Puro patsada


Hugas-kamay. Dito magaling ang kasalukuyang administrasyon—sa pagtakbo palayo sa ipinangakong responsibilidad at salita. Pagtakbo palayo sa sinumpaang tungkulin. Pagtakbo palayo sa totoong kailangan at hinahangad ng sambayanan. Nakadidismaya subalit hindi na ito bago sa ating bansa. Nakapanlulumo pero kibit-balikat na lamang sila. Nakagagalit. 

Tuwing buwan ng Marso, ginugunita ang International Women’s Month upang mapagnilayan ang pag-unlad, manawagan para sa progresibong pagbabago, at ipagdiwang ang mga pagkilos na nagpapakita ng katapangan at pagpapasiya ng ordinaryong kababaihan, na gumampan at gumagampan ng mahalagang papel sa kasaysayan ng bansa. Isang demokratikong bansa ang Pilipinas at nararapat lamang na tanggapin, kilalanin, at respetuhin ang karapatan ng lahat—anoman ang kasarian ng mamamayan. Kaya naman, hindi nagpahuli ang ating Pangulo sa pagbibigay ng mensahe sa paggunita ng buwan ng kababaihan.

Alalang-alala ko pa, sabi sa inilabas niyang pahayag noong Marso 8, “Let us elevate women to their rightful place in society by empowering every Filipina to break not only the barriers that have long hindered them from reaching their full potential, but also the backward mindset that fueled a culture of gender oppression and inequality.” Gayunpaman, sa mga katagang ito, napaisip at napatanong ako. Kailan niya ba ginawang ligtas na lugar ang ating bansa para sa kababaihan? Kailan niya ba talaga ipinakita na binibigyang-halaga ang kapangyarihan, katayuan, at kakayahan ng kababaihan sa bansa? Sa pagkakaalala ko, isa siyang tagapagpalaganap ng misogynistic na pag-iisip. Siya ang nagpapakita ng kung ano ang dapat kamuhian ng lahat dahil lamang mababaw ang pananaw niya sa estado ng kababaihan. 

Nakadidismaya dahil siya—isang Pangulo, isa sanang huwaran, na nagsabing ligtas na bansa ang kinatatayuan natin—ang nag-utos sa militar na barilin ang mga rebeldeng komunistang babae sa kanilang pribadong bahagi ng katawan. Siya ang Pangulong ginagawang normal at katatawanan ang panggagahasa at pangmomolestiya. Kamakailan lang nang isinaad niyang wala sa kakayahan ng kababaihan ang mamuno dahil lubos na magkaiba umano ang emosyonal na kakayahan ng lalaki at babae. Kamakailan lang din nang lumabas ang kuhang bidyo ng tangkang panghihipo niya sa kasambahay niya sa kanilang tahanan. Hindi kailanman magiging katawa-tawa ang pagtangkang hawakan ang pribadong bahagi ng isang tao nang walang pahintulot, anoman ang iyong relasyon sa tao, biro man o hindi. At ang katotohanang hindi ito ang unang pagkakataong nakita ng sambayanang Pilipino ang mga galaw ng Pangulo, ipinakita lamang niyang hungkag ang kaniyang pahayag at pawang kasinungalingan lamang.

Sa totoo lang, ang nagawa lamang niya ay ipasok sa kaisipan ng mga Pilipino na hindi karapatdapat respetuhin ang kababaihan. Mawalang galang na po, tama na po ang paghuhugas-kamay. Tama na po sa mga walang saysay na salita at patsada. Tama na po sa mga walang kuwentang rason at palusot. Hindi po ito gawain ng isang Pangulo at kahit ninoman. Hindi at hindi kailanmang magiging makatao ang panghihipo, pangmomolestiya, at higit sa lahat, ang pangmamaliit sa kakayahan ng kababaihan.

Kaya ngayon, kahit tapos na ang buwan ng Marso, hindi ako titigil sa pagtindig para sa nararapat na kaligtasan at tamang katayuan ng kababaihan sa lipunan. Hindi tumitigil sa buwan ng Marso ang laban ng kababaihan. Oo, mahirap maging babae sa panahon ngayon. Nakadidismaya. Nakapanlulumo. Nakagagalit. Nakalulungkot pero mayroon tayong magagawa.