INILANTAD ng Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran (SPARK) Philippines ang kasalukuyang kalagayan ng diskriminasyon sa kasarian at isyu ng estereotipong pag-iisip ng komunidad sa kababaihan, sa isinagawang talakayang What’s Gender Got to Do with COVID-19 Vaccine, Marso 25.
Sinimulan ni Amina Swanepoel, executive director ng Roots of Health, ang diskusyon na layuning busisiin ang tungkulin ng puwersa ng kababaihan sa pamumuno at pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa. Dagdag pa nito, ibinahagi ng mga imbitadong tagapagsalita ang kanilang mga karanasan at kaalaman sa isyu ng diskriminasyon, paniniil, at pangmamaliit sa kakayahan ng kababaihan dahil sa binuong baluktot na pag-iisip ng lipunan.
Karahasan batay sa kasarian
Tinalakay ni Dr. Leila Joudane, representative ng Pilipinas sa United Nations Population Fund, ang pag-aaral tungkol sa epekto ng COVID-19 sa usaping kasarian at katayuan sa buhay. Aniya, kailangang ipaliwanag ang dahilan bakit ibinubukod ang mga nasa laylayan sa usapang politika, gaya ng paglaban sa pandemya. Pagdidiin ni Joudane, mahalagang pakinggan ang kanilang boses at malaman ang kanilang kalagayan dahil apektado rin sila sa pandemya at bahagi sila ng lipunan.
Sumang-ayon naman dito si Commission on Human Rights Commissioner Karen Dumpit-Gomez at iginiit na, “Will those in the fringes be assured access to information and prioritization? Will their vulnerability be measured? Will women and other marginalized groups be involved in planning in the program and decision making?”
Sumunod namang ibinahagi ni Joudane ang kaniyang kaalaman ukol sa kalagayan ng kababaihan sa lipunan ngayong pandemya. Pagsasalaysay niya, mas pinalala ng pandemya ang umiiral na diskriminasyon sa kasarian, lalo na sa kababaihan dahil sa pagdami ng kaso ng pananamantala, pang-aabuso, at karahasan.
Binuksan din sa talakayan ang paksang sexual exploitation, tulad ng “sex for quarantine pass” at sexual harassment sa mga checkpoint lalo na noong ipinatupad ang community quarantine sa bansa. Pagpapaalala ni Dumpit-Gomez, kailangang magkaroon ng ligtas na espasyong maaaring puntahan ng mga biktima ng karahasan, babae man o lalaki, para makapagdulog ng reklamo.
Mga nakatagong tungkulin sa komunidad
Ikinuwento ni Josel Gonzales, isang aktibista, human rights champion, at chief of staff mula sa Dinagat Islands, ang pagharap ng kanilang probinsya sa banta ng COVID-19. Malugod niyang ibinalitang matagumpay nilang napigilan ang paglaganap ng virus sa kanilang lugar mula Pebrero hanggang Agosto 2020.
Ipinagmalaki rin ni Gonzales na higit na maraming kababaihan sa kanilang lugar ang nagsisilbi bilang kanilang mga frontliner. Kaugnay nito, nagbigay rin ng trabaho at kapital ang lokal na pamahalaan para sa ilang kababaihan upang makapanahi sila ng facemask at personal protective equipment.
Naniniwala naman si Dr. Junice Melgar, executive director ng Likhaan Center for Women’s Health, na bagamat mas maraming kalalakihan ang nakaranas ng malalang epekto ng COVID-19, mas maraming kababaihan umano ang nakasasalamuha ng mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit.
Dagdag ni Melgar, naapektuhan ng pandemya ang maraming pangangailangan ng kababaihan, tulad ng sexual at reproductive health services. Bunsod nito, dumami ang kaso ng mga hindi inaasahang pagbubuntis, na nakaimpluwensiya sa pagdami ng namamatay sa panganganak, dahil sa kakulangan sa contraceptives at sex education.
Sa kaniyang pagtatapos, binigyang-diin ni Melgar ang kahalagahan ng kababaihan sa panahon ng pandemya, tulad na lamang sa pamamahagi ng bakuna. “While the vulnerabilities of women in difficult times are evident, so too their resilience,” ani Melgar.
Pagsagot sa hamon ng oras at impormasyon
Sa huling bahagi ng talakayan, nagbigay ng reaksiyon sina Guillermo Luz, chief resilience officer ng Philippine Disaster Resilience Foundation, at Carolyn B. Dagani, pangulo ng Philippine Federation of the Deaf and Core Team. Ayon kay Luz, “We need to move fast. It’s a race to beat the variants in a way.” Iminungkahi niyang dapat magpursigi ang gobyerno upang mabilis na mapalawig ang pamamahagi ng bakuna sa bansa nang mapababa ang dumaraming kaso.
Ipinaabot naman ni Dagani sa Department of Health (DOH) ang kaniyang punto ukol sa kakulangan ng interpreters na magsisilbing daan upang makatulong sa pagpapakalat ng tama at kinakailangang impormasyon para sa mga bingi at iba pang taong may kapansanan. Hindi umano naiintindihan ng mga bingi ang impormasyon ukol sa COVID-19 at bakuna dahil sa kakulangan ng angkop na serbisyo mula sa gobyerno. “It should be the government’s responsibility, specifically the DOH, to provide these services and kinds of access in the hospitals, either for deaf or women,” giit in Dagani.
Nararapat na pagkonsidera, pagkilala, at pagpapahalaga sa mga karapatan at gampanin—ito ang panawagan ng kababaihang walang humpay na pinagsisilbihan ang lipunan. Hindi na dapat pang maging batayan ang kasarian para sa partisipasyon at pakikilahok dahil apektado ang lahat sa pandemya. “We have a collective responsibility to ensure that our vaccinations are accessible to all regardless of gender, religious beliefs, place of residence. . . We work as one and heal as one,” pagtatapos ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, Philippine Representative sa World Health Organization.