasyon ngayon kung ikokompara sa nagdaang taon. Nagsilbi rin umano itong hamon sa mga mamamahayag upang mahikayat silang makipagsabayan sa mga pagbabagong nagaganap. “Media organizations, outlets, and even print media organizations have to contend with the digital landscape and embrace the digital shift,” aniya.
Tinukoy rin ni Villaluna ang Rappler at Inquirer bilang dalawa sa mga kauna-unahang pahayagang gumamit ng online news content management platform sa bansa. Dahil sa paggamit ng digital platforms ng mga pahayagang ito, sinundan din sila ng malalaking kompanya tulad ng ABS-CBN, CNN, at GMA.
Ibinahagi rin ni Villaluna na makikita ang digital footprints maging sa mga tradisyonal na paraan ng pamamahayag tulad ng dyaryo. “Even in the print industry, they will have to find ways in order to connect their audience and readers through online and digital platforms,” pagbabahagi niya. Inihalimbawa niya ang paggamit at paglapat ng QR codes sa mga pahina ng dyaryo upang makapagbigay ng karagdagang kaalaman sa mga mambabasa.
Sa kaniya namang ikalawang punto, ipinaliwanag niyang mahalaga pa rin ang paggamit ng teksto sa paghahatid ng impormasyon. Aniya, “In the digital sphere, text is still important, but diversification of content is king.” Giit niya, mas binibigyang-pansin ang paggamit ng mga elementong biswal sa digital journalism.
“You need to give the netizens different forms of storytelling and there are specific ways to do that,” pagdidiin ni Villaluna. Tinukoy niya ang paggamit ng bidyo, infograpiks, at retrato bilang mga elementong nakahihikayat ng mga mambabasa. “For some, even a simple tweet will do. It will eventually become viral and people will talk about it,” dagdag pa ni Villaluna.
Bukod pa sa mga ginagamit na elementong biswal, ipinunto rin niya ang paglaganap ng mga podcast at livestream. Ayon sa kaniya, epektibo rin ang paggamit ng mga paraang ito dahil napapanahon at angkop ito sa kasalukuyang sitwasyong dulot ng pandemya.
Inilatag naman ni Villaluna ang kaniyang huling punto ukol sa epekto ng paglaganap ng digital journalism. Aniya, “The digital sphere has opened the opportunities for different kinds of creatives to execute their work.” Naging daan din ito upang makapagbigay ng trabaho sa mga nagnanais pumasok sa industriya ng midya dahil kinakailangang paglaanan ng pansin ang mga elementong biswal.
Iginiit naman ni Villaluna na maituturing pa rin ang digital journalism bilang isang lehitimong uri ng pamamahayag sa kabila ng paglapat ng mga elementong biswal at paggamit ng mga makabagong paraan ng pamamahayag. “The modes and the ways we tell stories develop and progress. . . but at the end of the day, what makes journalism great is the way we look at things and contextualize issues,” paglilinaw niya.
Sa huli, binigyang-diin ni Villaluna ang tungkulin ng mga mamamahayag. “Ang pagiging isang mamamahayag ay hindi dapat maging tungkol sa iyo, ito ay dapat maging tungkol sa kanila.” Pagtatapos niya, “It is your choice as a journalist to make the Filipinos more informed and adequately entertained.”