PINARANGALAN ang mga natatanging miyembro ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa kaunaunahang birtuwal na Gawad Lasalyano, Marso 12. Taunang isinasagawa ang seremonyang ito upang bigyang-halaga ang tagumpay ng mga Lasalyano sa iba’t ibang larangan at upang kilalanin ang kontribusyon ng mga naging katuwang ng Pamantasan sa pagpapalaganap ng misyong Lasalyano.
Sa kaniyang pambungad na pananalita, nagbigay ng mainit na pagbati si Br. Raymundo B. Suplido FSC, pangulo ng DLSU, at pinuri ang katatagang ipinamalas ng pamayanang Lasalyano sa kabila ng mga hamong kinahaharap nila. “Matapos ang mga sakunang naganap noong 2020. . . nananatili tayong matatag at malakas kaya’t kinaya natin ito,” aniya.
Pinasinayaan din ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang Gawad Lasalyano 2020. Sa kaniyang talumpati bilang panauhing pandangal, ipinabatid niya ang kahalagahan ng pagkilala sa mga taong nagbibigay ng kontribusyon sa lipunan. Binigyan din niya ng hamon ang kabataang Lasalyano na maging mulat sa reyalidad ng lipunan at alamin ang papel nila bilang mga susunod na lider.
Pagkilala sa serbisyo ng mga Lasalyano
Binigyang-parangal sa programa ang 206 na Lasalyano na nagbigay-serbisyo sa Pamantasan at naging katulong ng DLSU sa kanilang misyon. Kabilang dito ang mga estudyanteng masigasig na naglingkod mula sa Lasallian Outreach and Volunteer Effort (LOVE) at Red Cross Youth ng Center for Social Concern and Action (COSCA); Lasallian Animators, Council of Religious Organizations of Students, at College of Law Volunteers mula sa Lasallian Pastoral Office (LSPO); Student Representatives ng Office of Counseling and Career Services (OCCS); Student Managers mula sa Office of Sports Development (OSD); NROTCU Reservist Instructors ng NSTP and Formation Office (NFO); Paragons at Student Representatives mula sa Student Development and Formation Office (SDFO); at mga Lasallian Ambassador, Student Consultant, at Lasallian Student Ambassadors for Graduate Education ng Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE).
Sunod namang kinilala ang mga naging katuwang ng DLSU sa kanilang kahusayan sa pagpapalaganap ng misyong Lasalyano. Ginawaran ang mga piling administrador, mga organisasyon, at iba pang miyembro ng pamayanang Lasalyano sa ilalim ng COSCA, LSPO, OSD, SLIFE, Lasallian Mission Office – Laguna Campus, at NFO.
Samantala, pinarangalan naman ng pagkilalang pampamantasan ang 61 mag-aaral at grupong Lasalyano na nagbigay-serbisyo sa DLSU nang magkamit sila ng mga gantimpala mula sa larangan ng isports, pamumuno, gawaing pansibiko, pamamahayag, at sining at kultura.
Pagtatampok sa mga namumukod-tangi
Ipinagkaloob din ang sampung pangunahing gantimpala sa Gawad Lasalyano. Unang tumanggap ng pamproyektong parangal ang La Salle Dance Company (LSDC) – Folk nang makamit nila ang Gawad Bro. Andrew Gonzalez, FSC para sa proyekto nilang Folkcast: Culture Revisited na nakatulong sa pagpapaunlad ng kultura at sining. Samantala, hinirang kay Caryl Lopez, company manager ng LSDC – Folk, ang Gawad Leandro V. Locsin.
Pinarangalan naman ng Gawad Bishop Felix Paz Perez, D.D. ang programang Kaisa: A Sagip-Estrelya Collaboration Project, na pinangunahan nina Hazel Compañero, Andrea de Vera, Bernadette dela Vega, Leona Elegores, Wendellyne Go, at Nikaella Llantino.
Nakamit naman ni Angelica Gaw ang Gawad Br. John Lynam, FSC para sa kaniyang kahusayan bilang kapitan ng DLSU Poomsae Team. Ipinagkaloob naman kay Private First Class Maxine Keeler ang Gawad Col. Jesus A. Villamor para sa natatangi niyang serbisyo sa mga gawaing pangmilitar. Itinanghal naman ang Gawad Ramon V. del Rosario Sr. kay Khadija Cajayon para sa natatanging pamumuno niya bilang pangulo ng Graduate Student Council ng Ramon V. del Rosario College of Business.
Pinatunayan naman ni Jeanne Fernandez ang kaniyang kahusayan bilang lider matapos niyang mag-uwi ng dalawang parangal. Itinanghal sa kaniya ang Gawad Gratian Murray, AFSC para sa kaniyang pangunguna sa St. La Salle Pre-School Catechism and Values Education Program noong 2020 at ang Gawad Br. Acisclus Michael, FSC para sa pamumuno niya bilang convener at pangulo ng COSCA-LOVE.
Pagkilala sa kahusayan at paglilingkod
Bukod sa pagiging kaunaunahang birtuwal na Gawad Lasalyano, naging katangitangi rin ang programa nang itanghal sa dalawang mag-aaral ang Gawad Francisco V. Ortigas Jr., na iginagawad sa mga undergraduate na pinunong mag-aaral na nagpamalas ng natatanging pamumuno. Itinuturing itong pinakaprestihiyoso sa lahat ng parangal mula sa nasabing seremonya.
Pinarangalan ng programa si Roberto Antonio Leviste na nakapagpamalas ng kakayahang mamuno sa loob at labas ng Pamantasan sa panunungkulan niya bilang bise-presidente para sa ugnayang panlabas ng University Student Government (USG), pangulo ng FAST 2017, at kagawad ng Sangguniang Kabataan mula sa Brgy. Bel-Air.
Itinanghal din ang naturang gantimpala kay Samantha Maxine Santos na nagpakita ng kaniyang kahusayan sa pamumuno bilang pangulo ng Lasallian Scholars Society at direktor sa komunikasyon at publisidad ng Office of the USG Executive Secretary. Tinanggap din niya ang Gawad Br. Imar William, FSC para sa kaniyang adbokasiya sa disiplina.
Sa kani-kanilang talumpati, binigyang-diin ni Leviste ang kahalagahan ng kaalaman patungkol sa pamumuno at paglilingkod lalo na sa kabataan. Aniya, hinuhubog ang mga Lasalyano hindi lamang sa larangan ng akademiya kundi tungo sa pagiging mabuti at marangal na mga tagapaglingkod sa pamayanan. Ibinahagi rin niya ang kahalagahan hindi lamang ng mga pinuno kundi pati na rin ng mga miyembrong katuwang nila sa paglilingkod. Hinikayat naman ni Santos ang pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan sa pamumuno at pakikilahok sa mga usaping panlipunan. Binigyang-pugay niya rin sa kaniyang talumpati ang iba pang mga pinunong mag-aaral ng Pamantasan.
Samantala, hindi ipinamahagi sa mismong programa ang ilan sa mga parangal, gaya ng Gawad Br. Blimond Pierre, FSC (Outstanding International Student), Gawad Brother Cecilio Hojilla, FSC (Outstanding Lasallian Mission Partner), Gawad Lim Eng Beng (Outstanding Student Leader in Team Sports), at Gawad Ariston J. Estrada, Sr. (Outstanding Student Leader in Campus Media).