#GirlPower: Walang humpay na pamamayagpag ng kababaihan sa mundo ng Esports

Kuha ni Bella Bernal

HINDI MAGPAPATALO ang mga babaeng manlalaro na patuloy na sumasabak sa mundo ng Esports sa iba’t ibang panig ng bansa. Isa na rito si Courtney Sayson, ang co-founder ng Gamer Girls Philippines (GGP), na layuning maging safe space para sa kababaihan ang komunidad ng Esports. Gumawa rin ng ingay sa naturang larangan ang mga Lasalyano na sina Momoroyoi* at Cristina Del Mundo na patuloy na nagpapamalas ng kanilang galing bilang mga manlalaro. 

Sa kabila ng kinahaharap na pandemya, lalo pang dumami ang kababaihang nagpakita ng kanilang galing at potensyal sa online at video games—patunay na kaya nilang makipagsabayan sa kalalakihan sa pagtatagumpay sa mga laro pati na rin sa pagsali sa mga kompetisyon. 

Hudyat ng pag-arangkada

Pinagsama-samang lakas mula sa kababaihan ang patuloy na nangingibabaw habang unti-unti silang pumipiglas mula sa pagkakahon sa ideyang mahina o pabigat lamang sila sa mga laro. Pagbabahagi ni Sayson sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), kalimitang mas nakararanas ng hirap ang kababaihan dahil sa diskriminasyon sa kasarian ngunit hindi nila ito hinahayaang maging hadlang sa pagpapakita ng kahusayan sa mundo ng Esports. 

Ayon kay Sayson, nagsisilbing inspirasyon ang kaniyang mga kapwa-manlalaro sa kaniyang pagtataguyod ng GGP at sa pagtahak sa pag-stream. Nakita niyang malaking hakbang ito upang makapagbigay ng magagandang oportunidad para sa kababaihan, tulad ng pagkakataong makipag-ugnayan at magpasimula ng malayang talakayan sa pagitan ng bawat isa.

Bukod sa mga oportunidad na naghihintay sa mga kababaihan sa kanilang pagsali sa larangan ng Esports, labis na kasiyahan din ang hatid nito sa kanila. Halimbawa nito ang karanasan ni Momoroyoi, isang Lasalyano na  kasalukuyang kumukuha ng kursong BS Psychology, na hindi nag-alinlangang sumali sa komunidad. “I feel a certain happiness being able to partake in virtual worlds and connect with people in and out of the country,” pahayag niya sa APP.

Patuloy na pagpiglas

Sa pagsibol ng mga babaeng manlalaro sa pinaniniwalaang teritoryo ng kalalakihan, hindi maikakailang may hindi pantay na pagtrato batay sa kasarian. Dahil dito, dumarami ang bilang ng mga babaeng nakararanas ng diskriminasyong nagreresulta ng takot at galit sa kanilang mga damdamin. 

Kaugnay nito, ibinahagi ni Momoroyoi ang naranasan niyang online harassment mula sa grupo ng kalalakihan habang naglalaro ng Mobile Legends. “. . . A random teammate was listening to us, he added me and would invite me to play along with his squad to which I had accepted. . . Then, they immediately asked for my Facebook profile, my number, and asked if I had a boyfriend. I expressed that this made me uncomfortable, but it didn’t seem to faze them,” pagbabahagi niya sa APP.

Sa kabila nito, pinatunayan ni Del Mundo, manlalaro ng Valorant, na kayang makipagsabayan ng kababaihan pagdating sa first-person shooter games kahit pa dinodomina ito ng kalalakihan. “Toxic gamers exist and they are often men. There was a time where I was having a bad game and this guy just swore at me. . . in the end of the game, I out-scored him by being MVP in the game,” aniya sa APP

Patuloy na binabasag ng kababaihan ang tradisyonal na pagtingin ng karamihan sa mundo ng Esports bilang isang komunidad na binubuo lamang ng kalalakihan. Giit ni Sayson, “. . . Men can’t accept the fact that what used to be a male-dominated industry, has now been ‘infiltrated’ by female gamers.” Dagdag pa niya, “Though, this is not always the case. Respectful male gamers do exist. You just really need to look for them and be careful in doing so.”

Likha nina Monique Arevalo at Angela De Castro | Mga larawan mula sa Preview PH, Courteney Sayson FB Page, Biancake FB Page, Jia Dee FB Page, Alodia Gosiengfiao FB Page, GGP Esports FB Page

Pagbasag sa nakasanayan

Hindi na bago sa kababaihan ang mga komentong natatanggap nila mula sa ibang manlalaro tuwing nakikipagsabayan sila sa online games. Gayunpaman, hindi ibig-sabihin nito na nararapat na hayaan na lamang manatili ang ganitong kasanayan. Kaya naman, nais ni Sayson na patuloy na ipabatid ang kanilang mga hinaing at tuldukan ang kulturang sumisiil sa kababaihan. “My advice is, never tolerate harassment. . . Most importantly, look for a support group or community. . . Us women need to look out for one another. Be nice and respect one another, regardless of gender. At the end of the day, we are fighting for equality and respect,” payo niya. 

Sa pamamagitan ng pantay na pagtingin at pagtrato sa mga kasarian, unti-unting nababasag ang nakasanayang gawi na pumipigil sa mga babaeng ipakita ang kanilang potensyal bilang mga indibidwal. Sa patuloy na pag-arangkada ng kababaihan, liliyab ang apoy mula sa mitsa ng pagbabago tungo sa pagkilala sa lagablab ng kababaihan sa larangan. Sa panahong mangyari ito, hindi na mananahan sa larangan ang takot na dala ng diskriminasyon at pangmamaliit sa mga manlalaro.

Kailanman, hindi naging kasingkahulugan ng pagiging babae ang pagiging mahina. Kaugnay nito, marapat lamang na patuloy na pumiglas at magpamalas ang kababaihan at ipaglaban ang tama sa tuwing nakararanas ng diskriminasyon. Sa kabila ng hindi magagandang karanasan, asahang patuloy na magniningning ang kababaihan sa larangan ng Esports dahil sa sandatang tangan nila saanman—lakas, tapang, at husay—na hindi maglalaho kailanman.