BINIGYANG-HALAGA ang kakayahan, karapatan, at impluwensiya ng kababaihang Pilipino kaugnay ng pagdiriwang ng National Women’s Month, sa webinar ng University Student Government – Office of the Vice President for External Affairs, Marso 26. Tampok ng naturang programa ang temang Unapologetically Empowered: Unraveling Women Power in the 21st Century.
Nagsimula ang webinar sa pambungad na pananalita ni Bise Presidente Leni Robredo. Pahayag niya, isa itong pagkakataon upang makapagbahagi at mapanghugutan ng inspirasyon ang iba’t ibang kuwento ng women empowerment. Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga karanasan sa pagtataguyod nito pati ang kahalagahan ng pag-aksyon at pakikinig sa mga kuwento ng kababaihang biktima ng pang-aabuso.
Sinundan naman ito ng pagpapakilala sa mga tagapagsalita ng talakayan na sina Sarah Elago, Kabataan Partylist representative, at Samira Gutoc, isang mamamahayag at women’s rights advocate.
Sinimulan ang talakayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng depinisyon sa isang malakas na kababaihan. Ayon kay Elago, “A strong woman can be defined in so many ways. But for me, a strong woman is. . . being a woman. Being able to survive in this society facing crises and human rights emergencies.”
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Gutoc ang mababang bilang ng mga kumakandidatong kababaihan sa mga posisyon sa gobyerno. Paniniwala niya, mas epektibong napapamahalaan ang puwesto sa gobyerno tuwing babae ang umuupo sa kabila ng kaunting bilang nito.
Larangan ng kababaihan
Ibinahagi rin nina Elago at Gutoc ang mga naranasan nilang diskriminasyon sa politika. “If Miriam was eating death threats for breakfast, I was eating trolls. . . troll comments for breakfast,” ani Gutoc. Gayunpaman, binigyang-diin niyang hindi niya hinahayaang maapektuhan siya ng mga negatibong komento dahil bahagi ng pagiging taong publiko ang pagtanggap sa mga ganitong komento.
Inilahad naman ni Elago ang nararanasan niyang sexual harassment online. Aniya, kasama rito ang pagpuna sa kaniyang katawan bilang babae sa halip na batikusin ang kaniyang katayuan sa mga isyu.
Parehas naman nilang sinabing hindi nila itinuturing na hadlang ang mga pambabatikos sa kanila para magpatuloy. Ayon pa kay Elago, suportado ng kababaihan ang bawat isa laban sa pambabatikos. “Always remember that in the advocacy for women’s rights, we are not alone. Hindi ka nag-iisa, hindi tayo nag-iisa,” aniya.
Ipinarating din ni Gutoc at Elago ang kahalagahan ng pakikibahagi ng kabataang kababaihan sa pamunuan. Ayon kay Gutoc, “Share the leadership by nurturing, harnessing, and collectively engaging the ones younger than you. Mas magaling minsan ang kabataan kaysa mga elders.”
Hamon sa mga kababaihan
Tinalakay rin nina Elago at Gutoc ang mga isyung kinahaharap ng kababaihan lalo na ngayong pandemya. Tinukoy ni Gutoc ang kakulangan sa serbisyong medikal bilang isa sa mga suliranin ng kababaihan, lalo na sa mga probinsya. Inisa-isa rin niya ang mga dahilan nito kagaya ng kakulangan sa impormasyon at pasahod sa mga health worker.
Nanawagan din sila para sa pagpapabuti at pagsusulong ng mga programang may kinalaman sa reproductive health. Ayon kay Gutoc, kailangan pang mas mapabuti ang kalagayan ng mga serbisyong may kaugnayan sa reproductive health upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya ngayong pandemya, lalo na ng kababaihan.
Dagdag pa rito, nakiusap din sina Elago at Gutoc na mas maging bukas ang karamihan, lalo na ang mga nakatatanda at relihiyosong mga tao, sa diskurso ng edukasyon ukol sa sex. Ayon kay Elago, mahalagang matugunan ang problemang ito pati sa mga paaralan dahil lubos itong nakaaapekto sa kalusugan ng kabataan lalo na ng kababaihan. Aniya, higit na dapat katakutan ang kawalan ng impormasyon ukol dito.
Pagtugon sa mga hamon
Tinanong naman sina Gutoc at Elago ukol sa pagtugon sa domestikong karahasan at diskriminasyon sa kasarian sa kasalukuyang panahon. Inihayag ni Elago na kailangan ang tuloy-tuloy na serbisyong pambarangay kagaya ng pansamantalang tirahan para sa mga biktima ng pang-aabuso.
Binigyang-diin din ni Elago na laban din ng kabataan ang laban para sa karapatan at pagkakapantay-pantay. Binanggit naman ni Gutoc ang responsibilidad ng kabataan na ituwid ang anomang kamalian ng nakatatanda, at tinukoy ang karapatan ng kabataan na kasuhan ang nakatatanda sa pagkakataong may nalabag silang batas.
Dagdag pa ni Gutoc, ito na ang panahon para umaksyon ang kabataan laban sa mga katiwalian. Sinabi niyang taglay ng kabataan ang pasyon, ideyalismo, kakayahan, at kaalaman upang labanan ang kawalan ng hustisya.
Sa kabilang banda, nilinaw din ni Elago ang pagkakaiba ng pagiging empowered at pagiging arogante. Ayon sa kaniya, matatawag na empowered ang isang tao kapag isinusulong niya ang karapatan ng kababaihan para sa pagkakapantay-pantay ng lahat. Ngunit, maituturing namang arogante ang isang tao kung itinataguyod niya ang sariling karapatan habang hinihila pababa at nilalabag ang karapatan ng kaniyang kapwa.
Nagtapos naman ang talakayan sa pangwakas na pananalita mula kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach. “Let’s continue inspiring women not just here in the Philippines but all over the world. Kaya natin ‘yan,” pagtatapos niya.