Itinigil ng pandemya ang karaniwang kalakaran ng buhay. Para sa kaligtasan ng lahat, kinailangan nating maging bilanggo sa sari-sarili nating bahay. Habang mabilis na lumilipas ang mga araw sa gitna ng ipinatupad na lockdown, nararamdaman nating bumabagal ang oras at sumisikip ang espasyo sa loob ng ating tahanan. Limitado sa mga kwarto nito ang ating naging karaniwang pasyalan.
Mula sa pagkabagot, ginugusto nating maging malaya. Nangangati ang ating mga paa na gumala. Gusto na nating muling masilayan ang mga kaibigang batong-bato na rin sa kanilang mga bahay. Gusto nating maglibang at pumasyal, tipong sapat na ang pagsigaw sa pataas-babang siklo ng roller coaster sa pook-libangan bilang kapalit sa mga buwang tikom ang ating mga labi dahil wala tayong mga kabalitaktakan. Sapat na ang pagpasok sa isang Haunted House pamalit sa takot na naranasan natin sa nagdaang mga buwan.
Sa panahong nananabik tayo sa mahika, nagbukas muli ang Enchanted Kingdom (EK)—isa sa mga pinakamalaki at pinakakilalang pook-libangan sa bansa. Kasiyahan ang dulot ng pagbubukas nito para sa mga kapwang sabik na sabik na, at kaginhawaan naman para sa mga manggagawang natigil ang trabaho sa EK dulot ng pandemya.
Ngayong nagbukas na muli ang kaharian, ipinaaabot nito sa atin ang mensaheng posible na muling maranasan ang komersyalisadong kaligayahan – pero teka lang, sundin muna ang isang dipang distansya at magsuot ng mask – mga hakbanging kinakailangang gawin para manatiling ligtas habang sinusulit ang aliw at saya sa bagong mukha ng kahariang nagtataglay ng mahika.
Paglalagalag ng mga paang sabik
Ipinirmi ng pandemya ang ating mga paang gala at naging bilanggo tayo ng ating mga tahanan. Isa sa mga nakaranas ng pagkabalisa ngayong panahon ng quarantine si Miriam*. Dahil sa kagustuhang mamasyal at maglibang, labis niyang ikinatuwa ang muling pagbubukas ng Enchanted Kingdom.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Miriam, inilahad niyang pumunta siya sa Enchanted Kingdom noong Nobyembre 30, unang araw na nagbukas ang nasabing pook-libangan mula noong nag-anunsyo ng kwarantina. Pagbabahagi ni Miriam, may halong takot at pangamba ang kaniyang naramdaman sa ideya ng paglabas sa kaniyang tahanan upang maglibang. Gayunpaman, napalitan ito ng pagkasabik dahil makapupunta na siya sa EK sa unang pagkakataon, at kasama pa ang kaniyang mga kaibigang matagal niya nang hindi nakita. Pagsasalaysay niya, “[Unang] decade anniversary of friendship kasi namin ng mga high school friend ko ‘yun. . . Ang EK noon ay 2 weeks of November na namin napag-planuhan. . . Kaya ngayon dahil sumakto na ‘pag November 30 ay Holiday kaya may time kami na mai-celebrate sa EK ang Anniversary namin nun. Halos lahat [naman] kami ay na-stress dahil sa pandemic pero ngayon na unti-unti na tayong nakakabangon ay nag-unwind kami ng mga kaibigan ko kahit sa isang araw lang.”
Nang kumustahin ang kaniyang naging karanasan sa EK, ibinahagi niyang wala masyadong pila sa EK dahil iilan lamang ang tao na dumayo rito. Aniya, “Maayos ang EK, maraming late na nagbukas na rides. Mga around 1-2 pm na dahil konti lang ang mga tao. . . Kahit na mas nakakatakot sumakay sa rides dahil wala kang katabi or may distancing sobrang naging masaya kami that time.”
Dagdag pa ni Miriam, binago ang ilang rides at games upang panatilihin ang social distancing. Aniya, “Sa Jungle Log Jam, 2 lang sa isang boat tapos sa Anchors Away naman 24 persons lang ang allowed. Sa Rio Grande, 4 lang ang pwedeng sumakay kahit na by 8 persons talaga ang mga salbabida doon.” Ibinahagi niyang nagkakaroon din ng sanitization ng rides pagkatapos ng bawat pasada. Mayroon ding mga safety wizard sa loob ng EK upang masiguradong nasusunod ang safety guidelines.
Mahigpit na ipinatutupad sa loob ng EK ang pagsunod sa health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagsunod sa social distancing. Mayroon ding hand sanitizer at alcohol sa bawat ride at sa mismong food court. Hindi rin pinapayagang pumasok sa EK ang mga batang may edad 15-anyos pababa. Kinukuha at inaalam din ang body temperature ng mga bisita bago pumasok at may nakalaan namang holding area sa parking entrance ng EK para sa mga taong mayroong 37 degree body temperature pataas. Papayagan lamang silang makapasok kapag bumaba na ang kanilang temperatura. Gayundin, kinakailangang magsagot ng contact tracing form ang mga nagnanais pumunta rito. Inilahad ni Miriam na bumili sila ng mga tiket sa online na paraan kaya kinailangan nilang sagutan ang contact tracing form na nasa website.
Dahil sa muling pagbubukas ng pinakatinatangkilik na theme park sa bansa, ang naging karanasan ni Miriam sa EK ang nagbigay sa kaniya ng saya sa kasagsagan ng pandemya. Bagamat kinakailangang sumunod sa health protocols, naniniwala si Miriam na marami pang tao ang gugustuhing pumasyal dito. Aniya, “Maraming nagtatanong sa’kin lately kung doon na ba kami bumili ng mga tickets namin. Maraming nagpi-PM sa’kin about sa mga questions nila sa EK.” Bilang isang taong matagal na nanatili sa tahanan dahil sa lockdown, tila mahika ang kaligayahang nakuha niya sa muling pagniningning ng kaharian ng Enchanted Kingdom.
Pagpapatuloy ng ritmo at sayaw
Mahika ring maituturing ang pagbubukas ng EK para sa mga entertainer na pansamantalang natigil ang trabaho dulot ng kasalukuyang krisis pangkalusugan. Isa na rito si Lyn* na isang taon at siyam na buwan nang nagtatrabaho sa EK. Sa kaniyang panayam sa APP, inilahad niyang nawalan siya ng kita dahil sa implementasyon ng lockdown. Gayunpaman, upang masigurong matutugunan ng mga empleyado ang kanilang mga pangangailangan, nagpaabot ng tulong ang EK para sa mga naapektuhang manggagawa, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Php16,000 ayuda mula sa SSS at DOLE.
Dahil sa mga pagbabagong kinailangang isakatuparan, inilahad ni Lyn na nakaapekto ito sa estado ng kaligayahan sa loob ng park. Aniya, “Bagaman nakakapagod ang trabaho namin bilang entertainers, nakakabawas ng pagod ang palakpakan at ngiti ng mga guest na nanonood sa shows namin. Ngayong limitado ang maaaring papasukin sa EK nabawasan ang sigla ng park. Subalit, masaya pa din kami na magkakasama na ulit kaming pamilya ng Enchanted Kingdom Circle of Artists matapos ang higit kalahating taon na quarantine.”
Gayundin, nabawasan umano ang mga tagapagtangkilik ng EK. Paglalahad niya, “Kapansin-pansin din na hindi na ganoon kadami ang bisita ng EK ngayon kumpara noong parehas na peak season (ber months). Sa entertainers, ‘di na namin makahalubilo at makakwentuhan ang mga guests sapagkat tinanggal na din ang meet and greets sa aming nga shows.”
May mga health protocol ding kailangang sundin ang mga entertainer, katulad na lamang ng pagsailalim sa rapid testing bago pumasok sa EK, pagsuot ng face masks at face shields, pagbago sa kanilang mga routine, at pagtanggal ng partnerings sa mga sayaw upang maisakatuparan ang social distancing. Bukod pa rito, anim na mananayaw na lamang ang maaaring manatili sa bandstand. Wala naman umanong pangamba si Lyn sa pagdagsa ng mga tao sa EK dahil may limitadong bilang lamang ng guest na maaaring pumasok sa pook-libangan.
Inilahad din ni Lyn na bagamat maraming tao ang nangangamba sa muling pagbubukas ng EK, malaking tulong naman ito para sa katulad niyang entertainer na labis na naapektuhan ng pandemya. Pagsasalaysay niya, “Bilang manggagawang Pilipino, sana maunawaan ng mga nambabatikos na matagal naming inabangan na makabalik sa trabaho sapagkat kailangan naming kumita ng pera para sa aming mga pangangailangan.”
Bagong kahulugan ng aliw at saya
Isa sa mga pinakasikat na pook-libangan sa bansa ang Enchanted Kingdom. Lulan ito ng mga alaala ng mga batang pumasyal dito noong kanilang kaarawan. Naging tagpuan din ito ng mga taong nagmamahalang piniling maging masaya sa piling ng mga taong kasama nila. Naging espasyo rin ito ng mga pamilyang gustong magsama-sama, at ng magkakaibigang gustong maaliw at bumuo ng mga gunita. Ngayon, pasyalan ito ng mga taong naging bilanggo ng kasalukuyang kinahaharap na pandemya.
Marahil ito na ang hinaharap ng Enchanted Kingdom – hindi na karaniwang larawan ang mahahabang pila bagkus makikita na natin ang mga taong naghihintay sa linya habang pinananatili ang isang dipang distansya. Hindi na tayo maaaring lumapit sa mga entertainer upang alayan sila ng mga papuri; sapat na ang distansya sa pagitan ninyong dalawa para sabihing nagustuhan mo ang kanilang pagtatanghal. Hindi na natin masisilayan ang ngiti o takot ng mga kasama natin sa rides dahil itinatago ito ng kanilang face mask at face shield.
Sa kabila ng mga pagbabago, bumabalik na ang mga tahanan ng kasiyahan – kinakailangan lamang ng tamang pag-iingat para sa pagpapanatili ng ating kaligtasan.