Pagbibigay-babala sa mga sensitibong paksa, binigyang-tuon sa sesyon ng LA


PINAIGTING ang pagbuo ng safe space sa Pamantasang De La Salle sa ikatlong espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) nang ipasa ang resolusyong naglalayong maglagay ng babala sa mga pahayag at inisyatiba ng University Student Government (USG) na tatalakay sa mga sensitibong paksa, Abril 8. 

Ipinagpaliban naman ang pag-apruba sa karagdagang rekisito mula sa Commission on Audit (COA) para sa mga yunit ng USG. Paliwanag ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, kinakailangan pa nilang makipag-ugnayan sa COA upang mapabilang ang Laguna Campus Student Government (LCSG) sa saklaw nito. 

Pahayag ukol sa Araw ng Kagitingan

Unang tinalakay sa sesyon ang paglalabas ng pahayag hinggil sa Araw ng Kagitingan noong Abril 9, na itinaguyod ng komite ng National Affairs (NatAff). Layunin nitong bigyang-pugay ang mga Pilipino na nakibaka para sa kalayaan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang mga sapilitang pinalakad sa Bataan Death March. 

Mula sa pahayag, nais din nitong kilalanin ang tapang at sakripisyo ng ilang Lasalyano na nakiisa rito, tulad ng pilotong si Jesus Villamor at ilang De La Salle Brothers. Kaugnay nito, nagsisilbi itong paalala sa kagitingan at pagpupunyagi ng mga Pilipino sa pakikipaglaban para sa kasarinlan, lalo sa mga isyung kaugnay ng Julian Felipe Reef at West Philippine Sea. 

Sa botong 23 for, 0 against, at 2 abstain, inaprubahan ang resolusyon.

Pagpapalawig sa Safe Spaces Policy 

Inilatag naman ni Lara Jomalesa, FAST2019, ang resolusyong maglagay ng mga babala sa mga pahayag at inisyatiba ng USG na naglalaman ng mga sensitibong isyu. Pagdidiin niya, bibigyang-daan ng resolusyong ito na maitaas ang kamalayan ng mga Lasalyano ukol sa mga sensitibong usapin at mabigyan ng pagkakataon ang mga mambabasa at tagapanood na maihanda ang kanilang sarili sa tatalakaying isyu.

Pagbabahagi ni Elijah Baleros, Students’ Rights and Welfare Executive ng FAST2019, “The application of content warnings. . . would thereby serve as an indication that DLSU is indeed a safe space for all people, and that the well being of everyone, especially the Lasallian community, is highly prioritized.” Ilan sa mga isyung nasa ilalim ng sensitibong pamantayan ang pang-aabuso, krimen ng pagkapoot o diskriminasyon, mental illnesses, adiksyon, karahasan, malalaswang nilalaman, at kamatayan. 

Sa kabilang banda, tiniyak naman ni Baleros na dadaan lahat ng ilalabas na pahayag at inisyatiba ng USG sa Committee on National Issues and Concerns (CONIC) sa ilalim ng hurisdiksyon ng Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE), upang masiguro ang pagtalima ng bawat yunit sa resolusyong ito. Direkta namang makikipag-ugnayan ang SLIFE sa Office of Counseling and Career Services (OCCS) sa mga paksang may kaugnayan sa mental health.

Ipinabatid naman ni Jasmine Paras, Students’ Rights and Welfare Vice-Chairperson ng FAST2019, na nakabatay sa Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila ang inihaing batayan para sa babala. Pagbabahagi niya, dalawang basehan ang kanilang inihain at nakadepende ang paggamit nito sa uri ng materyal na isasapubliko. 

Sa kabilang banda, iminungkahi ni Ignacio na magsagawa ng mga pagsasanay para sa mga opisyal ng USG ukol sa mga pahayag na may sensitibong nilalaman. Binanggit din ni Jomalesa na isinasaalang-alang na rin nila ito upang maisama sa code of conduct ng mga opisyal ng USG. 

Bilang pagtatapos, pinuri ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang mga tagapagtaguyod ng resolusyon. “The resolution put a premium on emphasizing that trigger warnings are not placed so that the media would not be consumed, but rather so that the audience will be able to prepare for when they are ready to watch it,” sambit niya.

Ipinasa ang resolusyon sa botong 26-0-0.

Pagluklok sa campus treasurer ng LCSG 

Sa kabilang banda, iniluklok naman si Trisha Martinez bilang bagong Campus Treasurer ng kampus ng Laguna matapos makatanggap ng endoso mula kay LCSG President Gab Dela Cruz. Aniya, priyoridad niya sa kaniyang termino na paigtingin ang seguridad at transparency sa aspektong pananalapi, pasiglahin ang pakikilahok ng mga estudyanteng Lasalyano sa mga gawain at aktibidad, at itaguyod ang literasiya sa pananalapi sa pamamagitan ng mga webinar. 

Ibinahagi rin ni Martinez na gagamitin ang Google Forms at CuriousCat upang mas mahikayat ang mga Lasalyano na idulog ang kanilang mga hinaing at mungkahi. Dagdag pa niya, isasapubliko rin ang mga financial report sa dulo ng bawat termino at isasakatuparan ang budget request form upang magkaroon ng konkretong katibayan ang bawat transaksyon at cash flow ukol sa pondo ng mga aktibidad at gawain. 

Hinirang bilang LCSG campus treasurer si Martinez sa botong 25-0-0.

Ulat ukol sa tatlong komite ng LA at  college legislative boards

Nilinaw ni Giorgina Escoto, chief legislator, ang kaniyang panunumbalik sa panunungkulan bunsod ng suspensyon ng pangangampanya dulot ng academic easing. Bukod pa rito, kinumusta rin niya ang tatlong komite ng LA pati ang paghahanda para sa college legislative boards.

Ipinahayag nina Kali Anonuevo, chairperson ng komite ng NatAff, Sophia Beltrano, chairperson ng komite ng Rules and Policies, at Astrid Rico, chairperson ng komite ng Students Rights and Welfare (STRAW), na nasa proseso na sila ng paggawa ng sistema sa kani-kanilang komite at pagsusuri ng mga ipatutupad na resolusyon. 

Para naman sa college legislative boards, ipinaalam ni Marts Madrelejos, FAST2018, na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa research and development team ng College of Liberal Arts. Ilan sa mga layunin nilang maisakatuparan ang paglalabas ng pahayag ng kolehiyo ukol sa mga pambansang isyu, pagsasagawa ng isang student-initiated curriculum review, at pagpapatupad ng mga alituntunin ukol sa COVID-19 na magsisilbing gabay ng mga propesor para sa mga estudyanteng may COVID.

Kaugnay nito, katuwang ng College of Education si USG President Maegan Ragudo at ang FAST2018 para sa mga priyoridad na resolusyon ayon kay Janna Josue, EDGE2019. Sa kabilang banda, ibinahagi rin ni Rico ang mga nais nilang itaguyod na resolusyon para sa College of Engineering, tulad ng pagkakaroon ng COVID-19 constituency checker o task force, pagpapalaganap ng college flowcharts, pagbibigay ng tulong pinansyal, at pagkilala sa dean’s listers.

Sambit naman ni Ignacio, makikipagpulong sila sa Office of Sports Development ukol sa suporta para sa student athletes at makikipag-ugnayan din sila sa collegiate correspondent ng School of Economics upang makapagsagawa ng sarbey at focus group discussion para sa mga nais linawin ng mga estudyante. 

Binigyang-tuon naman ng mga kinatawan ng LA mula sa College of Computer Studies (CCS) ang paggawa ng disaster emergency tracker para sa kanilang mga estudyante.  Dagdag pa ni Anonuevo, iminungkahi ni CCS President Jolo Cansana na lumikha ng resolusyong nakapokus sa kahandaan para sa pambansang halalan sa 2022.  

Patuloy namang isinasagawa ng LCSG ang sarbey para sa pagkuha ng free minor degree programs sa main campus. Maliban dito, ipinahayag din ni Pauline Carandang, LCSG Representative, na nakikipag-ugnayan sila sa STRAW hinggil sa pagpapanaig ng gender sensitivity sa Canvas.

Samantala, ipinabatid naman nina Beltrano at Celine Vidal, FOCUS2018, na nasa proseso pa lamang sila ng pagsangguni at pagtalakay ng mga ipatutupad na resolusyon sa kani-kanilang kolehiyo.

Bilang pagtatapos, ipinabatid ni Escoto ang pagsusulit na gaganapin ngayong linggo para sa mga bagong hirang na kinatawan ng LA na sina Macky Vjuan, FOCUS2019, at Celine Dabao, EDGE2018.