INILUNSAD ang ika-11 EXCEED Accounting Convention sa online na plataporma sa pag-oorganisa ng Junior Philippine Institute of Accountants – De La Salle University (JPIA-DLSU), Abril 17 at 24.
Nakaangkla ang webinar ngayong taon sa temang “Reshaping business dynamics, catalyzing post pandemic nation-building,” na dinaluhan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan sa buong bansa.
Kalagayan ng accounting ngayong pandemya
Pinangunahan ng mga accountant mula sa limang malalaking accounting firm sa Pilipinas ang plenary session at sinimulan ang diskusyon na naglalayong ilantad ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng accounting.
Kabilang sa mga tagapagsalita sa EXCEED 2021 Accounting Convention ang Vice Chairman ng PricewaterhouseCoopers Philippines Roderick Danao, Miyembro ng Philippine Interpretations Committee Attorney Maria Gracia Casals-Diaz, October 1997 Certified Public Accountant Licensure Examination topnotcher Romualdo Murcia III, Risk Advisory Leader ng Deloitte Philippines Enrique Pampolina, at Chairman ng Philippine Interpretations Committee ng SyCip Gorres Velayo & Company Wilson Tan.
Binigyang-pansin sa unang bahagi ng talakayan ang epekto ng pandemya sa kani-kanilang kompanya pati ang naging tugon at solusyon nila rito. Isinalaysay ng mga inimbitahang tagapagsalita na nakasabay naman sila sa mga nangyayaring pagbabago tulad ng work-from-home arrangement. Gayundin, binanggit nilang hindi lang problema ang naidulot ng pandemya sapagkat nakapagbigay rin ito ng ibang oportunidad para sa kanila.
“We were able to institute measures with the activation of the crisis response team at the executive level, and also the virtual arrangement of our work paved the way for execution of the services to our clients,” paliwanag ni Casals-Diaz.
Ibinahagi naman ni Tan ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon. Aniya, “We carefully crafted communication not only on the technical side or legal side but more on the psychological aspect of the messages.”
Gampanin ng mga accountant sa kinabukasan
Alinsunod sa talakayan tungkol sa epekto ng pandemya, tinanong din sila hinggil sa kakulangan ng mga licensed Certified Public Accountant (CPA) dahil ipinagpaliban ang CPA Licensure Examinations (CPALE) nang ilang beses. Pare-pareho nilang binanggit na hindi sila naging mapili sa pagtanggap ng mga bagong empleyado. “We hired almost a thousand of non-CPA, not having them [the title] because of the situation, does not make one less of a professional,” paniniwala ni Tan.
Sa kabilang banda, ipinabatid naman ni Pampolina ang pagbibigay nila ng pansin sa ibang larangan tulad ng impormasyong panteknolohiya, pang-ekonomiks, at iba pa. Aniya, “Even the core of our firm is for accountants, we also looked at the other lines because this would also give us that flavor when we help our companies address risk.”
Tinalakay din ang papel na ginagampanan ng mga CPA sa pag-aayos ng pampinansiyal na sitwasyon ng kanilang mga kliyente. “Trust, ethics, and professional competence are really ever the cornerstone of our profession. We need to ensure that we are trusted by our clients and users of financial information,” pagsasaad ni Murcia.
Ipinunto naman ni Danao na nakikita niya ang larangan ng accountancy bilang digital sa mga susunod na taon. Kinakailangan umano nitong umangkop sa makabagong teknolohiya upang maging mas epektibo sa trabaho.
Binanggit naman ni Casals-Diaz ang pangambang dulot hindi lamang ng pandemya, kundi pati na rin ng climate change kaya’t hinimok niyang mas paigtingin ang kakayahang makibagay. “We have to be professional and always bear in mind that public interest is at the forefront of our profession,” dagdag pa niya.
Sa pagtatapos ng plenary session, tinanong ang opinyon ng mga tagapagsalita ukol sa pag-enmiyenda sa ibang probisyon sa accountancy law (Republic Act No. 9298). Sa naturang panukala, kinakailangang dalawang taon na ang karanasan sa pagtatrabaho upang makakuha ng CPALE at gagawing 75% na ang passing rate. Para kay Murcia, paraan ito upang mapabuti ang kalidad ng propesyon.
Sa kabilang banda, ipinunto ni Tan ang praktikal na aspektong dapat isaalang-alang. “If you don’t give them the CPALE right now, after 2 to 3 years, most of them will not take it anymore, because they also have to earn a living,” wika niya.
Pagtugon sa hamon ng digital accounting
Pinagtuunan naman sa ikalawang araw ng EXCEED ang iba’t ibang tungkulin ng mga accountant sa apat na sangay ng accounting sa kabila ng kinahaharap na pandemya. Nagbigay ng paunang salita si Lope L. Bato Jr., presidente ng Philippine Institute of Certified Public Accountants.
Sa kaniyang mensahe, tinukoy ni Bato ang mga haharaping hamon ng mga accountant. “The accounting profession is witnessing a threat to its future viability as a result of three broad challenges. I will call these challenges as the challenge of attraction, the challenge of relevance, and the challenge of change,” saad ni Bato.
Tinalakay naman ng unang tagapagsalita na si Ericson D. Fadeja, Partner-Head ng Audit and Risk Management of Mazars Philippines, ang mga bantang dulot ng digital fraud at cybersecurity. Ipinunto ni Fadeja na hindi maiiwasan ang pag-usbong ng digital transformation sa kasalukuyang panahon. “Digital transformation is not just inevitable, it is welcomed. . . it has its challenges but it greatly benefits us in the long run,” dagdag pa niya.
Nabahala rin si Fadeja sa patuloy na paglaganap ng cloud-based accounting dahil kaakibat din nito ang pangamba sa data breaching at hacking. Kaugnay nito, hinikayat niya ang mga kalahok na paigtingin ang mga pribadong detalye na ginagamit nila sa pang-araw-araw na pamumuhay upang matugunan ang mga bantang ito.
Pinasadahan naman ng ikalawang tagapagsalita na si Amador T. Sendin, Chief Financial Officer, Chief Risk Officer, at Senior Vice President for Administration ng MacroAsia Corporation, ang pagpapatibay ng corporate values sa gitna ng krisis at pag-ahon mula rito. “The core values of a company are its philosophies, these are the principles that guide us,” pagpapaliwanag ni Sendin. Inihalintulad rin niya sa mga ekwasyon ang tungkulin ng bawat CPA, “In essence, you have to strive to keep everything in balance.”
Para naman sa larangan ng edukasyon, ibinahagi ni Dr. Florenz C. Tugas, presidente ng National Association of CPAs in Education, ang kalagayan ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Naniniwala si Tugas na kinakailangang ipagpatuloy pa rin ang pagsulong upang malagpasan ang napakaraming pagbabagong naidulot ng pandemya sa edukasyon. Para sa kaniya, “It would be easier for us to move forward if we are to recognize saan tayo ngayon, saan tayo papunta, at paano ba tumungo roon.” Payo niya sa mga estudyante, “Allow change, embrace change. Be that prayerful, purposeful, and flexible person.”
Kabataan tungo sa pagbabago
Inimbitahan rin sina Kabataan Partylist Representative Sarah Jane Elago at Senador Kiko Pangilinan upang makapagbigay ng representasyon sa gobyerno.
Tinalakay ni Elago ang tungkulin ng kabataan sa pagtugon sa kinahaharap na pandemya. Tinukoy niya ang kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan upang masilayan ang mga natatanging kuwento ng tagumpay na nakapaloob sa bawat naratibong makikita rito. “Mayroon tayong kasaysayan ng mga aral, may kasaysayan tayo ng inspirasyon, at may kasaysayan tayo ng mga tagumpay na puwedeng paghalawan ng marami pang tagumpay,” ani Elago.
Nagbigay-inspirasyon naman si Pangilinan sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng propesyon ng accounting. Paglalahad ni Pangilinan, mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng mga accountant upang maintindihan ang mga inilalabas na numero at talaan sa kasagsagan ng pandemya. Pagtatapos niya, “The numbers in your lessons are not mere figures, later on, you will find out that these numbers could become national policies, annual budget, survival and progress of the Philippines.”
Sa huli, nagbigay rin ng mensahe si Leni Robredo, pangalawang pangulo ng Pilipinas. “Bilang [mga accountant], kasama kayo sa papanday ng better normal na minimithi natin,” ani Robredo.